SA tuktok ng Bundok Sikapoo sa Rehiyon ng Iloko.
Isang umaga, nabalitaan ng mga hayop sa kagubatan na pinapayagan na silang lahat na lumabas at mamasyal matapos ang tatlong taon ding halos na pagkakakulong sa loob ng gubat.
Ang balitang kanilang natanggap ay maihahalintulad na parang oyayi sa musika, at ang kagalakan nila ay maihahambing sa tubig ng nakakapreskong batis sa panahon ng tag-init.
Ayon sa ulat, papatapos na raw ang banta ng pandemya, at pinahihintulutan na ng konseho ng bawat lungsod na buksan ang kani-kanilang mga pultahan sa mga hayop na nais maglakbay, ngunit may ilang kundisyon at limitasyon.
‘Di inaasahan ng mga hayop sa gubat ang magandang balitang ito. Ang buong akala nga ng lahat ay tuluyan na silang makukulong sa kagubatan hanggang sa dulo ng walang katiyakang panahon. Gayunpaman, masayang nagdiwang ang lahat ng hayop, at ang bawat kawan ay mayroong kanya-kanyang palitan ng mga kwento’t mga balakin para muling simulan ang kani-kanilang ipinagpaliban na plano sa paglalakbay.
Una sa mga pinayagan ng Konseho ay ang mga dayong hayop na hindi na nakaalis sa kagubatan tatlong taon na ang nakakaraan. Maaari na silang bumalik sa kanilang mga probinsya at dalhin ang anumang naipundar o natanggap nilang gamit habang nasa kagubatan.
Isang araw, may isang dayong matsing sa Bundok Sikapoo ang pinayagan ng Konsehong makauwi sa kanyang probinsya sa dulo ng Katimugang Mindanao.
Sa pantalan, may mga sawa at kobrang nakabantay at sinisiyasat ang mga dala-dalang gamit ng bawat hayop. Mahigpit ang mga bantay sa piyer. Ang anumang bagay na gawa ng tao na ilalabas mula sa Rehiyon ng Iloko ay kailangang siyasatin bago ito payagang isakay sa barko bilang kargamento. Mayroong babayarang buwis, at ang mga iligal na dala-dala ay may pataw na kulong o parusa.
Likas na matatakutin ang unggoy sa mga ahas. Kinakabahan ang matsing dahil tangan niya ang isang rebultong tanso na nililok at gawa ng tao. May kamahalan ang buwis na babayaran, at malamang sa malamang, dahil iligal ito, ay sa kulungan ang kanyang kababagsakan.
Dahil sa dala niyang rebultong tanso, inaasahan niyang pahihirapan siya ng mga ahas, at alam niyang gagawin ng mga ito ang lahat para lang hindi siya makasakay.
Pero matinik ang unggoy—bago pa man siya pumila, sinimulan na niyang kumatha ng mga sagot, at nang siya na ang nasa unahan ng pila, napansin ng mga guwardiyang kobra ang tansong rebulto sa loob ng kanyang maleta, at nagtanong: “Ano ito?”
At sumagot ang unggoy: “‘ANO ITO?! ANO ITO?!‘” paulit-ulit na pagkutya nito para di mahalata ng kobra ang kanyang kaba.
“Ipagpaumanhin mo po, Ading Kobra, pero mali ang iyong tanong,” pahabol na sagot ng matsing. “Ang dapat mong tanong ay: ‘SINO ITO?!‘,” madiin niyang dagdag.
“Ito ay si Apo Ador. Siya ang pinakamatalino’t pinakamagaling na pinuno ng Republika—ang siyang naglatag ng mga pundasyon ng kaunlaran, at haligi ng Bagong Kalipunan. Siya ang dahilan kung bakit maunlad ang ekonomiya ng bansa. Nagpatayo siya ng maraming lansangang-bayan, mga naglalakihang tulay, mga dambuhalang dam, magagandang mga gusali, modernong mga tren at iba pa. Tangan niya ang tatlumpu’t dalawang medalya at pinarangalan siya bilang isang tanyag na bayani ng giyera noong panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Si Apo Ador ang dahilan kung bakit maganda ang buhay na tinatamasa ng mga tao. Siya lamang, at wala ng iba, ang bumasag ng mga naghaharing oligarko sa bansa. Kinilala tayo bilang isang maunlad na bansa dahil sa kanya. Dala ko ang tansong rebultong ito bilang alaala ng ating mahal na bayaning si Apo Ador,” mayabang na pahayag ng unggoy.
