WIKA nga ng isang kuwagong talisik: “Ang sukatan ng pagkakaibigan ay ang pagkakaibigan na hindi nasusukat.”
Noong unang panahon, bawat hayop ay mayroong likas na kontrapelo: sawa’t buwaya, daga’t pusa, tigre’t leon, kobra’t alamid, sawa’t matsing, oso’t lobo, elepante’t aso, pusa’t ibon, o aso’t pusa. Sa daigdig ng mga hayop, sadyang hindi maaaring magsama ang mortal na magkakaaway.
Kung kaya’t may kakaibang kwento sa hacienda ni Ka Carding.
Sa malaking kamalig, ilang taon na ang nakalilipas, may paboritong alagang aso si Ka Carding, si Bloo.
Isa si Bloo sa mga natatanging alagang hayop sa hacienda na busog sa mga masasarap na pagkain. Bagama’t kabilang siya sa mga mapapalad na hayop sa hacienda, batid ni Bloo na mayroong siyang mga kasamang hayop na ‘di niya kasing palad.
Sa labas ng kamalig, may isang panot, payat at gusgusing, ligaw na pusa. Dahil na rin sa gutom, naakit ito sa amoy ng mainit na kanin at ulam mula sa malaking pinggan ni Bloo.
Kung kaya’t dahan-dahang pumasok sa kamalig ang ligaw na pusa at lumapit sa lugar kung saan nakapwesto ang pinggan ng aso. Matapos kumain ni Bloo, pinagtiyagaang kainin ng pusa kung anuman ang nagkalat na pagkain mula sa plato ng aso. Hindi naglaon, nakasanayan na ng pusa na kainin ang tira-tirang pagkain, at ‘di rin nagtagal ay hindi na ito naghanap ng pagkain sa ibang lugar. Naging komportable ang pusa, at gayon din ang aso.
Bagaman laging nakabantay sa pinggan nito, hindi napapansin ng aso ang maliit na mahiyaing ligaw na pusa sa kamalig. At kahit mga mumo lang ang nakakain nito, ang dating kulang sa sustanyang pusa ay unti-unting lumaki at lumakas, at naging napakagandang tingnan.
Nagsimulang mapansin ni Bloo ang pusa. Dahil nasanay na ang pusang gala sa tabi ng aso, nawala ang takot sa pusa. At ang aso ay hindi kailanman tumahol para awayin ito. At dahil na rin hindi iniinis ng magiliw na pusa ang aso, unti-unting nasanay sa pusa si Bloo.
Lumipas ang mga araw, nagpakita ng kabaitan ang pusa, at sa di inaasahang ikot ng tadhana, ang dalawang likas na magkaaway ay naging matalik na magkaibigan.
Hindi nagtagal, hindi kumakain si Bloo nang wala ang isa—at sa buong maghapon ay ginugugol ng magkaibigan ang kanilang oras nang magkasama.
Kapag sila’y naglalaro, hihilahin ng pusa ang buntot ni Bloo, at iuugoy siya ng aso pasulong at paatras, mula sa sulok patungo sa isang gilid, pataas at pababa, at paikot-ikot.
At ganoon na nga. Naging matalik na magkaibigan ang aso’t pusa, at walang sinumang hayop sa hacienda ang maaaring makapaghiwalay sa kanilang dalawa.
Isang araw, napadaan sa kamalig ang isang estranghero mula sa isang malayong nayon na bumibisita sa hacienda. Nakita ng estranghero ang makulit na pusa na ngayon ay naging mabalahibo, matikas at mabikas.
Binili ng estranghero ang pusa mula sa tagabantay ng hacienda—at ibinenta naman ng tagabantay ito kahit hindi niya pag-aari ang dating pusang-gala.
Dinala ng estranghero ang pusa pabalik sa kanyang nayon, at walang nakakaalam kung saan man iyon.
Tulad ng inaasahan, nalungkot nang husto ang aso dahil matagal na niyang hindi nakikita ang kanyang kaibigang pusa.
Nalungkot ito at ayaw na nitong kumilos nang kahit anuman—ayaw kumain, ayaw uminom o maligo man lang.
Kung kaya kinailangan itong iulat ng tagabantay ng hacienda kay Ka Carding.
Bagama’t walang sinabi ang tagabantay tungkol sa pagbebenta niya sa pusang-gala, nagkataon naman na si Ka Carding ay mayroong isang kaibigang binansagang “Bulong”—dahil sa pambihirang talino nito na kumausap sa mga hayop at bulungan ang mga ito.
