“‘Nay, mahirap bang mahalin ang bayan?”
‘Di agad makapulot ng isasagot si Marilag sa tanong ni Melay. Kung tutuusin, napaka-inosente at napakasimple ng tanong ng kanyang anak, ngunit tila walang de-kahong sagot ang makapapawi sa pagiging pagkamausisang malamuteng aso na nito.
“Bakit mo naman ‘yan naitanong, Anak?” sambit ng inang malamute.
“Narinig ko lang pong pinag-uusapan ng Pamilyang Severino noong isang araw habang sila’y naghahapunan. Nakakalito nga eh. ‘Di ko maintindihan kung ang pinagkukwentuhan nila ay tao o ang bagong alagang aso. Ano ba ang bayan, ‘Nay?” pag-usisa ni Melay.
Huminga ng malalim si Marilag. Hindi n’ya inakalang darating ang ganitong eksena sa pagitan nilang mag-inang malamute dahil mas iniidolo nito ang amang alano.
“Anak, magulo ang mundo ng mga tao. Kapag mayroong mga usapang pang-tao, huwag kang masyadong magpapaapekto—dahil madalas, mas sinauna pa silang mag-isip kaysa sa ating mga aso. Meron namang ibang makatuwirang mag-isip, pero karamihan sa kanila simbuyo ang gawi’t pag-uugali,” lahad ng ina kay Melay.
At muling nag-usisa ang batang malamute: “Pero, ano ang bayan?”
Alam ni Marilag na hindi siya titigilan ng anak, kung kaya napilitan na itong magpaliwanag.
“Anak, ang tamang tanong ay hindi ‘ano’—kundi, ‘sino’ ang bayan?” malumanay na pahayag ni Marilag.
“Ang bayan ay higit pa sa paglalarawan ng kung ano o sino. Hindi ito binubuo ng mga gusali’t kalsada. Hindi ito lugar na ating pinupuntaha’t pinapasyalan. Hindi ito basta na lamang pulu-pulutong ng tao. Ang bayan ay may damdamin—may kaluluwa at may buhay,” dugtong ng inang malamute.
“Sa akin po kasing pagkakaintindi, ‘di po ba ang bayan ay ang lugar na iyong itinuturing na tahanan kung saan nabuo ang iyong pagkakakilanlan?” wika ni Melay.
“Anak, ang bayan ay higit pa sa isang lugar. Isa rin siyang nanay na katulad ko—nagmamahal at nasasaktan, pinipilit na maging matatag sa kabila ng mga hamon sa buhay. Minsa’y marupok. May pagkakataon na siya’y nagkakamali. Kadalasa’y pinagsasamantalahan, inaapi, inaabuso at tinatratong hayop. Bilang ina, ang bayan ay nangangarap din ng magandang buhay para sa kanyang mga anak. Nais din n’yang magkaroon ng liwanag at masikatan ng araw ang mga anak na napariwara sa dilim. Siya’y tahimik na umiiyak habang nasasaksihang unti-unting lumalayo ang kanyang mga anak. Ngunit kailanma’y ‘di siya nawawalan ng pag-asa. Ang kanyang mga luha ang siyang nagdidilig sa lupang natuyuan ng pag-asa,” ani Marilag, habang ipinapaliwanag nito ang mga bagay na nasa mundo ng tao sa kabila ng limitadong mga salita upang ilapit ang paglalarawang ito sa mundo ng mga hayop.
“Pero, ‘Nay… kung ang bayan ay katulad ng isang ina, nagsasakripisyo’t nagmamalasakit sa kanyang mga anak. Hindi pa ba sapat na mga dahilan ‘yun para tumbasan ng pagmamahal ng mga anak ang kanilang ina?” tanong ni Melay na halatang nagugulan kung bakit sadyang masalimuot ang mga bagay-bagay sa mundo ng mga tao.
Sa kabila ng kanilang palitan ng usapan, muli itong nagtanong: “‘Nay, mahirap ba talagang mahalin ang bayan?”
“Anak, kung ang bayan ay isang tao, totoong mahirap siyang mahalin,” diretsong sagot ni Marilag.
“Mabait siya—kaya madali siyang pagsamantalahan… Mapagpatawad siya—kaya madali siyang abusuhin… Buong-buo ang kanyang ibinibigay na pagtitiwala—kaya siya ninanakawan… Siya ay hindi maramot—kaya nauubos kung ano man ang meron siya. Mapagkumbaba siya—kaya siya niyuyurakan at nilalapastangan. Minsa’y pinipiling maging bingi’t bulag—kaya siya ipinagkakanulo. Kung kaya’t paano mo siya mamahalin kung ang ganitong walang katapusang pagpaparaya ay paulit-ulit na lamang niyang kinukunsinti? Hindi pagiging martir o pagkabayani ang tawag doon. Masakit man pakinggan, pero sa mundo ng tao, ang tawag doon ay katangahan,” malungkot na wika ni Miralag sa batang malamute.
