Ang Tusong Hyena

NOONG unang panahon ang Ardilya at ang Hyena ay matalik na magkaibigan. Sabay silang lumalakad para maghanap ng makakain. Bagama’t magkaibigan ang dalawa, ang Hyena ay may masamang ugali: Ito ay tuso’t sakim.

Malimit na unang inuubos ng Hyena ang anumang pagkaing iniimbak ng Ardilya, at ang palaging dahilan ng Hyena ay ang buwitre ang siyang nagnanakaw nito.

Kung kaya’t nakaisip ang Ardilya ng paraan para bawian ang tuso niyang kaibigan.

Isang umaga ng Sabado, inimbitahan ng Ardilya ang kanyang kaibigang Hyena upang maghanap ng makakaing pulot sa kagubatan.

Pagdating nila roon, inakyat ng Ardilya ang pinakamataas na puno na may bahay-pukyutan, at pagkatapos ay sinimulan niyang kainin ang pulot habang naghihintay sa ibaba ng puno ang kanyang kaibigan.

“Hoy Hyena, ibuka mo ang iyong bibig para ilaglag ko ang napakatamis na pulot mula rito sa taas. Handaka na ba?” sigaw ng Ardilya.

“Handa na!” pag-sangayon ng Hyena, at ibinuka niya ang kanyang malaking bibig, at sinimulang pigain ng Ardilya ang ilang tipak ng pulot-pukyutan hanggang sa ito’y tuluyang bumagsak diretso sa bibig ng Hyena.

Nang maubos ang mga patak mula sa pulot-pukyutan—bagama’t ‘di pa napawing lubos ang pagkagutom ng Hyena—buong pag-aakala ng Ardilya ay busog na ang kanyang kaibigan. 

Kaya bumaba ito at tinanong ang kanyang kaibigan: “Kumusta naman ang lasa ng pulot? Nagustuhan mo ba ito?”

“Oo, naman nagustuhan ko. Pero gusto ko pa ng pulot! ” sagot ni Hyena. Dagdag nito: “Sa totoo lang, napakasarap niya. At ang kanyang tamis ay kakaiba sa mga pulot at prutas na aking nalasahan. Ang lasa niya at tunay na hinding-hindi ko makakalimutan.

“Kaya’t sinabi ng Ardilya sa Hyena, “Alam mo ba, mayroong paraan para mapanatili ang tamis ng pulot sa iyong katawan? Ang kailangan mo lang gawin ay takpan ang butas ng iyong puwit upang manatili ang tamis at kailanman ay ‘di na ito mawala.”

“‘Payag ako sa iyong mungkahi! Gawin mo ang anumang kinakailangan,” pakiusap ng Hyena.

Nangalap ng ilang tinik ang Ardilya para gamiting pang-sipit. At gamit ang buntot ng Hyena, itinapal ng Ardilya ito sa puwit at ikinabit ang mga tinik sa butas ng kanyang kaibigan. 

Napakatibay ng pagkakatahi nito na walang ni hangin ang maaaring lumabas.Matapos itong gawin, nagpaalam ang Ardilya sa Hyena.

“Paalam kaibigan—nawa’y namnamin mo ang ang tamis ng pulot na nasa sa iyo,” nakangiting sabi ng Ardilya.

Naiwan sa gubat ang Hyena. Nakatulog ito sa sobrang bigat ng nakain niyang pulot. Ngunit makalipas ang ilang oras, nakaramdam ito ng pananakit ng tiyan, at kawalan ng ginhawa. 

Pilit niyang sinubukang ilabas kung anumang humaharang sa kanyang bituka, ngunit talagang walang lumalabas.Kaya nagsimula siyang magpagulong-gulong sa damuhan, at nagpupumiglas sa sakit.

Ang unang hayop na dumaan ay isang usa. Nakiusap ang Hyena sa Usa na tulungan siya.

“Hindi! Kilala kita. Kilala ka sa pagkatay sa kauri ko. Wala akong panahon para tulungan ka,” sabi ng Usa,at tinakbuhan nito ang Hyena na umuungol dahil sa matinding sakit.