Kaya’t pinakiusapan ni Ka Carding si Bulong na pumunta sa kamalig at alamin ang dahilan ng kalagayan ng aso.
Pinuntahan ni Bulong si Bloo sa kamalig at napansin niyang sadyang napakalumbay ng aso. Naisip niya: “Ang dating masayahing asong ito ay tila pinabayaan na ang kanyang sarili, ngunit wala naman itong anumang sakit. Nakita ko na ang ganitong parehong kondisyon dati sa mga tao at maging sa mga hayop.”
“Ang asong ito ay nagdadalamhati,” sabi niya sa kanyang sarili, “marahil dahil sa pagkawala ng isang napakalapit na kaibigan.”
Pagkatapos ay sinabi niya sa mga tagapagbantay at mga tagapag-alaga: “Wala akong nakikitang sakit sa asong ito. Tila siya ay nagdadalamhati dahil sa pagkawala ng isang kaibigan. Alam ba ninyo kung ang asong ito ay nagkaroon ng napakalapit na kaibigan dito sa hacienda?”
At kanilang ikinuwento kay Bulong kung paano naging matalik na magkaibigan si Bloo at ang ligaw na pusa.
“At ano’ng nangyari sa pusang-gala?” tanong ni Bulong sa mga taga-hacienda.
“Siya ay kinuha ng isang estranghero,” sagot nila, “at hindi namin alam kung nasaan ang estranghero ngayon.”
Bumalik si Bulong kay Ka Carding: “Kaibigan, masaya akong iparating sa iyo na ang iyong paboritong aso ay walang sakit. Ang kanyang pagkalumbay ay dahil sa pagkawala ng kanyang matalik na kaibigan na isang pusang-gala. At dahil kinuha ng isang estranghero ang pusa, dinamdam ng aso ang pagkawala nito kung kaya’t wala itong ganang kumain, uminom o maligo man lang.”
Tila biglang lumambot ang puso ni Ka Carding sa nalaman at nag-wika: “Ang pagkakaibigan ay isa sa mga pinakamahalagang bagay sa buhay. Ang tunay na kaibigan ay mahirap hanapin, mahirap iiwan at imposibleng kalimutan. Maging sa hayop man o sa tao, anuman o sinuman ang dumating at tumatak ng kakaibang epekto sa iyong buhay, kailanma’y hindi mo na kayang balikan ang dati mong buhay ng wala sila. Kaya ang tanong ko sa iyo, Kaibigan, paano natin maibabalik ang matalik na kaibigan ng aking aso para muling bumalik ang kanyang sigla?”
“Kaibigan,” sagot ni Bulong, “iminumungkahi ko na gumawa ka ng isang opisyal na anunsyo sa radyo’t pahayagan, na magbibigay ka malaking gantimpala sa sinumang nakakaalam o nakakakilala ng ligaw na pusa na dating nakatira sa hacienda.”
At ang mungkahi ay ginawa. At nang mabalitaan ito ng estranghero, ibinalik nito ang pusa kay Ka Carding at kanyang pinakawalan sa hacienda.
Napuno ng kaligayahan ang pusa ng makita ang kamalig, at tumakbo sa abot ng kanyang makakaya, pabalik sa kanyang matalik na kaibigang aso.
Tuwang-tuwa ang aso at kanyang pinupog ng himod at binuhat ang matalik na kaibigan.
Kumakawag ang buntot ni Bloo, habang ang mga mata ng pusa ay kumikislap sa tuwa.
Samantala, labis na ikinatuwa ni Ka Carding ang ganap na paggaling ng kanyang paboritong aso. Namangha siya sa kakayahan ng kanyang kaibigang si Bulong mabasa ang isip ng mga hayop, at kanya din itong ginantimpalaan.
Ani Ka Carding: “Ang kabaitan ay nagbubunga ng kabaitan. Kung sa ating tingin ay imposibleng maging maayos ang pagkakaibigan ng isang magkaaway, marahil kung maglalaan lamang ng oras sa isa’t isa at magsisikap na magkaintindiha’t magkaunawaan, kahit na ang pinakamatinding magkaaway ay maaaring maging matalik na magkaibigan.”
PAGTATATWA:
Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.
At para sa kapayapaan ng mundo, walang aso o pusang nasaktan sa pagsulat ng artikulong ito.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]