Hagkis ng Halakhak

NOONG unang panahon, noong bago pa ang mundo, ang mga lobo ay madalas na nagtitipon sa kagubatan. Magkakaharap silang nakatayo nang paikot at pabilog, at sabay-sabay na umaalulong sa langit. Habang nagpapahinga sa tabing ilog, ang mga lobo ay kadalasa’y kumakanta at nagkuwentuhan sa isa’t isa.

“Nalakbay ko na ang buong mundo,” sabi ng isang matandang lobo sa kanyang kasama, at napaungol ito nang napakalakas, kung kaya ang iba pang mga lobo ay tumigil sa pagkanta upang pakinggan ang kwento ng nakatatandang lobo.

May isang lobo ang kumahol at nagsalita. “Maaaring naglakbay ka kung saan-saan, ngunit mas marami pa akong nakita’t napuntahan,” ungol nito.

Hindi nagtagal ang bawat lobo ay nagyayabang at may mga bitbit na kwento tungkol sa kani-kanilang mga pakikipagsapalaran, tapang at lakas.

“Inakyat ko ang pinakamataas na bundok sa mundo,” pagmamayabang ng isang batang lobo, at sumagot ang isa pa, “apatnapung araw akong naglakbay nang tuloy-tuloy at hindi kumakain.”

“Tiniis ko ang napakatinding lamig,” ang alulong ng isa pa. “Nabuhay at nakaligtas ako sa napakalamig na niyebe at kahit sa nakakapasong hangin.”

Sa pagtatapos ng araw, ang bawat isa sa mga lobo ay nagbahagi ng isang kuwento.

Nagpapalitan sila ng mga kuwento tungkol sa mga problema sa kanilang mga maliliit na tuta, at kung gaano kahirap ang mangaso pagdating ng tagginaw. At dinala ng mga inang lobo ang kanilang mga tuta para umawit. Ang mga tuta ay sama-samang nakatayong umuungol hanggang sa napuno ng tunog ng kanilang mga boses ang buong lambak.

Sa labas ng kagubatan, may isang maliit na bayan ng mga mangangaso. Dahil sa malakas na boses na nanggagaling sa lambak, may ilang nagsindi ng kanilang mga lampara sa kanilang tahanan. Ang iba’y tumingala sa langit na para bang pinakikiramdaman ang mga garalgal na boses na dala-dala ng hangin—inaalam kung kaninong mga kanta ang pumupuno sa dilim ng gabi.

Ang mga tao’y walang kamalay-malay sa nangyayari sa kagubatan. At kung kanila lamang itong masisipat, ang mga silweta ng mga lobo ay nakatayo laban sa liwanag ng buwan, at ang lambak ay umalingawngaw sa kanilang mga ingay.

Habang lumalalim ang gabi, lumalakas ang pag-ungol, maraming mga hayop sa gubat ang natakot.

Ang mga kuneho ay nagsimulang maghukay sa ilalim ng lupa, at ang mga daga ay tumakbo sa loob ng mga kweba, naghahanap ng mga lugar na mapagtataguan. Ang mga isda sa ilog ay pinagsiksikan ang kanilang mga makaliskis na katawan sa luwad, at ang mga madadaldal na ibon ay biglang nanahimik.

Nagliwanag ang buwan, dahil gusto nito ang tunog ng koro ng mga lobo. Lumutang ang buwan sa tuktok ng mga puno ng kamagong, tila nakangiti sa kanyang mga anak-anakang lobo.

Nang muling umungol at humagulgol ang mga lobo, ang kanilang mga pangil ay kumikinang sa puting liwanag ng buwan.

Hindi nagtagal, dinala ng hangin ang mga tinig ng mga lobo sa mga tainga ng maamong usa. Sa malayong bahagi ng kabilang ilog, napahinto ang mga usa at binigyang pansin ang mga tunog na umaalingawngaw sa kagubatan.

“Ano ang tunog na iyon?” tanong ng mga usa sa isa’t isa.

“Nakakatakot. Nakakapangilabot,” sabi ng isa.

Nanginginig man sa takot, ngunit hindi sila mapakali para mag-usyoso kaya tumakbo sila patungo sa ilog.

“Sino kayang kumakanta?” tanong nila habang tumatakbo. “Kaninong boses ang pumupuno sa hangin?”

Tumakbo ang mga usa sa tabi ng ilog, halos katapat ng lugar kung saan nagtitipon ang mga lobo. Kanilang naaninag ang mga kakaibang hugis ng anino—nakatayo ang mga ito nang magkasama, nagkukuwento ng sarili nilang mga kuwento.

