SA isang malayong nayon kung saan ang mga asong-ligaw ay doon nagtipon-tipon upang maghanap ng makakain sa mga tambakan ng basura, may isang pamilya ng asong-kalye ang kasabay na nangangalahig at nakikipagsapalaran sa buhay.
Kasama ng ibang mga ligaw na hayop ay isang may sakit na inang aso kasama ang kanyang tatlong supling.
Ang inang aso ay mayroong matinding karamdaman, at halos hindi na ito makatayo para maghanap ng makakain para sa kanyang mga tuta.
Wala nang lakas ang inang aso para isipin pa kung ano ang kanilang magiging kinabukasan o ang kahihinatnan ng buhay nilang mag-iina.
Ipinauubaya na nito ang lahat sa tadhana. Ngunit kahit paano ay may konting butil ng pag-asa siyang pinanghahawakan dahil alam niyang sa kanyang pagpapaubaya ay hindi nangangahulugan ng pagsuko o pagpapakita ng kahinaan.
May katapangan sa pagpapaubaya ng lahat kay Bathala. May katapangan sa paglisan sa isang walang katuturang pakikipaglaban, at sa pagtanggap ng mga kahinaan, at sa mga panahon ng paghihirap, ay sumisibol ang kapangyarihan ng panalangin.
Batid na maaaring hindi na niya makitang lumaki ang kanyang mga tuta, at buong pusong pagtanggap sa kanyang kapalaran, nagsimula siyang magdasal.
Ang takot at ang desperasyon ay unti-unting napalitan kaalwahan ng damdamin at pag-asa—lubos na umaasa na mayroong himala sa bawat panalangin.
Kaya, tinipon niya ang kanyang tatlong tuta at kinausap niya ang mga ito at ipinaliwanag ang tungkol sa kanyang kalagayan.
“Mga anak, ako ay may karamdaman at ako’y humihingi ng paumanhin dahil hindi ako makapagdala sa inyo kahit konti man lamang na makakain. At ako ay masyadong mahina na para protektahan kayo. Kung sakaling may mangyaring masama sa akin, nais ko kayong lahat ay magsama-sama at magtulungan upang maprotektahan ninyo ang inyong mga sarili at makayanan ninyo ang mga pagsubok sa buhay,” paliwanag ng inang aso sa kanyang mga supling.
“Ngunit paano ka namin matutulungan, Inay?” inosenteng tanong ng panganay na tuta.
“Himala lang, Anak. Himala lang…” wika ng ina.
Agad na tumakbo ang panganay na tuta sa isang tumpok ng basura at hinugot ang isang alkansya na matagal nang nakatago sa isang sulok.
Nagpasya ang panganay na tuta na basagin ang alkansya. Maingat na binilang nito ang pera sa loob. Paulit-ulit na binilang ng tuta ang mga barya—tatlong beses, higit pa—ngunit sadyang walong barya lamang ang nasa loob ng alkansya.
Inilagay ng panganay ang mga barya sa isang tela at maingat na tinupi ito.
Hiniling niya sa kanyang dalawang kapatid na bantayan ang kanilang ina habang nasa labas siya patungo sa botika sa kabilang bayan.
Nang makarating ito bayan, dumiretso ang tuta sa harap ng botika—matiyagang naghihintay para mapansin ng tindera na abala rin sa pag-aasikaso sa ibang mga mamimili. Ilang beses sinubukan ng tuta na kunin ang atensyon ng tindera, ngunit sadyang hindi siya napapansin.
Dahil sa pagkainip, kumuha ito ng barya sa nakatiklop na tela at kinatok ang salamin hanggang sa tuluyan na siyang mapansin ng tindera.
“At ano po ang maipaglilingkod ko sa ‘yo mabait na tuta?” tanong ng tindera.
“Ang aking ina po ay may matinding karamdaman… at nais ko pong bumili ng isang himala,” sagot ng tuta.
“Paumanhin, ngunit hindi kita maintindihan. Anong himala?” muling nagtanong ang tindera.
“Mahina at maysakit ang aking ina, at ang sabi niya sa akin ay himala lamang ang makakapagpagaling sa kanya. Kaya, nais ko sanang bumili ng himala para sa kanya. Magkano ang halaga ng isang himala?” tanong ng tuta.
