Isang Kabig, Isang Tuka (Part 2)

MAKALIPAS ang ilang buwan ay naitayo na ang kamalig. ‘Di hamak na mas maganda at mas matibay ito kaysa noong unang nanirahan ang mga gansa dito.

Sa mga linggong hinarap ng mga naiwang gansa ang batak ng init ng araw at salpok ng ulan, unti-unting nabuo ang kanilang bagong tahanan—mas malawak at maluwag, mataas at patulis ang bubong, at dinagdagan pa ng mga bintanang arko.

May nakarating na balita kay Ingkong Gansa na patuloy ang pananalanta ng kawan ni Estong sa bawat bayan at kabihasnan na kanilang pinamumugaran. At sa bawat lugar na pinupuntahan nito, patuloy ang paninirang-puri ni Estong laban kay Ingkong Gansa dahil sa umano’y plano nitong ariin ang kamalig ni Ka Carding.

Sa katunayan, natuwa ang mga kaanak ng nasirang Ka Carding nang makitang maayos at naitayong muli ang dating sira-sira at bulok na istruktura.

Tuluyan nang ipinagkatiwala ng mga kaanak ni Ka Carding ang kamalig kina Ingkong at mga kasama nitong gansa ang pamamahala at pagpapanatili nito.

Dahil dito, may tinatagong inggit at galit si Estong. Hindi nito matanggap na ang kanyang pagtawag na “isang malaking kalokohan” ay isa nang pinagmamalaking istruktura sa loob ng hacienda.

Hindi rin nito matanggap ang kanyang pagtanggi noon na muling itayo ang sirang kamalig ay mas naging paborable sa mga gansa sa hacienda na ngayon ay mayroon nang maayos na masisilungan at tuyong lugar para sa mga inakay.

Isang araw, biglang nagpakita si Estong Gansa sa kamalig kasama ang ilan n’yang mga tagasuporta.

“Binabawi namin ang kamalig na ito sa dahilang wala kayong karapatang manahan dito,” agad na bungad ni Estong kaharap si Ingkong at sampu ng mga gansa.

“Dala-dala namin ang mga dokumento na nagpapatunay na ihinabilin ito sa akin ni Ka Carding bago siya pumanaw.”

Tahimik lamang nakikinig si Ingkong at ang ibang mga gansa. Ayaw na nilang patulan pa ang mga sinasabi’t ikinikilos ni Estong, o ang mga dokumentong gawa-gawa.

Kung tutuusin, ang dahilan kung bakit itinapon ni Ka Carding ang mga gansa sa dulo ng hacienda ay dahil sa mga ginawang panggugulo ni Estong.

Hindi nagtagal, nalaman ng mga kaanak ni Ka Carding ang pagmamalupit at pang-uusig ni Estong Gansa, at tuluyan na itong ipinatapon sa malayo upang hindi na ito makapanakit at manggulo.

Sa kabila ng mga naging eksena sa loob ng hacienda, may isang gansang sisiw ang nagtanong sa nakakatandang gansa: “Ingkong, ‘di ba’t kaanak natin ang inyong bisita—bakit parang kakaiba ang kanyang ugali kaysa sa ibang mga gansa?”

“Sadyang mayroong talagang mga gansang mapagmataas at may kasakiman na nananalaytay sa kanilang mga ugat. Punong-puno ng inggit at galit ang kanilang mga puso, at kung anuman ang kanilang mga ginawang paninirang-puri ay walang ni isang butil sila ng pagsisisi. ‘Wag mong tularan ang mga ganoong nilalang na handang tukain ang kamay na nagpapakain sa kanila—o tukain ang mga nilalang natumulong sa kanila. Ang ugaling pakabig ay isang anyo ng kasakiman,” paliwanang ni Ingkong sa batang gansa.

At may nagsalitang isang inahing gansa: “Pitumpu’t pitong kabig, pitong libong pitong daang tuka. Ganyan ang ibang mga gansa.”


PAGTATATWA:

Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.

Sa ngayon, mag-isa na lamang si Estong Gansa at walang kasama. Ang kanyang pinamumunuang kawan ay iniwanan na siya at nagsibalik na sa kamalig katuwang ang mga dating kasamang gansa.