BATAY sa kwento ng aming nanay, isang bayani ang aming tatay.
Isang bayani, pero iniwanan niya kami.
Hindi ko lubos na mapagdugtong ang pagiging bayani sa pagiging iresponsableng tatay.
Sa mga kwento ng aming nanay, isang matapang na Doberman ang tatay namin—matalino, magiliw, maaasahan, at matapat.
Sa kwento ng aming buhay, siya ang kabaligtaran ng mga katangiang ibinibida ng nanay—hangal, walang pakialam, duwag, at iresponsable.
Sadyang ‘di ninyo ako masisisi kung ganoon na lamang ang aking pagkamuhi sa aking tatay. Tatlong taon na rin mula nang kami’y iwanan niya sa kalsada. Kaya laking pasasalamat naming magkakapatid nang kami’y ampunin ng pamilyang Severino.
Wala na rin kaming nanay. Noong isang taon lang siya namaalam dahil sa komplikasyon sa puso.
Isang maamong Chow-Chow ang aming nanay, at malaki ang kanyang naging impluwensya sa aming magkakapatid habang kami’y lumalaki.Tatlo lamang kaming magkakapatid. Buti na lamang din at hindi naging pito, o walo—kung nagkataon, baka maagang nalagas ang mga balahibo ni Nanay dahil sa konsumisyon sa amin.
Oo, tatlong asong maligalig: dalawang lalaki, at isang babae. Ako ang bunsong lalaki, si Ate ang nasa gitna.
Si Kuya ang katuwang ng Nanay. Siya ang tumayong padre-de-pamilya noong mga panahong hindi pa kami nakatira sa malaking bahay ng mga Severino.
Naging laman kami ng usap-usapan sa kalsada. Ang sabi nila, ang mga batang walang ama o huwarang tatay ay mayroong mataas na tsansang magkaroon ng problema sa kanyang pagkatao.
Ganoon nga siguro sa mundo ng mga tao.
Pero, ‘di ko rin masabi kung ganoon din ang epekto ng walang nakagisnang huwarang ama pagdating sa aming mga aso.
Kung binoboto man ang bayani, una na sa balota ang nanay ko. At ipapaskil ko sa bawat kanto: “Responsable. Maaasahan. Matapat.”
Malinaw sa akin, hindi bayani ang tatay namin.
Aaminin ko… minsan, hinahanap ko rin ang pagkalinga ng isang ama.
Masuwerte si Kuya dahil siya ang paborito ng Tatay bago naging komplikado ang aming mga buhay, o bago pa lumayas si Tatay.
Siguro, dahil nga si Kuya ang panganay, lahat ng atensyon ay napunta sa kanya. Kumbaga, siya ang nakinikinitang tagapagmana ng panghang dugong Doberman.Si Ate naman ang siyang paborito ng Nanay. Mas nakuha ni Ate ang tindig at tikas ng lahing Chow-Chow—mabini’t malambot na balahibo, biluging mga labi, at labis na matapat.
Noong mga bata pa kami, si Kuya ang sagana sa mga damit at laruan. At dahil nga nag-iisang babae, ganoon din ang atensyong nakukuha ni Ate.
Silang dalawa ang mas nabigyan ng panahon ng Nanay at Tatay.
Si Tatay at Kuya, may panahong maglaro sa damuhan, at may oras na magsanay sa pakikipaghabulan. Si Nanay nama’y inuubos ang panahon sa pag-aayos at pagpapaganda kay Ate.
Si Kuya ang laging nauuna kapag mayroong mga laruang naiuuwi si Tatay mula sa malaking bahay. Sa kanya ang magagarang laruang baril, sa akin napupunta ang sira-sirang espada.
Sa kanya ang malambot na bolang ngangatngatin, sa akin ang tsinelas na sira-sira pa. Sa kanya ang mga laruang gumagalaw at umiilaw, sa akin naman ‘yung mga laruang di-gumagana.
