Mapayapang Pagtutol (Part 2)

WALANG makapagbigay ng diretsong sagot. Tagapagmana ng kanilang matandang amo si Bito, ngunit nagsimula ang kanilang paghihirap mula nang dumating ito kasama ang mga daneyo.

Read (Part 1) here: https://pinoypubliko.com/arts/mapayapang-pagtutol-part-1/

Sa ilalim ng puno kung saan nagtipon-tipon ang mga hayop noong gabing iyon ay biglang may nagsalitang isang kuwago: “Mga kasama, sino nga ba ang ugat ng problema?” ang bungad nito. “Sa inyong palagay, kung aalisin natin ang mga daneyo sa eksena, giginhawa ba ang ating mga buhay? Alam natin na si Bito ang tanging nakikinabang sa hacienda, samantalang ang lahat ay labis-labis na nagtatrabaho sa kabila ng kakulangan ng pakain. Hindi siya nag-aararo sa bukid. Hindi siya nagbibigay ng gatas. Hindi siya nangingitlog. Hindi siya nagbabantay sa kawan—ni hindi siya makatakbo ng mabilis tulad ng kabayo, ngunit itinuturing natin siyang amo rito sa bukid.”

Ang lahat ay tumango bilang pagsang-ayon.

Mula sa likod ay pumunta sa gitna ng mga nagpupulong ang isang nagtitimpi sa galit na pusa, aniya: “Hindi ito ang nararapat na pagtrato sa atin ng ating amo. Kung iginigiit ng ‘batas ng hacienda’ na dapat nating kilalanin ang mga itinalagang bantay ng ating amo sa kabila ng kanilang mga pang-aabuso, kung gayon ang batas mismo ay hindi lamang bulag, ito ay walang ni katiting na hustisya. Ito na ang panahon na tayo’y umaklas at suwayin ang mga patakaran, singilin at pagbayarin sila sa kanilang mga pagkakasala sa mga hayop.”

“Tila radikal ang iyong pamamaraan, kaibigang kuting,” wika ng kambing.

“Kung hahayaan mong magpatuloy ang kasamaan, bahagi ka ng sistemang patuloy na nananakit ng mga kapwa hayop, at para mo na ring pinayagan na magdusa at apihin apihin ang iyong mga kapatid sa bukid,” sagot ng kuting sa kambing. “Pakinggan mo ang boses na nasa loob ng iyong dibdib. Ang panawagan ng Konseho ay isang mapayapang protesta para tawagin ang kanilang pansin sa kawalang-katarungan sa hacienda: ang mga pang-aabuso, ang pang-aalipin, ang mga katiwalian.”

“Likas na masama ang amo natin. Isang pinunong walang konsensya. Hindi siya nagbibigay inspirasyon, isang ahente ng kahuwaran,” paglalarawan ng aso kay Bito.

“Di ba kayo natatakot sa mga armadong daneyo?” tanong ng kuneho.

“Ang nakatayong pulutong ng daneyo ay bisig lamang ng isang mahinang among tulad ni Bito. Tao rin ang mga ito at may konsensya—hindi habambuhay ay hahayaan na lamang nila na sila’y gamitin, abusuhin, at baluktutin ng isang mapang-aping sistema. May hangganan ang lahat. Hindi nila gagawin ang kagustuhan ng isang balasubas na supilin ang isang moral at lehitimong hinaing ng mga katulad nating mga taga-hacienda,” sagot ng aso.

“Ngunit ito ba ay isang nararapat na paraan upang iprotesta ang kawalang-hiyaan ng ating amo?” pahabol na tanong ng kuneho.

“Paminsan-minsan, tayong mga hayop ay kailangang magsama-sama para mangyari ang mga bagay. Nagkakaisa lamang tayo kapag tayo ay hindi pinapakain ng tama. Para tayo ay mapansin—lalo na ang mga kasama nating walang boses—kailangang marining ng mga tao ang poot sa ating mga dibdib na nagsusumigaw na parang kulog,” paliwanag ng kuting.

