NOONG mga panahong mahina na si Ka Carding, kanyang pinatawag ang dalawa niyang anak-anakan sa hacienda—si Bito at Hiraya.
Si Bito ang batang pinag-aral ng matanda sa Inglatera at lumaking sunod lahat ng luho at layaw sa buhay. Siya ang paboritong pamangkin ni Ka Carding. Tsinito at maamo ang mukha, ngunit tulad siya ng kanyang amain: matapobre, tuso, at balasubas.
Si Hiraya naman ang nakababatang anak-anakan ni Ka Carding. Dahil siya’y ampon, malayo ang loob ng matanda sa kanya, ngunit ito ay mabait, madamayin at magiliw—kabaligtaran ng mga katangian ng kanyang tatay-tatayan.
Mayroon 17 kalabaw si Ka Carding, at ang mga ito ang dagdag na pinagkukunan niya ng kita para sa hacienda. Kapag tapos na ang gawain sa bukid, kanyang pinapaupahan ang mga ito sa mga kalapit na sakahan.
Nang dumating ang araw na tuluyan nang namaalam si Ka Carding, nag-iwan ito ng testamento kung saan idinetalye rito ang iiwanang mga ari-arian kina Bito at Hiraya—at sa paborito at pinagkakatiwalaang aso ng matanda, si Bloo.
Nang matapos ang libing at ang iba pang mga obligasyon, binasa ng abogado ang iniwang testamento kina Bito at Hiraya. Habang hinati ng matanda ang lahat ng ari-arian na mayroon siya sa dalawang anak-anakan ng pantay na bahagi, ngunit hinati ng tusong matanda ang naiwang 17 kalabaw sa tatlong bahagi.
Ang naging problema, hindi sila ibinahagi nang pantay sa tatlo dahil ang “17” ay isang kakaibang numero at hindi maaaring hatiin.
Nakasaad sa testamento na si Bito ay magmamana ng kalahati ng 17 kalabaw, si Hiraya naman ay makakakuha ng isang-katlo ng 17 kalabaw, at si Bloo ay makakakuha ng kanyang isang-siyam na bahaging 17 kalabaw.
Natigilan ang dalawang ampon sa laman ng testamento at nagtanong sa abogado kung paano hahatiin ang 17 kalabaw gaya ng nabanggit sa kahilingan ng matanda.
“Alam nating hindi maaaring hatiin ang 17 kalabaw at ibigay sa aming dalawa ni Hiraya o kahit pa sa walang-silbing asong ito,” galit na sabi ni Bito.
Kasama ang kanilang abogado, ilang araw din silang nag-iisip ng mga paraan upang hatiin ang mga kalabaw tulad ng nabanggit sa testamento, ngunit wala silang mahanap na kasagutan.
Isang araw, nagmungkahi ang isang katiwala sa hacienda na isangguni ang kanilang suliranin kay Kikay Kalabaw—ang pinakamatanda at pinakamatalinong hayop sa hacienda.
Nakarating kay Kikay ang dinadalang problema nina Bito at Hiraya, at hiniling nito na dalhin sa kamalig ang 17 kalabaw.
Dinala ng dalawa ang 17 kalabaw sa kamalig.
“Magandang araw po sa inyo aming amo,” bungad ng Kikay. “Sa katunayan po, 18 po kaming kalabaw dito sa hacienda. Ngunit ako po’y matanda’t mahina na kaya’t ako’y nagpapasalamat kay Ka Carding at kanya akong itinangi’t ibinukod sa labing-pito. Ano po ang aking maipaglilingkod sa inyo?”
“Gawan mo ng paraan upang tuluyang maisakatuparan ang kahilingan ng aming tatay-tatayan,” pahayag ni Bito sa matandang kalabaw.
“Kung inyo pong mamarapatin, nais ko pong isama ang aking sarili sa bilang. Sa gayon, anumang pagkukulang ay ako na lamang po ang magboboluntaryong magpupuno,” paliwanag ni Kikay.
“Wala akong pagtutol sa iyong kagustuhang mapabilang sa 17. Ibig sabihin, 18 na ang paghahatian namin,” pangising sagot ni Bito.
Hiniling ni Kikay kay Hiraya na basahin ang testamento.
“Si Bito ay magmamana ng kalahati ng 17 kalabaw…,” ani Hiraya.
“Ayon sa testamento, kalahati ang mapupunta kay Bito,” pagkumpirma ni Kikay.
“Ngayong 18 na lahat ng kalabaw, kalahati ng 18 ay siyam. Kung gayon, 9 na kalabaw ang mapupunta kay Bito!”
Nakuha ni Bito ang siyam na kalabaw bilang kanyang bahagi. May natitira pang 9 na kalabaw.
Muling binasa ni Hiraya ang testamento. Ayon sa naiatas, siya ay makakakuha ng 1/3 ng kabuuang kalabaw.
“Hmmm… ang isang-katlo ng 18 kalabaw ay anim. Kung gayon, 6 na kalabaw ang makukuha mo bilang iyong bahagi, Hiraya!” muling pagkumpirma ni Kikay.
Sa ngayon, ang kabuuang bilang ng mga kalabaw na pinaghatian nina Bito at Hiraya ay 9 + 6 = 15 kalabaw.
Binasa ng abogado ang huling bahagi ng testamento: “Isang-siyam (1/9) ng kabuuang bilang ng kalabaw ang makukuhang bahagi ni Bloo.”
“Ah, madali na lamang ‘yan,” paniniguro ng matandang kalabaw. “Kung 1/9, ibig sabihin, mayroong dalawang kalabaw para kay Bloo. Samakatuwid, si Bloo ay makakakuha ng 2 kalabaw bilang kanyang bahagi.”
Sa nangyaring hatian, mayroong 9 kalabaw si Bito; 6 kay Hiraya; at 2 kalabaw para kay Bloo. Sa kabuuang bilang, 17 kalabaw lahat ang naipamahagi.
“Sa 18 kalabaw, ako po ang natitirang isa,” ani ng matandang kalabaw. “Dahil ako po’y mahina’t matanda na, ang kahilingan ko po sana sa aking mga amo na hayaan na lamang po akong mamahinga rito sa hacienda.
***
“PAGTATATWA:Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.
Ang katalinuhan ay walang iba kundi ang paghahanap ng isang karaniwang batayan upang malutas ang isang suliranin. Sa madaling salita, bawat problema ay may solusyon.
Masayang naghati-hati ng pamana sina Bito, Hiraya at Bloo. Walang nasaktan sa 17 kalabaw.