Si Ate naman, lahat na yata ng maynika sa malaking bahay ay napunta na sa kanya—mapa-plastik o sintetik, mapa-tela o porselana, lahat ‘yun ay mayroon siya.
Ngunit sadyang hindi patas ang buhay…Pagdating sa mga pinaglumaan at pinagsawaang laruan ni Kuya, ako ang hindi mapag-aalinlanganang tagapagmana.
Si Ate—dahil solong anak na babae—ay walang kaagaw, walang kahati, at walang pagpapamanahan. Kaya lahat ng damit at laruan ay sa kanya lamang.
Naalala ko ang kasabihan: “Ang nabubuhay sa espada, ay mamamatay sa espada,” ‘yan ang batas sa mundo ng mga tao.’
Di alam ng mga magulang namin na kahit simpleng laruan espada ay mayroong epekto sa aming magkakapatid ang ganoong mga bagay. Ang mga ito ang siyang humuhugis sa isang murang kaisipan—ang bumubuo ng malaking bahagi ng aking pagiging “Ako”.
Walang dugong inggit ang dumadaloy sa aking mga ugat, at alam kong hindi pagtatampo ang aking nararamdaman. Nais ko lang ikwento kung ano ang aming buhay na magkakapatid noong kami’y isang masayang pamilya pa kahit panandalian lamang.
Pero ang panahong iyon ay nakalipas na…Minsan, hinahanap ko rin ‘yung amang ipagtatanggol ka sa mga kapwa asong pasaway. ‘Yung amang yayakapin ka kapag ikaw ay nalulumbay. Isang amang gagabayan ka’t bibigyan ng payo sa iyong mga pangarap. Amang hindi ka iiwanan. Amang ni minsan ay hindi ko naramdaman.Kung bayani nga siya, dapat mayroon siyang paninindigan sa kanyang pamilya. Kung totoong matapang siya, bakit hindi niya kayang bumalik at harapin kaming magkakapatid?
Oo, aaminin ko—hindi ko naramdaman ang pag-aaruga’t pagmamahal ng isang tatay. Kalingang—kahit katiting—ay sa akin hindi naibigay.
Doberman? At matapang ba kamo? Hanggang ngayon, hindi ko pa rin lubos na maintindihan kung bakit ang isang bayani ay kailangan kaming iwanan.
Masisisi ba ninyo ako kung ganoon na lamang ang aking pagkamuhi sa aking tatay?
Ngunit ayaw kong habang-buhay ay malunod sa pighati.
Kaya isang araw, habang nasa bakasyon ang mga Severino, nakita ako ni Ate na nagmumukmok sa isang sulok sa bahay—malungkot, nananamlay—walang ganang kumilos, kahit napapalibutan ng isang dosenang mga laruang pamana.
“Ano ba ang bumabagabag sa aming bunso, at tila may problema?” aniya.
“Walang anuman ito, Ate,” ang malumanay na sagot ko sa kanya.
Lumapit siya sa akin at bumulong: “‘Wag ka nang malungkot. May ibibigay akong pamana sa iyo na tiyak na magugustuhan mo.”
Naluha ako nang iniabot niya sa akin ang sinasabi niyang “pamana”.
Sadyang napakadalisay ng puso’t kalooban niya. Niyakap ko si Ate nang mahigpit, at tuluyan na akong humagulgol.
“Ate, alam mo na?” ang aking tanging nasabi sa kanya.
At tumango lamang siya…Kung alam lang nila—matagal ko nang gustong magkaroon ng maynikang porselana.
***
PAGTATATWA:
Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.
Noong araw ding iyon, nagdiwang ang dalawang magkakapatid. Nabalitaan ng kuya ang pangyayari, at binawi nito ang kanyang mga laruang ipinamana.
Walang pinagsisihan si Bunso. Ang sabi niya sa kanyang Kuya: “Kunin mo na lahat, huwag lang ang espada!”