Aniya ang mapayapang protesta ay sandata ng matatapang, dahil hindi nila kailangang magkaroon ng mga armas upang ipakita ang kanilang lakas

At sa mismong taon na ito ng buwan ng Pebrero ay nakabuo ng plano ang mga hayop sa bukid.

Bawat hayop sa bukid ay bubuo ng kani-kanilang kawan. Ang mga aso ang nangunang bumuo ng kanilang sariling pangkat, sumunod ang kawan ng kalabaw, baka, kambing, kabayo, at marami pang iba.

Nagkaisa ang kambing at mga baka na hindi sila magbibigay ng gatas.

Ang mga manok, pato, gansa at lahat ng mga ibon at hayop na may pakpak ay napagkaisahan ding hindi mangingitlog.

Hindi umahon sa latian ang mga kalabaw at walang gustong mag-araro.

Tumigil din sa pagkain ng damo ang kabayo, tuhod nila’y nanghina at pinagtampuhan ng lakas para humila ng bagon.

Ayaw man nilang sabayan ang kanilang mga kasama sa mapayapang protesta, napilitan ang mga baboy na, sa halip na dalawa, ay isang beses na lamang silang sisiba. Nangayayat ang lahat kaya lugi kung sila’y ibebenta.

Dahil dito, ilang linggong hindi uminog ang buhay sa hacienda.

Isang araw, napansin ng mga daneyo na isang makapal na hanay ng mga hayop sa hacienda. Bawat isa ay may rosas na dala, naglalakad patungo sa bahay kung saan nakatira si Bito.

Nabulabog ang mga mersenaryo sa nakitang pagtipon-tipon ng mga hayop. Naging kulay rosas ang kapaligiran—na sa tanang buhay nila ay ngayon lang nila nasaksihan.

“Tigil o mapipilitan kaming barilin kayong lahat!” pasigaw na babala ng pinakamataas na pinuno ng mga daneyo. “Ano ang inyong sadya at sino pasimuno nito?” dagdag na tanong nito.

Sa halip na huminto sa harapan ng mga daneyo, lumuhod ang buong pangkat ng aso at nagsunuran ang lahat.

Mula sa kawan ng mga kawan, tumayo at nagsalita ang isang nakakatandang alamid at humarap sa mga mersenaryo at iniabot nito ang dalang rosas:

“Kaibigan, huwag ninyong hayaan ang inyong mga sarili na maging ahente ng kasamaan. Kung ito man ay mangyayari, makatwiran lamang na huwag ninyong sundin ang utos ng inyong amo. Pakinggan ninyo ang inyong konsensya—huwag ninyong ipahiram ang inyong mga sarili sa mali,” nagmamakaawang pakiusap ng alamid.

Unti-unting ibinaba ng mga daneyo ang kanilang dalang mga sandata, at sa hindi inaasahang kilos, ay pumanig ang mga mersenaryo sa mga hayop.

Hinuburan ng maskara ng mga hayop ang tao na minsa’y nagsabing siya ang magtataguyod ng bagong kalipunan sa hacienda.

Dahil sa mga pangyayari, napilitang bumaba sa puwesto si Bito. Inilipat niya ang buong pangangasiwa ng hacienda kay Hiraya.

Sa buong taon na iyon ang mga hayop ay nagbalik trabaho na at masaya sila sa kanilang gawain; wala silang hinanakit, walang pagsisisi. Alam nila na ang lahat ng kanilang ginawa ay para sa kapakanan ng mga hayop sa hacienda —at hindi para sa isang balasubas na amo.


PAGTATATWA:

Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.

At para sa kapayapaan ng mundo, walang hayop ang nasaktan sa pagsulat ng artikulong ito.

Si Bito ay gumamit ng lakas sa pamamagitan ng puwersa—sa pamamagitan paniniil gamit ang sandata. Sundin ang iyong konsensya at katwiran, marapat lamang na suwayin ang batas sa moral na batayan sa halip na maging isang sunod-sunuran sa isang hindi makatarungang sistema.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]