Nangingilid ang mga luha ni Melay. Hindi niya matanggap na sa kabila mga magandang katangian ay pinili ng bayan na maging marupok.
“Bakit kailangan niyang magdusa at malunod sa pighati—hindi ba niya kayang lumaban at tumindig? Bakit hindi niya imulat ang kanyang mga mata sa totoong mga nangyayari sa kanyang paligid? Nahan ang kanyang prinsipyo, dangal at dignidad? Walang saysay ang pagtulo ng kanyang mga luha kung patuloy niyang tatanggapin ang mga kasawian bilang kanyang tadhana,” patuyang sabi ni Melay.
“Anak, pagod na rin ang bayan. Kung siya man ay nananahimik o nagmamasid lang, lahat iyan ay may kadahilanan. Sa kabila ng kanyang pighati’t pagkadurog, pinipilit niyang bumangon mula sa pagkalugmok—tahimik na kumakatok sa bawat pinto naghihintay sa pagdating ng panahon na ang tao na mismo ang siyang magbubukas ng kanilang mga puso para ipaglaban siya,” ani ng inang malamute.
“Ipaglalaban o susukuan?” sarkastikong tanong ni Melay sa kanyang ina.
Sumagot si Marilag: “Maraming nagmamahal sa bayan. Sa katunayan, napakarami ang nag-alay ng kanilang buhay para sa kanya. Marami ring naging traydor. Mga ganid at mapagsamantala. Gumagawa ng mali. Hindi marunong magpakatao. Ngunit mas marami ang mga taong hindi kayang makita ang bayan na inaapi’t niyuyurakan—hinding-hindi nila ito kailanma’y tatalikuran o susukuan…”
“Pero, totoong mahirap mahalin ang bayan. Sapagkat para mahalin siya, kailangan mong kalimutan ang iyong sarili at siya’y unahin… Para siya ay lumaya, kailangan mong ibuwis ang sarili mong buhay para sa kanya… Sa mga panahong siya ay iniwanan, kailangan mong samahan at ipagtanggol siya… Sa mga panahon na siya’y dapang-dapa, kailangan mong damayan at kupkupin siya… Sa mga panahon siya’y napaligiran ng mga manlulupig, kailangan mong ipaglaban siya ng buong-giting hanggang kamatayan… Sa mga panahong niyurakan ang kanyang dangal, kailangan mong manindigan para sa kanya… Sa makailang beses niyang pagkakamali’t pagkakasala, handa mo siyang patawarin ng maraming beses at tanggapin muli. At kung ika’y seryoso na bayan ay iyong mamahalin, dapat handa kang masaktan at unawain,” matalinhagang paglalagom ng ina.
Naglakbay ang diwa ni Melay sa mga binitiwang salita ng kanyang ina, at nagkaroon ng ilang segundong hapis sa pagitan ng dalawa. Tila biglang huminto ang hangin sa pagbulong.
“Oo, mahirap mahalin ang bayan,” patuloy na wika ng ina, “—dahil may mga taong sinusukat ang pagmamahal sa dami ng kanilang ibinigay. Kung gaano karami ang kanilang pinamumuhunanan, ganoon din karami ang kanilang inaasahang pakinabang sa bayan. Mayroon ding ibang nagsasabing mahal nila ang bayan, ngunit napakaraming kondisyon ang hinihingi bago siya mahalin.”
At sa puntong ito lubusang naunawaan ni Melay ang komplikadong mundo ng mga tao:
“Totoong mahirap mahalin ang bayan, at lalong mahirap na siya’y ipaglaban—ngunit kailanma’y hinding-hindi nauupos ang siklab na kuyom sa loob na siyang nagsisilbing apoy at nagpapaalab sa diwa’t damdaming makabayan. Pansamantala mang nagwagi ang kadiliman, ngunit kailanma’y hindi nito kayang talunin ang pag-ibig sa bayan.…
“Kung bayan man ay ang aking kanlungan—’Nay, handa na akong magmahal at makipaglaban.”
***
PAGTATATWA:
Para sa mga hindi sumusuko ang artikulong ito.
Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.
At para sa kapayapaan ng mundo, walang hayop ang nasaktan sa pagsulat ng artikulong ito.