“Paumanhin, pero hindi kita matutulungan. Hindi kami nagbebenta ng mga himala rito,” paliwanag ng tindera na bahagyang lumambot ang boses.
“Pakiusap po… may pera akong dalang pambayad ng himala. Kung hindi po sapat ito, maghahanap ako ng dagdag pa. Sabihin lang po ninyo sa akin kung magkano ang halaga ng isang himala,” nagmamakaawang sabi ng tuta na nagsisimulang mangilid ang mga luha.
Sa katabi ng tuta sa botika ay may matangkad na lalaki na maganda ang pananamit—halos kulay-abo na ang buhok nito, at tila mayaman sa unang tingin pa lang. Yumuko ang matandang lalaki at tinanong ang tuta, “Anong klaseng himala ang kailangan ng iyong ina?”
“Hindi ko po alam,” sagot ng tuta na puno ng luha ang mga mata. “Ang alam ko lang po ay may sakit siya at patuloy po siyang nanghihina. Sabi ng mga ibang ligaw na hayop sa amin, kailangan daw ng aming ina ang isang operasyon para sa kanyang karamdaman. Ngunit hindi namin alam kung ano ang amin gagawin… At sabi ng aming ina, himala lang ang makapagliligtas sa kanya. Ibibigay ko po ang lahat ng mga baryang ito para lamang mailigtas ang aming ina.”
“Magkano ba ang mayroon ka?” tanong ng matanda sa tuta.
“Walong barya lang po ang mayroon ako—ito na ang lahat ng perang dala ko ngayon, ngunit maghahanap kaming magkakapatid ng dagdag kung kinakailangan,” umiiyak na sagot ng tuta.
“Alam mo bang napakarami at hindi nauubos ang himala,” ngumiti ang matanda. “Sadya ngang pinagtagpo tayo ng panahon—walong barya ang eksaktong halaga ng isang himala para sa iyong ina.”
Iniabot ng tuta sa matandang lalaki ang telang nakatiklop kung saan nakasilid ang mga barya. Tinanggap ng matanda ang mga barya, at marahang kinarga’t inakay ang tuta at sinabi: “Dalhin mo ako sa iyong ina. Gusto ko siyang makilala at makita rin ang iyong mga kapatid. Sa aking palagay, maiuuwi mo na ang himalang kailangan ng iyong ina.”
Pagdating sa nayon kung saan naninirahan ang tuta kasama ang ibang asong-kalye, agad na tiningnan ng matandang lalaki ang kalagayan ng inang asong may sakit, at nagpasyang dalhin ito sa klinika kasama ang tatlong magkakapatid na tuta. Lingid sa kanilang kaalaman, ang matandang lalaki ay isa palang kilalang beterinaryo sa kabilang bayan.
Nagpasalamat ang tatlong magkakapatid na tuta sa matandang lalaki sa pagtulong sa kanilang ina, at sa maayos na pag-aalaga sa kanila.
Sa mga panahon na nagpapagaling ang inang aso mula sa operasyon, tinawag niya ang panganay na tuta.
“Anak, iniligtas ako ng iyong kaibigan. Ang nangyari sa akin, at sa ating lahat, ay isang tunay na himala. Alam kong mahirap lamang tayo, at walang ni anumang perang pambayad sa pagpapagamot… Gusto ko sanang itanong sa’yo, Anak, kung magkano ang iyong ibinayad sa operasyon ko?” tanong ng inang aso.
Napangiti na lamang ang panganay na tuta sa tanong ng kanya—sapagka’t alam na niya kung magkano ang halaga ng isang himala: Walong barya, kasama ang mataimtim na panalangin ng isang ina.
PAGTATATWA:
Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.
Ang matandang lalaki ang naging instrumento ng himala na kailangan para mailigtas ang buhay ng inang aso.
Kung kaya, huwag bastang sumuko. Patuloy na manalangin. Hangga’t matibay ang ating pananampalataya, ginagamit ni Bathala ang ibang tao bilang sagot Niya sa ating mga panalangin.
Matagumpay na nairaos ang operasyon, at pagkatapos ng ilang linggong pagpapagaling sa klinika, ang mag-iina ay kinalaunan ay inampon ng isang mabait na kapitbahay.
Totoong may himala!
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]