Dasal hiling para sa paggaling ni Nora Aunor

UMAAPELA si Cristy Fermin sa publiko na ipagdasal ang National Artist na si Nora Aunor na masama umano ang lagay sa ospital.

Sa latest episode ng kanyang online talk show, isiniwalat ng veteran showbiz columnist at host na naging emosyonal siya nang malaman ang lagay ng Superstar.

“Nung nalaman ko na hindi siya nakakahinga nang maayos, lagi siyang naka-oxygen, hanggang sa dalhin na sa ospital at binabantayan na, parang ang lakas-lakas ng suntok sa puso ko talaga,” ani Cristy.

Aniya, pinaghandaan ni Nora ang pagtanggap niya ng National Artist award mula kay Pangulong Duterte pero hindi ito pinayagang makalabas ng mga doktor.

“Pinaghandaan niya ‘to. Sabi nga ng mga anak niya, nagpagupit pa raw ng buhok. Matagal na niyang pinaghandaan ang pinakamataas na antas ng parangal sa kahit sinong artista,” kwento ni Cristy.

“Nagpagawa pa raw ng damit, pero pagdating noong awarding, hindi niya kakayanin. Sabi, ayaw payagan ng mga doktor niya si Nora Aunor na umalis at lumabas ng ospital,” dagdag niya.

Hindi naman sinabi ni Cristy kung ano ang sakit ng premyadong aktres na nagdiwang ng kanyang ika-69 kaarawan nitong nakaraang Mayo.