Mga Kuwentong Kuneho, Atbp.

NOONG unang panahon, may isang malupit na Haring Leon na mayroong alagang sampung mababangis na lobo.

Siya ay mayroong mga lobong mababangis upang pahirapan at sagpangin ang sinuman sa kanyang mga kaaway o maging ang kanyang mga kaibigang may nagawang pagkakamali sa kanya.

Isang araw, tinawag ng Haring Leon ang Kuneho na kabilang sa kanyang mga malalapit na tagapayo upang magbigay ng opinyon. Ngunit nagkamali ang Kuneho sa kanyang naging payo sa Hari—at hindi ito nagustuhan ng leon.

Kaya’t inutusan ng Haring Leon ang kanyang mga alipin na itapon ang Kuneho sa kulungan ng mga lobo bilang kaparusahan.

At umiiyak na nagmamakaawa ang Kuneho sa Hari, “Nagsilbi po ako sa inyo sa loob ng sampung taon at ito ang naging kapalit sa aking paglilingkod at katapatan sa iyo? Maawa po kayo Mahal na Haring Leon… Bilang aking munting kahilingan, mangyaring bigyan po ninyo ako ng sampung araw upang makapagpaalam sa aking mga mahal sa buhay man lamang.”

Naawa ito sa kuneho kaya pumayag na rin ang leon.

Sa loob ng ibinigay na palugit ng Hari, ang Kuneho ay pumunta sa mga katulong na nagbabantay sa mga lobo, at sinabi sa kanila na nais niyang pagsilbihan ang mga mababangis na aso sa susunod na sampung araw.

Nagulumihanan ang mga katulong, gayunpaman, pumayag sila at hinayaan ang Kuneho na dalawin ang mga lobo sa loob ng kanilang kulungan.

Sa mga sumunod na araw, sinimulan ng Kuneho ang pagpapakain sa mga lobo, pagpapaligo, pakikipaglaro, at ang pagbibigay ng lahat ng uri ng kaalwahan sa kanila.

At nang matapos ang sampung araw, inutusan ng Haring Leon ang kanyang mga sundalo’t alipin na hulihin ang Kuneho at tuluyan na itong ihagis sa mga lobo bilang kanyang kaparusahan.

Ngunit nang ihagis ang Kuneho sa guwang ng mga lobo, namangha ang lahat sa kanilang nakita.

Nasaksihan nila ang mga lobo na dinidilaan at hinahalikan ang Kuneho. Nagulat ang Hari at napabulalas: “Ano ang nangyari sa mga lobong ito?!”

Biglang tumayo ang Kuneho at buong tapang na hinarap ang Leon: “Naglingkod ako sa mga lobong ito sa loob ng sampung araw at hindi nila nakalimutan ang aking ginawang kabutihan sa kanila. Gayunpaman, pinaglingkuran kita sa loob ng sampung taon at nakalimutan mo ang lahat ng ginawa ko para sa iyo dahil lamang sa isang maliit na pagkakamali!”

Malalim na katahimikan ang namagitan sa dalawa. Napagtanto ng Haring Leon na lahat ng mga bagay na sinabi ng Kuneho ay totoo.

At maging hari man ay nagkakamali….at sa mga tigre ipinadala ng Leon ang Kuneho.


Sa isang masukal na kagubatan sa India, isang Tigre ang humihithit ng sigarilyo—masayang tinatamasa ang lasa ng bawat usok na kanyang ibinubuga.

Isang Kuneho ang dumaan sa lugar na iyon. Napansin niyang mayroong hinihithit na sigarilyo ang Tigre. Nilapitan niya ito at nagsalita: “Mahal kong kapatid na Tigre, Bakit mo sinisira ang iyong kalusugan sa pamamagitan ng paninigarilyo? Napakahalaga ng iyong buhay, mangyaring sumama sa akin, ipapakita ko sa iyo kung gaano kaganda ang kagubatang ito”.

Agad na nakumbinsi ng Kuneho ang Tigre, at ibinaba ng Tigre ang kanyang sigarilyo at tinapakan ito upang mapatay ang apoy at nagsimulang maglakad kasama ang Kuneho.

Habang sila’y naglalakad, nakita nila ang isang Elepante na naglalagay ng tabako sa loob ng kanyang bibig.

Nilapitan ng Kuneho ang Elepante at tinanong, “Mahal kong kapatid, ikaw ay isang malakas na nilalang, ikaw ay napakatalino, bakit mo sinisira ang iyong sariling buhay sa pamamagitan ng paghithit ng tabako? Sumama ka sa akin, ipapakita ko kung gaano kaganda’t kahanga-hanga ang kagubatang ito”.

Itinapon ng Elepante ang tabako, tinapakan ito upang maupos ang apoy, at nagsimulang maglakad kasama nila.

Habang naglalakad ang tatlo sa kagubatan, nakasalubong nila ang isang leon na may dala-dalang alak.

Dahan-dahang lumapit ang Kuneho sa Leon at sinabi: “Kamahalan, ikaw ang Hari ng kagubatang ito. Walang makakapantay sa iyong lakas at talino. Bakit mo sinisira ang iyong sarili? Sumama ka sa akin aking Kamahalan, at ipapakita ko ang kagandahan ng ating kagubatan.”

Nang marinig ito, sinampal ng Leon ang Kuneho nang napakalakas.

Parehong nagulat ang Tigre’t Elepante sa kanilang nasaksihan. Hindi nila inaasahan na sasaktan ng leon ang kawawang kuneho.

Pagkatapos, tinanong nila ang Leon: “Kamahalan, bakit mo sinampal ang kaibigan naming Kuneho—ang Mensahero ng Kapayapaan?”

Galit na sumagot ang Leon: “Diyaske—anong Mensahero—at naniwala naman kayo sa loko-lokong ito?! ‘Di ba ninyo alam na gumon na gumon na ang hangal na ito dahil sa sobrang paghithit ng ligaw na damo!”


PAGTATATWA:

Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.

Napatawad na ng Leon, Tigre at ng Elepante ang Kuneho. Ngunit nabalitaan na lamang ng mga hayop sa kagubatan na mas nalulong at naging sugapa ito sa paghithit ng mga ligaw na damo.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]