Minsan kong tinanong si Inay
habang naglalaba.
Inay bakit po may araw?
Anak likha ‘yan ng Diyos.
Bakit po may buwan at mga bituin?
Anak likha rin ‘yan ng Diyos.
Bakit naman po may mga halaman at hayop?
Anak lahat ng nasa ibabaw ng mundo
ay likha ng Diyos
at huwag mong pagtakhan
kung bakit ang lahat
ay kanyang nagawa.
Siya ay makapangyarihan
at ang lahat ng ninais n’ya ay natupad.
Ganoon po ba Inay?
Oo anak
kaya huwag kang makakalimot
na tumawag sa kanya.
Inay kung lagi po ba akong
magsisimba at magpapakabait
bibigyan po ba tayo ng Diyos
ng maraming-maraming baro at pagkain
at saka pupunta rin po ba ako sa langit?
Aba oo anak
ang batang mabait ay pinagpapala
at binibigyan ng biyaya ng Maykapal
at ang mga salbahe’y pinarurusahan.
E, bakit po ganoon Inay
ang Tatay lagi na lang lasing
at lagi kayong pinagbubuhatan ng kamay?
At saka bakit po ang mga kalaro ko
mga salbahe lagi na lang akong tinutukso
wala raw po akong laruan
wala raw po tayong pagkain
at butas-butas po raw ang baro ko?
Lagi naman po akong
nagsisimba at nagpapakabait, ah?
Ku ang batang ito oo
ang daming tinatanong
maglinis ka na nga ng bahay
at baka biglang dumating ang Tatay mo dali!
Tatapusin ko pa itong nilalabhan ko
kinakailangang maideliber ko pa ito bukas
para may kainin tayo.
(Iniaalay ko ang tulang ito sa mga nanay na patuloy na nakikibaka sa hirap ng buhay, maitaguyod lang ang kanilang mga anak. Happy Mothers Day!)