Pagalingan, payabangan

ISANG Sabado, nagkita ang tatlong magigilas na aso sa parke kung saan nagtitipon-tipon ang mga mayayamang pamilya para ipasyal ang kanilang mga alagang hayop linggo-linggo.

Sa parke, hinahayaan ng kanilang mga amo na gumala ang kanilang mga alaga, at makipagkaibigan sa ibang mga hayop na naroroon.

At dito nga, muling nagkita ang tatlong magkakaibigang aso: si Shikoku na mula sa bansang Hapon, si Alsatan na mula sa bansang Alemanya, at si Ayam ang asong Pinoy.

Tulad ng nakagawian, nagkumustahan ang tatlong magkakaibigan hanggang sa napag-kwentuhan nila ang kanilang mga naging pambihirang karanasan, mga delikadong trabahong ginawa, at mga panganib na hinarap.

Bilang pagpapatotoo sa kani-kanilang kwento, napagkasunduan nilang tatlo na idaan sa isang pangagawan o kompetisyon para magkasubukan kung sino sa kanila ang tunay na matapang.

“Banzai! Ako yun!” sigaw ni Shikoku.

Agad na tumakbo ang asong Hapon palayo ng parke, at makalipas ang ang labinlimang minuto ay bumalik ito ngunit may ilang maliliit na galos sa mukha.

“An’ong nangyari sa’yo?!” tanong ng dalawang aso.

“Nakita ninyo ang dyip na ‘yan?” sabay turo ng kanyang nguso sa nakataob na pampasaherong sasakyang sa kabilang kanto.

“Oo, napansin nga naming nakabalagbag ang dyip. Bakit?” tanong ng dalawa.

“Ginulpi ko ang nagmamanehong tsuper, at pagkatapos, itinaob ko ang dyip. Tumulong pa ang labimpitong pasahero para kuyugin ako—pero hinarap ko silang lahat at pinagkakakagat. Fuzakeru na—ganun ako katapang!” pagyayabang ng Hapon.

Napuno ng kahol at palakpakan ang parke nang marinig ng mga hayop ang kwento ng asong Hapon.

Subalit may pagdududa si Alsatan sa salaysay ng Hapon.

“Das dummes zueg! Kalokohan—mas matapang ako sa’yo!” palahaw na sabi ng asong Aleman.

Biglang umalis ang Aleman, at mamaya-maya bumalik ito na sugatan—umaagos ang dugo mula sa malalim na galos sa kanyang tagiliran.

“Bakit ka duguan?!” tanong nina Shikoku at Ayam.

“Nakita ninyo ang bus na ‘yan?” sabay turo ng kanyang nguso sa nakabalandrang pampasaherong bus katabi ng nakataob na dyip.

“Oo, nakita namin ang bus. An’ong nangyari?” ani ng dalawa.

“Ginulpi ko ang drayber, at pagkatapos, tinadyakan ko ang bus. Bumwelta ang drayber na may dalang tubo. Tumulong pa ang limampu’t pitong pasahero para hatawin ako—pero hinarap ko silang lahat at pinagkakakagat. Du weichei—ganun ako katapang!” pagyayabang ng Aleman.

Nang marinig ng mga hayop ang kwento ng asong Aleman, mas napuno ng malakas na kahol at palakpakan ang parke.

“Ang duduwag ninyo!” pabidang sabi ni Ayam, “Lumaki ako sa kalye, at lahat ng mga ginawa ninyo ay nagawa ko na nang makailang beses pa. ‘Yung dyip at bus na sinasabi ninyo, parang bisikleta na lang ‘yan sa aming mga asong kalye!”

“Sige nga, kung talagang mas mapangahas ka, eh, patunayan mo sa amin ang tapang mo!” udyok ng dalawang banyagang aso sa askal.

Dali-daling kumaripas ng takbo ang asong Pinoy, at bumalik ito makalipas ang isang minuto—paika-ika itong maglakad—duguan, lapnos ang balahibo, namamaga’t lumuluwa ang kaliwang mata nito.

Nang makita ng ibang mga hayop sa parke ang asong Pinoy, nagsitahulan at nagpalakpakan ang mga ito.

“An’ong nangyari sa’yo?!” tanong ng dalawang banyagang aso. “P*t*ng mga inakay! Nakita ba ninyo kanina ‘yung rumaragasang dambuhalang trak?!” paangil na tanong ng asong Pinoy.

“Oo, bakit?!” nagtatakang tanong ng dalawa.”

Buwisit!” sigaw ng askal. “‘Di ko ‘yun nakita eh!”


PAGTATATWA:Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.

Agad naman pong pinagamot ng kanilang mga amo sina Shikoku at Alsatan at kasalukuyang nagpapagaling sa kanilang mga bahay. Ipagpaumanhin po ninyo na wala po kaming balita kung kumusta na yung asong Pinoy. Ang magandang balita, maaayos at tumatakbo na po ang dyip at bus.