Ang Pabo at ang Leon

NOONG unang panahon, may isang pabo na nagmana ng maraming kayamanan sa kanyang ama.

Ngunit ang pabo na ito ay nabuhay sa luho at dekadenteng buhay na sa maikling panahon ay nilustay niya ang lahat ng kanyang minana hanggang sa kahuli-hulihang sentimo.

Isang araw, nagising siyang walang natira sa kanya ni isang pag-aari.

Umupo siya sa isang lugar, itinupi ang kanyang mga pakpak sa kanyang dibdib at bumuntong-hininga habang iniisip ang kanyang naging kapus-kapalaran.

Ang mga kaibigan ng kanyang ama ay nagtipon sa kanya upang damayan siya’t bigyan ng payo.

Ang isa sa kanila, isang matanda at matalinong pabo, ay nagwika sa kanya: “Anak, nasaktan mo ang iyong Swerte, na tumakas sa iyo. Mas mabuting hanapin mo ang iyong Swerte. Kung sakaling mahanap mo ito, ika’y makipagkasundo para siya ay muling bumalik sa iyo. At kapag nakita mo ulit ang iyong Swerte, ikaw ay tunay na magiging napakapalad na pabo.”

Tangan ang payo ng kaibigan ng kanyang ama, ang pabo ay nagsimulang maglakbay sa mga bundok at kapatagan sa paghahanap ng kanyang Swerte.

Isang gabi, nakita niya sa kanyang panaginip na ang kanyang Swerte bilang isang pabo rin na katulad niya na bumagsak mula sa tuktok ng isang mataas na bundok—nagbubuntong-hininga at nagmumuni-muni, tulad mismo ng ginagawa niya.

Kinaumagahan, bumangon siya at nagpatuloy sa kanyang paglalakbay patungo sa bundok.

Sa kanyang paglalakbay, nakasalubong niya ang isang leon na nakaupo sa isang bunton ng lupa sa tabi ng daan.

“Huwag kang matakot. Humayo ka’t magpatuloy,” sabi ng leon.

At nang lumapit ang pabo, ang leon ay nagtanong: “Saan ka pupunta, Kaibigan?”

“Hahanapin ko ang aking Swerte,” sabi ng pabo.

“Mabuti!” wika ng leon, “Napakatalino ng iyong Swerte—itanong mo sa kanya kung ano ang lunas sa aking karamdaman. Pitong taon na akong may sakit. Kung makakahanap ka ng tamang lunas at mabibigyan mo ako ng payo, gagantimpalaan kita.”

“Hindi kita bibiguin, Kaibigan,” pangako ng pabo sa leon, at nagpatuloy ito sa paglalakbay.

Hindi nagtagal ay nakarating siya sa isang napakagandang taniman na puno ng lahat ng uri ng prutas. Ang pabo ay pumitas ng ilan sa mga prutas at nagsimulang kumain, ngunit lahat ng bunga ay mapait.

Pagkatapos ay nakasalubong niya ang hardinero at nagtanong ito kung saan siya pupunta.

“Hahanapin ko ang aking Swerte,” sagot ng pabo.

“Pakiusap, tanungin mo ang iyong Swerte,” hiling ng hardinero, “kung ano ang lunas para sa aking taniman. Pinaghugpong ko ang mga sanga ng aking mga halaman ngunit walang nangyari. Pinutol ko ang mga lumang puno at nagtanim ng mga bago, ngunit nasayang lamang ang aking pagod. Kung ang iyong Swerte ay maaaring magbigay ng ilang lunas at payo, gagantimpalaan kita ng higit pa sa mga bunga ng aking taniman.”

Nangako ang pabo na tatanungin niya ang kanyang Swerte, at muling nagpatuloy ito sa kanyang paglalakbay.

Hindi nagtagal ay dumating siya sa isang kamangha-manghang palasyo na matatagpuan sa isang hardin na kasingganda ng paraiso.

Ang tanging naninirahan doon ay isang magandang dalaga.

“Anong uri ng ibon ka?” tanong ng dalaga pagkakita sa pabo, “at bakit ka naparito?”

At ikinuwento ng pabo sa dalaga ang kanyang naging buhay at dahilan ng kanyang paglalakbay.

