NOBYEMBRE 2020
Sa aking pinakamamahal na Apo,
Pasensya na kung ngayon lang ako nagkaroon ng panahong sulatan ka. Intindihin mo na lamang ang iyong Lolo—’di na ako ganoon kalakas, pero kahit paano, maliksi pa rin ako. Mula nang maglakdawn at pinagbawalan kaming lumabas, hindi na naging normal ang buhay dito sa bahay.
Sa totoo lang, sabik na akong makita ka. Bawat araw na dumadaan, ‘di maiwasang balikan ko ang masasayang alaala nating lahat dito sa bahay. Lalo na ikaw, “Adit Kulit”!
Alam mo bang halos ipamigay ka na ng iyong nanay dahil sa iyong sobrang kalikutan at kakulitan? Maliban sa iyong pangong ilong, ikaw lang yata ang naiiba ang bikas sa iyong mga kapatid. Ilang pinggan din ang iyong nabasag sa kusina. At ang hinding-hindi malilimutan ng iyong nanay ay kung paano mo nagawang itumba ang malalaking mga plorera sa hardin. Kahit ako mahihirapang iisod ang mga iyon, mano pang itumba!
Hay, mabuti na lamang napakiusapan ko ang iyong nanay na ‘wag kang ipaampon sa kabila ng iyong kasutilan. Hahaha!
Hay naku, Apo… sabik-na-sabik na akong makita kang muli.
Halos mag-iisang taon na rin mula nang huli tayong nagkita’t nagkwentuhan. Katatapos lang ng Pasko noon at naisipan mong dalawin ako dito sa bayan. Kahit na umuulan noong gabing ‘yun, pinilit mo pa rin puntahan ako dito sa bahay.
Nakakahiya man aminin, tanging ang mga litrato mo na lamang na nakapatong sa eskritoryo ang nagbibigay sa akin ng lugod at galak. Malungkot, pero kinakaya naman ng iyong Lolo.
Dahil nga bawal lumabas, ang mundong ginagalawan ko ay umiikot sa sala, kusina, komedor at sa apat na kwarto. Ang bahay ang aking bagong mundo. At alam ng iyong nanay na hindi ako likas na namamahay. Nasa labas ang aking mundo—sa kalsada ang aking buhay.
Wala akong magawa. Kuntento na lamang ako sa panonood ng balita sa telebisyon—pero, wala ring balita na sapat upang magbigay ng inspirasyon o kahit kaunting linaw sa malabong hinaharap. Nakapanlulumo ang mga balita—takot at pagkabahala ang namumugad sa aking diwa.
Sa isang matandang tulad kong sanay na mayroong ginagawa, tila habang-buhay na ang isang araw sa harap ng telebisyon sa isang panahong walang katiyakan. Hanggang kailan matatapos ang pandemyang ito? Nakakabagot. Nakakatakot.
Sa mga panahong ganito at wala kang sapat na kahandaan, pagkabagot at takot ang mga bagay na bumabalot sa aking diwa.
Hindi ako tumanda ng ganito para lamang kaibiganin ang bagot sa araw-araw. Ngunit sa kabila ng takot na mapabilang sa hindi magandang balita, marami akong natutunan sa buhay.
Natuto akong magpasalamat.
‘Yung malakas na hanging dala ng yabang ng lolo mo dati, ngayon ay mahinang singaw na lang. Hahaha!
Maniwala ka man o hindi, ako ngayon ay naging mas mapagpasalamatin para sa kung ano ang mayroon ako, at sa lahat ng mga simpleng bagay na dati-rati’y binalewala ko.
Sabi nga ng mga nakatatanda, ang mga dumadaang pagsubok sa ating buhay ang siyang nagpapaalala sa atin kung ang ang tunay na mahalaga. Sa panahon ng krisis, mayroon tayong pagkakataong pagnilayan kung ano ang pinakamahalaga sa atin, at kung ano ang nais nating baguhin sa hinaharap.
At napagnilayan ko, pamilya ang pinakamahalaga.
Ang iyong nanay, ikaw at iyong mga kapatid ang aking pinakamahalagang kayamanan. Sabi nga ng iyong Lola, ‘wag tayong masyadong mag-alala sa mga maliliit na bagay na hindi na gaanong mahalaga sa panahon ngayon—dahil ang pinakamahalaga ay ang tunay na koneksyon sa buhay.
Nasasabik man tayong makita ang ating mga kapamilya o mga kaibigan, ang isang bagay na malamang na hindi natin ipagwalang-bahala ay ang kahalagahan ng pakikipag-ugnayan.
Kaya ‘eto ako, sa wakas ay nagkaroon ng lakas ng loob na sulatan ka makaraan ang halos isang taon. Naku, pasensya ka na Apo kung nagdada-drama ang iyong Lolo… Ganito na talaga kapag matanda na—nagiging maramdamin.
Sa mga panahong nagbibilang ako ng butiki sa bahay, inihanda ko na ang sarili kong kuyugin ng lungkot, ngunit hindi ko inaasahan na uusbong ang isang kamalayan. Natutunan kong kumapit sa pag-asa, at hanapin ang aking nawalang pananampalataya.
‘Di nga ba mayroong dalang liwanag ang pandemya? Inilagay tayo sa isang sitwasyong maaari tayong magpasya kung ano kapaki-pakinabang, at kung ano ang hindi kailangan.
Isang magandang aral na natutunan ko sa lakdawn ay posible pala na pahintuin ang pag-inog ng mundo. Sino bang mag-aakalang posible pala na pigilin ang katiwalian kahit pansamantala lamang. Posible pala na bumalik muli ang sariwang hangin. Posible pala na wala munang krimen. Posible pala na manumbalik ang mga ibon sa gubat, at mamulaklak ang mga halaman. At ang pinakamangha-mangha: Posible pala na ikulong sa bahay ang mga politiko. May pag-asa pa pala. Hahaha!
Malamang naubos ko na ang iyong oras sa pagbasa ng liham na ito, at halos kulang na lamang isadula ang kwento ng Lolo mo… Maiba ako… balita ko lahat na ng tao d’yan sa inyo na nagpabakuna na. Ikaw, nakapagpabakuna na rin ba? Sa panahon ngayon, mabuti na ang nakakasigurado.
Lagi kang mag-iingat, Apo. Alam mo namang mahirap para sa akin ang humawak ng lapis na panulat dahil sa anim na daliri ko. Mabuti na lamang at naririyan ang iyong Lola para tulungan akong dilaan ang selyo’t sobreng binitbit ko para ihulog sa koreo.
Ang pinaka-matikas mong lolo,
Lolo Malik
PS—May kaunting ubo’t lagnat ang iyong Lola. Kung dadalaw ka man sa amin sa darating na Pasko, mas mainam na magpakita’t magpabakuna ka muna sa beterenaryo.
PAGTATATWA: Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang. Huwag na pong mag-aalala. Wala na pong ubo’t lagnat sina lolo at lola.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]