NOONG 1771, sa masiglang bayan ng Sialo, may tatlong matatalik na magkakaibigan—isang unggoy na ang pangalan ay Mako, isang aso na si Tagpi, at isang kambing na si Mikoy.
Tatlong hayop na may magkakaibang ugali ngunit laging magkasama pagdating sa kalokohan.
Isang umaga, napansin ng tatlo ang isang malaking galyon na nakadaong sa pantalan.
Kahanga-hanga ito kahit medyo sira-sira na ang mga layag, at ang mga dayuhang tripulante nito ay abala sa pagbababa at pag-akyat ng mga kargamento.
Kumalat ang balita sa mga karatig bayan ng Sialo na may dalang mahahalagang kalakal ang mga dayuhan. Agad namang dumagsa ang mga tao sa pantalan para makipagpalitan ng kalakal kanila.
Dahil sa magagandang tanawin at mainit na klima, tila isang paraiso ang Sialo para sa mga dayuhang mula Europa.
Subalit, may natuklasan ang mga dayuhan ng kakaibang kalakaran sa ilang kababaihan. Handa ang mga ito makipagpalitan ng mga pabor kapalit ng bakal—isang materyal na napakahalaga para sa mga negosyante ng Sialo ngunit walang ganitong metal sa isla.
Kumislap ang mga mata ni Mako at di mapigilan ang kanyang pagkamausisa.
“Hoy, kayong dalawa!” sigaw ni Mako habang nakaupo sa isang punong bayabas. “Tingnan nga natin kung ano ang pinagkakaabalahan ng mga tao sa pantalan.”
“Sige, pero ayokong mapahamak na naman,” ani Tagpi habang kumakawag ang buntot.
Humalakhak si Mikoy, na abala sa pagngata ng matamis na mangga. “Gusto ko yan. Tara na!”
Kinagabihan, umakyat si Mako sa barko habang nagbabantay sina Tagpi at Mikoy sa ibaba.
Nagtago ang unggoy sa likod ng mga bariles malapit sa layag nito.
Sa loob ng barko, nakita ni Mako ang mga dayuhan na tinatanggal ang mga pako mula sa mga kahoy na tabla ng sahig.
“Ubos na ang mga pako natin, pero hinahanap-hanap ito ng mga dalaga,” pahayag ng isang tripulante.
Habang abala ang mga dayuhang puti sa ganitong palitan ng kalakal, hindi nila napagtanto ang epekto nito sa kanilang barko. Ang mga bakal na pako ay mahalaga upang manatiling buo at matibay ang kanilang sasakyang-dagat.
Makalipas ang ilang linggo, naghanda nang maglayag ang mga dayuhan. Ngunit bago pa sila nakaalis, dumating ang isang malakas na bagyo.
Habang binabayo ng unos ang karagatan, nagsimula nang humina ang galyon. Lumalangitngit ang mga kahoy nito, at pumasok ang tubig sa mga siwang ng barko dahil sa kakulangan ng mga pako.
“¡Abandonar el barco! ¡Abandonar, ahora!” sigaw ng mga tripulante habang nagkakagulo sa pagsalba sa galyon.
Subalit huli na—unti-unting lumubog ang barko.
Habang nakamasid mula sa malayo, naaawa ang tatlong kaibigan sa mga nagsilikasang tripulante. Mabuti na lamang at handang tumulong ang mga taga-Sialo upang muling buoin ang nasirang barko.
“Alam ninyo,” sambit ni Mako, “minsan, kailangan ng isang sakuna para makita ng mga tao kung ano talaga ang mahalaga.”
Sumang-ayon sina Tagpi at Mikoy. “Tama ka, kaibigan. Madaling mabighani ang tao sa makikinang na bagay at nakakalimutan nila kung ano ang siyang tunay na mahalaga.”
PAGTATATWA: Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang.
Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.
Ang aral sa kwentong ito: Huwag ipagpalit kung ano ang pinakamahalaga para sa pansamantalang kinang. Ang kasakiman ay palaging magdadala ng kapahamakan.
Laging isipin ang pangmatagalang epekto ng ating mga kilos. Mahalaga ang pagpapahalaga sa pinaka-importanteng bagay at hindi ito dapat ipagpalit para sa pansamantalang pakinabang, at walang tiyak na kahihinatnan.