Hanga sa kanyang paliwanag, di na pinagbayad ang matsing at hinayaan ng kobrang bantay na tumawid ito sa andamyo nang walang karagdagang tanong o inspeksyon. At lumayag na siya patungong Katimugan.
Nang makarating ang kanyang sinasakyang barko sa pantalan sa dulo ng Katimugang Mindanao, muling siniyasat ng mga bantay na sawa’t kobra ang kanyang dalang maleta, at nagtanong: “ANO ITO?!“
“Pasayloa ‘ko—ipagpaumanhin mo po, Igsoon nga Kobra. Pero mali ang iyong tanong,” ani ng matsing. “Ang dapat mong tanong ay: ‘SINO ITO?!‘,” dagdag na sabi niya.
“Kini mao ang Apo Ador. Siya ang pinakamasahol na naging pinuno ng Republika—diktador, magnanakaw at nilimas ang kabang yaman ng bansa sa loob ng dalawampung taon. Ipinasara niya ang lahat ng pahayagan at himpilan ng radyo’t telebisyon, at kanyang kinamkam ang anumang maibigan niya. Siya ang utak sa likod ng batas militar kung saan 3,257 ang kanyang ipinapatay, higit sa 35,000 ang dokumentadong kanyang pisikal na pinahirapan, 77 ang nawala, at mahigit sa 70,000 ang kanyang ipinakulong. Sa kabila ng kanyang mga malalaking proyektong pang-imprastraktura, umabot sa $27 bilyon ang utang ng bansa, at tuluyan na tayong nabaon sa pagkakautang magpahanggang ngayon. Pinadapa ni Apo Ador ang ekonomiya, at mahigit sa isang milyon kabataan ang walang makain sa Kapuluan ng Negros dahil tumanggi siyang gumawa ng anumang solusyon para maibsan ang taggutom—ni ayudang mais ay wala siyang maibigay sa mga nagugutom na pamilya ng mga sakada. Naging tanyag tayo sa mundo dahil sa katiwalian, pagmamalabis, kalupitan, at paglabag sa mga karapatang-pantao. Si Apo Ador ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay mahirap pa rin ang mga tao. Dala ko ang rebultong ito para araw-araw ko siyang duraan at isumpa,” pangitngit na saad ng matsing.
Napatulala ang kobrang bantay sa labasan ng pantalan, di na pinagbayad ang matsing ng buwis, at ang tanging nasabi na lamang: ” Pasayloa ‘ko. Humihingi ako ng paumanhin, Igsoon—maaari ka nang umuwi sa inyo.”
Nang makauwi ang matsing sa Bundok Kitanglad, inilagay nito ang rebulto sa ilalim ng puno ng acacia. At upang ipagdiwang ang kanyang pagbabalik, kanyang inimbitahan ang mga kaibigan at ilang hayop sa gubat sa isang malaking piging.
Isa sa mga hayop sa gubat ang nagtanong, “SINO ITO?!“
Sumagot unggoy, “Mahal kong kaibigan, tila mali ang iyong tanong na ‘SINO ITO?!‘—ang iyong dapat na tanong ay, ‘ANO ITO?!‘”
“Ito ay labinlimang kilo ng solidong tanso mula sa minahan ng Benguet. Hinulma at nililok ng mga artesanong Igorot, at itinanghal sa isang lokal na museo sa tuktok ng Bundok Sikapoo para isubasta sa pinakamataas na magtuturing. Ang masasabi ko lamang ay nagawa kong ilusot ito sa mga kobrang bantay nang walang binabayarang buwis o taripa,” pagyayabang ng tsonggo.
Naging sentro ng usapan ang rebultong tanso sa buong magdamag, hanggang sa nag-uwian na ang lahat ng mga panauhin maliban sa matalik na kaibigan ng unggoy.
“Napahanga mo ako sa iyong tapang at talino, Kabayan… ngunit kailan mo pa nakuha ang rebultong ito?” tanong ng kanyang kaibigan.
Napangiti na lamang ang matsing at nagwika: “Kabayan, tila mali yata ang iyong tanong na kung ‘KAILAN‘ ko ito natamo?”
“Ang napakalaking tanong ay, ‘PAANO‘—’Paano’ napasakamay ko ang rebultong tansong ito?”