Isang Kabig, Isang Tuka (part 1)

“Ganyan kaming mga gansa.”

Ito ang palaging matigas na paliwanag ni Estong Gansa sa mga nagtatanong sa kanya kung bakit tila wala siyang respeto sa mga gansang nakatatanda sa kanya. Maging sa ibang mga hayop sa bukid, kailanma’y ‘di siya nakakitaan ng kahit kaunting pagkapino sa pananalita at pagkilos.

Laging ikinakatuwiran ni Estong na likas sa mga gansa ang agresibo, at natural sa kanila ang manira ng mga kagamitan at ari-arian—mga bagay na kinaiinisan ng ibang mga hayop sa hacienda ni Ka Carding.

Maging si Ka Carding ay napatid ang pasensya kay Estong kung kaya itinapon ito—sampu ng kanyang mga kaanak na gansa—sa pagkalayo-layong abondonadong kamalig sa kabilang dulo ng hacienda.

Doon sila itinaboy para hindi na sila makapaminsala pa sa hacienda.

‘Di naglaon, naging permanenteng lugar na ng mga gansa ang abandonadong kamalig. Dito na rin nagkapamilya ang iba, nangitlog, at nagka-inakay.

Kahit na ipinagkalayo-layo sila para hindi sila makapanggulo, naroroon pa rin ang kanilang likas na pagkaagresibo, pagkamabangis, at pagkamalupit.

Isang gabi, dumating ang isang napakalakas na bagyo. Dala nito ang malakas na buhos ng malamig na ulan, at napakabayolenteng hagupit ng hangin.

Lahat ng daanan ng bagyo—puno, gusali, bundok, burol,at iba pang matataas na lugar—ay nawasak at tuluyan nang pinadapa sa lupa. At gaya ng inaasahan, maging ang abandonadong kamalig ay hindi nakaligtas sa kabangisan ng bagyo.

Pagkalipas ng dalawang araw, sumilip at nagpakita ang araw ng mukha nito.

Nagpatawag ng pagtitipon ang pinakamatandang gansa upang pag-usapan kung paano nila muling maitatayo ang sira-sirang kamalig.

“Mga kasama, nais ko sanang hingin ang inyong tulong. ‘Di naman lingid sa inyo na ang ating kamalig ay hindi na maaari pang matirhan. Wala na itong bubong. Bali-bali na ang mga haligi. Maraming mga itlog ang napisa, at mga sisiw na nangamatay, at hindi maglalaon, lahat tayo’y magkakasakit dulot ng pabago-bagong panahon,” pabungad na wika ni Ingkong Gansa.

“Eh ano ang iyong nais imungkahi, ‘Tanda?” pabastos na tanong ni Estong na may tonong panunuya kay Ingkong Gansa.

“Kung sasang-ayon ang lahat, nais ko sanang imungkahi na lahat ay tumulong sa muling pagsasaayos ng kamalig na ito. Kailangan natin ng disenteng matutuluyan para sa ating mga inahen, inakay at sa ating mga matatanda—marapat lamang na tayo’y magtulungan upang muling maitayo ang kamalig nang mas matibay at mas matatag,” sagot ni Ingkong.

“Tanga ka rin, Ingkong. Hindi praktikal na buoin muli ang kamalig. Hindi naman natin ito pag-aari. Kaya wala akong makitang dahilan kung bakit natin kailangang itayo muli ito. Bukod pa rito, mayroon tayong sari-sariling mga alalahanin, at mga prayoridad—at ang pag-aaksaya ng ating lakas at mga panahon para rito ay isang walang kwentang gawain ay masasabi kong isang malaking kalokohan,” matigas na pahayag ni Estong Gansa.

Nabigla ang karamihan sa mga binitawang salita ni Estong. Hindi sila makapaniwalang makakapagwika ito ng mga salitang nakakasakit sa kalooban lalo na sa mga matatandang gansa.

Kailan naging kalokohan ang magkaroon ng maayos at disenteng lugar na matitirhan?

Ramdam ng mga matatandang gansa ang pagka-arogante at wala sa tuwid na pangangatuwiran ni Estong. ‘Di nga ba ang pangunahing katangian ng mga gansa ay ang pagiging makapamilya nito? Bakit parang walang puso itong si mayabang na gansa?

Kung pagbabatayan ang mga sinabi ni Estong, taliwas ito sa inaasahan dahil ang mga gansa—kilala man sila sa pagiging agresibo—ay likas silang mapananggol, matulungin, maayos makisama, matapat at ipaglalaban ang kanilang pamilya.

Kaya idinaan ni Ingkong Gansa sa isang botohan ang planong muling itayo ang kamalig upang malaman ang saloobin ng karamihan.

“Mga kasama, kailangan nating magpasya kung itatayong muli ang kamalig na ito o hindi. At sadyang nakakalungkot na kailangan nating hatiin ang kawan para lang dito na kung tutuusi’y para naman sa kapakinabangan ng lahat,” ani Ingkong.

Ngunit biglang nagsalita si Estong: “Luma at sira-sira na ang kamalig. Bakit hindi na lang natin pabulukin at gawin panggatong ang mga kahoy nito? Hindi naman natin ito pag-aari, at tayo’y mga itinakwil ng may-ari ng hacienda at itinapon dito. Bakit hindi na lamang tayo maghanap ng bagong lugar na matatayuan ng bagong kamalig kung saan mahihirapang gibain ng bagyo?”

Maraming sumang-ayon sa mungkahi ni Estong na iwanan na lamang ang sira-sirang kamalig at maghanap na lamang ng bagong lugar na malilipatan. Ngunit yaong mga matatanda at may sakit na gansa ay ‘di na rin kaya pang maglakbay at nagpasya na lamang na magpaiwan.

“Kung gayon, kami ay magpapaiwan na lamang. Mayroon akong mga nakuhang inanod na kahoy na maaaring gawing mga haligi’t pansalo para maitayo itong kamalig. Ngunit kailangan ko ng makakatulong upang masimulan na ang pagtatayo ng kamalig sa lalong madaling panahon. Sino sa inyo ang nais akong tulungan?” apela ni Ingkong sa mga gansa.

“Huwag na ninyo akong asahan,” mayabang na saad ni Estong.

“Hindi ako,” susog ng isang gansa.

“Hindi rin ako,” hirit ng isang gansang tandang.

“Marami pa akong gagawin—wala akong panahon para diyan,” pahayag naman ng isa pa.

“Mas lalo naman ako,” putak ng gansang pangalawa.

At halos kalahati ng kawan ay umayaw na tumulong sa pagbubuong muli ng kanilang dating kamalig.

“Sang-ayon ako kay Estong. Malaking kalokohan ang itayong muli ang kamalig. Mas mainam pang pabulukin ito at gawing panggatong na lamang,” katwiran ng isa habang tumutuka ng bato sa lupa.

Napabuntong-hininga na lamang si Ingkong Gansa at ibang pang mga gansang pabor sa mungkahi na nakatatandang gansa. Maya-maya pa’y nagpasya ang kalahati ng kawan na sumama kay Estong, at kalahati nama’y nagpaiwan. (Abangan bukas ang part 2)


PAGTATATWA:

Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.