“Anong kakaibang boses ang mga iyon?” tanong ng isang usa. “Narinig ko ang mga ibon na umaawit at ang mga ardilyang tumatakbo. Narinig ko ang pag-uusap ng mga daga at ang huni ng mga pakpak ng insekto, ngunit hindi pa ako nakarinig ng mga boses na tulad nito, kahit na naglakbay ako sa malayo at malawak na lugar.”

Habang lumalaon, nagkakahugis ang mga anino. Ang mga lobo ay tumatango sa isa’t isa, nagbabahagi ng mga kuwento ng kanilang paligsahan sa agila, sa pagpapatumba ng oso, sa paghahabol ng mga kabayo, at panghuhuli ng mga malalaki at maliliksing isda sa ilog.

Habang nakapako ang mga tainga ng lahat sa boses na dala ng hangin, bumulong ang isa sa mga usa, “Shhh, tahimik… huwag kayong maingay. Pakinggan natin ang mga kuwento.”

“Nakatawid na ako sa pinakamalawak na ilog sa mundo,” pagmamayabang ng isa sa mga lobo.

“Nagdala ako ng pitumpu’t pitong tuta sa aking likuran mula rito sa kagubatan hanggang sa tuktok ng Banahaw,” sigaw ng isa pa.

Ang mga usa ay nagsimulang ngumiti, dahil ang mga kuwento ng mga lobo ay tila hinugot sa alamat at salaysay ng duwende. “Hindi ako naniniwala sa kanila,” bulong ng isa sa mga usa.

Hindi nagtagal ay nagsimulang tumawa ng malakas ang isang usa. “Parang kuwento ng baliw na hermitanyo!” At lahat sila’y biglang nagsitawanan. “Ang mga lobong ito ay mga ligaw na tagapagsalaysay—mahihilig mag-imbento ng kuwento!” sambit ng isang usa.

Tawa nang tawa ang mga usa, kahit hindi na makahinga—tawa pa rin sila nang tawa.

Nang marinig ng mga lobo ang tawanan, tumigil ang mga ito sa kanilang pag-ungol.

“Sino ang tumatawa sa atin?” nagtanong sila. Inilabas nila ang kanilang mga pangil. “Sino ang naglakas-loob na pagtawanan tayo?”

Ilang sandaling paghahanap ay tumingin sila sa kabilang ilog at nakita ang pangkat ng mga usa—ang kanilang tawa ay umaalingawngaw sa buong kagubatan.

“Tingnan ninyo,” ungol ng mga lobo. “Tingnan ninyo ang mga usang iyon. Pinagtatawanan tayo!” galit na sigaw ng isang lobo.

“Dahil pinagtawanan nila tayo—kailangan natin silang turuan ng leksyon,” pasigaw na sabi ng nakatatandang lobo na handang maningil sa mga usa.

Alam ng mga lobo na kahit mas malaki kaysa sa mga ardilya at mga kuneho ang mga usa, wala itong mga pangil at hindi nila kayang ipagtanggol ang kanilang mga sarili, at walang magagawa ang mga ito laban sa mga malalakas at maliliksing lobo.

At biglang lumundag sa ilog ang buong kawan ng mga lobo, at hinabol ang pangkat ng tumatawang mga usa.

At mula noon, naging matalino na ang mga usa. Umiiwas na ang mga ito kapag nakakakita ng lobo.

Hindi na rin sila tumatawa kahit pa may lobong nagpapakitang-gilas at nagyayabang.

Kaya tandaan: Inaakala ng mayabang na siya ay matalino. Ngunit ang matalino lamang ang makakakilala sa isang mayabang. Ang totoong matalino sa mga paraan ng mundo ay hindi tumatawa sa mga kayabangang kuwento ng isang lobo.


PAGTATATWA:

Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.

Tinatawanan ng mga mayayabang ang kapwa mayayabang dahil sa pagtawa sa mga kuwentong kayabangang ay doon lamang nila nailalantad ang kayabangan ng mayayabang.

Ang pagyayabang o pagmamataas ay isang paraan upang itago ang mga kahinaan. Ang kayabangan ay isang halimaw. Wala itong pakiramdam. Ang tanging dala-dala nito ay isang matalas na dila, at nakaturong daliri.

Walang lobo o usa ang nasaktan sa kuwentong ito—at tanggap naman ng lobo na sila’y likas na mayabang.