NAIBENTA ng auction house na Sotheby’s ang isang pares ng sneakers na gawa ng rapper na si Kanye West sa halagang $1.8 milyon (P87 milyon), ang bagong world record sa pinakamahal na basketball shoes.
Ang Nike Air Yeezy, na isinuot ni West sa Grammy Awards noong 2008, ay sample ng linya ng mga sapatos na gawa nina West at Mark Smith para sa Nike.
Ang itim na leather at size 12 na Nike Air Yeezy 1 Prototypes ay mayroong Yeezy forefoot strap habang ang signature Y medallion lace locks ay kulay pink.
Ibenenta ito ng New York sneaker collector na si Ryan Chang.
Binilii ang sneaker ng CEO ng Rares, isang online community at marketplace para sa mga ultra-rare, vintage, at collectible sneakers.
“Our goal in purchasing such an iconic shoe – and a piece of history – is to increase accessibility and empower the communities that birthed sneaker culture with the tools to gain financial freedom through RARES,” ani Gerome Sapp, ang founder at CEO ng Rares.
Bago ito, ang pinakamahal na naibentang sneakers ay ang 1985 Air Jordan 1’s na dinisenyo at isinuot ni basketball legend Michael Jordan. Nabili ito sa auction sa halagang $560,000 noong 2020.