“Alam mo ba,” pabungad na wika ng dalaga, “pag-aari ko itong napakalaki at kahanga-hangang palasyo, at ang aking kayamanan at ari-arian ay ‘di masukat. Ngunit ako’y labis na binabalot ng kalungkutan dahil wala akong makausap sa araw o gabi. At kung bibigyan mo ako ng payo para mapasaya ako, ipinapangako kong gagantimpalaan kita ng higit pa sa ipinamana ng iyong ama.”

Nangako ang pabo sa dalaga, at nagpatuloy hanggang sa makarating siya sa tuktok ng bundok na siyang nakita niya sa kanyang panaginip. At doon nakaharap niya ang kanyang hinananap na Swerte.

Inilarawan niya kay Swerte ang kanyang sariling kapus-palad na kalagayan, at ibinuhos ng pabo ang lahat ng kanyang mga hinaing.

Pinakinggan ng Swerte ang kwento ng pabo, at sinabi: “Dahil ikaw ay naglakbay mula sa malayo para lamang ako’y hanapin, ang lahat ay magiging maayos at manunumbalik ang iyong kapalaran. Ngunit sa pagkakataong ito, ika’y dapat maging praktikal at gamitin ang iyong talino sa lahat ng bagay na maaaring magkaroon ng epekto sa iyong buhay.”

Pagkatapos ay tinanong ng pabo ang kanyang Swerte ng mga bagay na ipinangako niyang itatanong, at siya nama’y pinaunlakan nito ng mga payo’t sagot.

“Sasamahan mo ba ako sa aking paglalakbay pabalik?” tanong ng pabo sa kanyang Swerte.

“Mauna ka,” sabi ng Swerte, “Susundan kita.”

Nagsimulang maglakbay pabalik ang pabo. Sa kanyang pagbabalik, una niyang nadaanan ang dalaga, at ibinahagi ang naging payo ng Swerte: “Mawawala ang iyong kalungkutan, at ikaw ay magiging masaya sa sandaling mayroon kang isang ibon na iyong magiging kaibigan at sa iyo’y maninirahan.

“Pagkatapos ay nakasalubong niya ang hardinero, at ibinahagi rin niya ang naging payo ng Swerte: “May ginto sa bukal na umaagos sa tubig na iyong pinang-didilig sa iyong taniman. Ang mga halaman ay sumisipsip ng mga butil ng ginto na nagiging sanhi na maging mapait ang mga bunga. Ang tubig mula sa ibang bukal ang iyong gamitin, at alisin mo ang ginto sa kasalukuyang bukal—sa gayon, ang iyong mga bunga ay magiging matamis.”

Pagkatapos ay dumaan siya sa lugar ng leon. Ikinuwento ng pabo kung paano niya nakita ang kanyang Swerte, at kung anong mga mensahe’t payo ang kanyang dinala sa dalaga at sa hardinero.

“At anong gantimpalang ibinigay sa iyo ng dalaga?” tanong ng leon.

“Sinabi niya,” sagot ng pabo, “na masaya akong kausap, at gusto niya akong manatili sa kanyang palasyo. Iminungkahi rin niya na kung tatanggapin ko ang kanyang alok, ako’y magkaroon ng kalahati ng kung ano ang mayroon siya. Ngunit tumanggi ako dahil masyadong malaki ang palasyo para sa aming dalawa.”

“At anong gantimpala naman ang ibinigay sa iyo ng hardinero?” muling tanong ng leon.

“Kinuha niya ang ginto mula sa bukal, at ibinigay ang lahat sa akin. Ngunit tumanggi ako dahil hindi ko kayang dalhin ang napakabigat na kargadang ginto pabalik sa amin,” katwiran ng pabo.

“At anong payo at lunas ang nabanggit ng Swerte para sa aking karamdaman?” tanong ng leon.

“Ang nabanggit ng Swerte,” ani ng pabo, “sa sandaling kainin mo ang ulo ng isang tangang nilalang, ikaw ay gagaling.”

Ang leon ay tumingin sa mukha ng pabo, at sinabi: “Mahabaging Bathala! Wala akong mahanap na mas tangang nilalang sa balat ng lupa maliban sa iyo.”

At sinunggaban ng leon ang ulo ng pabo. At sa isang subo ay naglaho ang ulo ng tangang ibon.


PAGTATATWA:

Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang. Kung kaya, huwag maging isang tunggak.

Ang oras at panahon ay hindi kailanman nakikipagkaibigan sa isang tanga. Ang aming taos-pusong pakikidalamhati sa isang tangang pabo.