Ang sumunod na dumaan ay isang magsasaka. Muli, nakiusap ang Hyena sa lalaki na tulungan siya.

“Hindi. Isa kang tusong nilalang, at alam kong hindi mo tutuparin ang iyong salita. Sa iba ka na lamang humingi ng tulong,” wika ng magsasaka, at hinayaan na lamang nito ang Hyena na umiiyak at nagmamakaawa.Ang sumunod na dumaan ay isang Kuneho na pupunta sa isang handaan.

Muli, nakiusap ang Hyena sa Kuneho. “Pakiusap, tulungan mo ako, mahal kong kaibigan. 

Pinapatay na ako ng aking tiyan sa sakit.”Nagsalita ang Kuneho, “Hindi. Ako’y nagmamadali’t papunta ako sa isang piging. Kilala ka ng marami sa iyong katusuhan, at malamang ay lolokohin mo lamang ako. Ikinalulungkot ko na hindi kita matutulungan.” At dali-daling kumaripas ang Kuneho.

Mas lalong tumindi ang pananakit ng tiyan ng Hyena. Ilang oras siyang naghintay ng tulong hanggang sa makatulog ito ng mahimbing.

Mula sa isang ‘di kalayuang puno, may isang Uwak na nasaksihan ang lahat ng pangyayari.

“Ah, patay na ang Hyena! Malamang masarap ang karne nito,” masayang wika ng nito.

Ngunit nang bababa na ang Uwak para lapitan ang Hyena, biglang idinilat ng Hyena ang kanyang mga mata at nagsalita: “Pakiusap, pakiusap Uwak. Sobrang sakit ang aking nararamdaman. Tulungan mo ako dahil ayoko ko pang mamatay.”

“Hindi, hindi pwede. Kilala ka sa pagiging sinungaling. At kung tutulungan kita, baka patayin mo pa ako,” sabi ng Uwak.Sumagot ang Hyena: “Ipinapangako ko sa iyo na hindi ako masamang hayop—wala akong balak na saktan o lokohin ka. Sa katunayan, sa loob ng aking tiyan ay mayroong napakaraming piraso ng karne namaaari mong ulamin ngayon, bukas at sa mga susunod na araw.”

Kahit may pagdududa, bumaba ang Uwak at lumapit ito sa Hyena. Gamit ang kanyang napakalakas na tuka, hinugot nito ang bawat tinik na natahi sa bukana ng Hyena. 

Pagkatapos ay biglang nahulog ang dalawang malaking piraso ng karne. Nang makita ito ng Uwak, mabilis nitong kinain ang karne.Dahil sa nakita niya, ang Uwak ay lubos na nakumbinsing tulungan ang Hyena. 

Kung kaya, sunud-sunod at isa-isa nitong binunot ang tinik na nakakabit sa puwit ng Hyena. Ngunit nang hihilahin na nito ang huling tinik, bumulwak ang malapot at maputing dumi. 
Parang isang malaking tsunami, malakas ang pagbulwak ng malapot na dumi na siyang nagtulak sa Uwak sa malayo. Bumagsak sa batuhan ang Uwak nang walang malay.

Hindi makahinga at makagalaw, nahirapan ang Uwak na tumayo. Sa kabutihang palad, bumuhos ang ulan at nahugas ang dumi sa katawan nito. 

Medyo natagalan ang Uwak para mabawi ang kanyang sigla. At nang muling bumalik ang kanyang lakas, wala na sa paligid ang Hyena.Lumipad siya para hanapin ito, ngunit hindi na ito makita pa.

At galit na galit ang Uwak sa ginawang pag-iwan sa kanya ng Hyena.

Sa kasaklapan, ang Uwak ay nangakong maghihiganti, at nangako itong pagbabayaran ng Hyena ang kanyang ginawang panlilinlang.

***

PAGTATATWA:

Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.Ang pangunahing pinagtutuunan ng pansin ng kwentong ito ay tungkol sa mga manloloko sa mundo ng hayop. Bagama’t ang mga hayop ay isang mahusay na repleksyon ng iba’t ibang pag-uugali, ang buod ngkwento ay walang pinag-iba sa mga emosyon at pag-iisip sa mundo ng mga tao.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]