SA sulok ng Tayabas-Ilaya.
Sa paanan ito ng kagubatan ng Sierra Madre. Dito lumaki ang dalawang matalik na magkaibigang buriko — si Iko at si Buro.
Matagal nang magkaibigan ang dalawa, at mula pagkabata sila ay tila hindi mapaghihiwalay.
Si Iko ang matalinong buriko: magaling, may talento at ambisyoso. Samantalang si Buro naman ang siyang kabaligtaran: mapurol at uto-uto, ngunit ambisyoso rin siya katulad din ng kanyang kaibigang buriko.
Ang dalawa ay pinagbuklod ng kanilang matinding pagnanais na umalis sa kagubatan at subukan ang kanilang kapalaran sa lungsod.
Isang araw, nag-usap ang dalawang magkaibigan at nagkwento ng kanilang mga pangarap sa buhay.
Napagtanto nila na sila ay walang magiging kinabukasan kung mananatili lamang sila sa kagubatan habambuhay — at tatanda ng walang nangyayari sa kanilang mga pangarap.
Kung kaya’t nagkasundo ang dalawa na lisanin ang kagubatan at pandayin ang kanilang mga pangarap sa siyudad.
Ngunit kailangan nila ng malaking halaga para makapagsimula at mabuhay sa lungsod. At ayon sa mga kwentong kanilang narinig sa mga matatanda, ang lungsod ay para lamang sa mga may pera at kumikita — at isang kahabag-habag na lugar doon sa mga wala.
Hindi kayang mapawi ng madidilim na mga kuwento tungkol sa lungsod ang kanilang ambisyon para sa isang magandang buhay.
Ang tanging bagay na pumipigil sa kanila sa pag-alis sa kagubatan ay ang salaping kakailanganin nila sa paglalakbay at gagamitin upang makapagsimula ng bagong landas para sa kanilang kinabukasan.
Biglang may naisip na plano si Iko.
“Hindi ba ang iyong lola ang gumagawa ng pinakamasarap na lambanog sa buong Sierra Madre?” tanong niya kay Buro.
“Oo siya lamang. Pero ano ba ang nasa isip mo?” ang balik na tanong ni Buro kay Iko.
“Matanda na ang iyong lola at malamang ay di na rin niya kayang gumawa pa ng lambanog. Bakit di mo sya tanungin kung ano ang kanyang paraan sa paggawa ng alak at para ikaw na ang may tangan ng mga sikretong sangkap na ginagamit n’ya. Ang lambanog ang siya nating dadalhin sa lungsod upang ibenta,” udyok ni Iko.
Biglang napaisip si Buro sa sinabi ng kaibigan. Maaari ngang magamit nila ang lambanog ng kanyang lola para magkapera.
Kaya’t dali-dali pinuntahan ng dalawang magkaibigan ang masukal na daan patungo sa lugar ng matandang buriko.
Mahina na ang lola ni Buro. At dahil na rin sa katandaan nito, nakumbinsi ng dalawa na ibahagi sa kanila ng matanda ang sikretong sangkap ng pinakamasarap ng lambanog sa Sierra Madre.
Simple lamang ang paraan ng pagtimpla at pagbuburo, ngunit ang sikretong sangkap ay matatagpuan lamang sa bulubundukin ng Sierra Madre. Ang sikretong sangkap na ito ay nagsisilbing gamot sa piling mga karamdaman, at pamatid-uhaw sa natutuyong lalamunan.
Agad na sinumulan ng magkaibigang buriko ang pagtimpla ng lambanog, at kanilang pinatikim ito sa mga kaibigan nila sa kagubatan.
“Ito na yata ang pinakamalasang lambanog na aking natikman sa buong buhay ko,” patotoong sabi ng alamid.
“Walang katumbas!” sigaw ng baboy-ramo.
“Ito ang siyang magbibigay sa inyo ng yaman at katanyagan!” pakindat na sambit ng lobo.
Walang sinayang na oras ang dalawa at dali-daling isinalin sa isang malaking tapayan ang lambanog. Iniayos nila ang kanilang baon sa paglalakbay at nagpaalam.
Ngunit hindi ganoon kadaling lisanin ang Sierra Madre. Pitong bundok ang kailangang akyatin at walong ilog ang kailangang tawirin–at aabot ng humigit-kumulang isang libong araw ang kailangan lakbayin bago makarating sa lungsod.
Pinangako ng dalawa sa kanilang sarili na hinding-hindi na sila babalik kailanman sa gubat, at sa lungsod na ang kanilang magiging buhay.
Habang naglalakbay, nag-uusap ang dalawa tungkol sa perang makukuha nila sa pagbenta ng lambanog.
“Ang ating alak ay espesyal at walang katumbas pagdating sa tapang at lasa. Sa aking wari, maaari tayong magturing ng mataas na presyo sa bawat kopa ng lambanog,” payabang na sabi ni Ikong Buriko.
“Sa laki ng tapayang ating dala, sa piso bawat kopa, aabot ng mahigit tatlong libong piso ang ating makukuha. Sulit sa bawat araw ng paglalakbay, uhaw at hininga,” sagot naman ni Burong Buriko.
At sila’y nagsimulang maglakbay.
Ngunit ang init ay napakatindi na kahit tubig ay hindi sapat upang pawiin ang kanilang uhaw. Kung kaya’t naisip ni Buro na kausapin si Iko kung maaaring pagbigyan siyang uminon ng kahit kaunti lamang mapatid lang ang kanyang uhaw.
“Napag-usapan na natin ito, hindi ba? Ang negosyo ay negosyo. Kung nais mong uminom ng lambanog, kailangan mong magbayad ng piso,” pasumbat na singhal ni Iko.
“Kung gayon ay sangayon ako. Meron akong dalang nag-iisang piso rito–ituring mong una nating benta ito,” pahayag ni Buro sabay abot ng baryang dala.
Dahil na rin sa pagod at sobrang init ng araw, si Iko naman ang nauuhaw.
“Kaibigan, napag-usapan na natin ito. Ang negosyo ay negosyo. Kung sinuman sa atin ang nais uminom ng lambanog, kailangan ay magbayad ng piso,” paalala ni Iko.
“Meron akong pisong nakuha mula sa ating unang benta, hihiramin ko muna at saka na lamang kita babayaran kapag tayo’y kumita na,” dagdag ni Iko sabay abot ng baryang dala kay Buro.
Sa ikalawang araw, kay Buro naman bumalik ang uhaw.
“Kaibigan, napag-usapan na natin ito. Ang negosyo ay negosyo. Kung sinuman sa atin ang nais uminom ng lambanog, kailangan ay magbayad ng piso,” ani Buro. “Meron akong pisong nakuha mula sa ating benta, hihiramin ko muna at saka na lamang kita babayaran kapag tayo’y kumita na.”
At ganoon na nga ang kanilang naging patakaran sa sumunod na mga araw, linggo at buwan.
Makalipas ang tatlong taon na paglalakbay, abot-tanaw na ng magkaibigang buriko ang nagtataasang gusali ng lungsod.
Biglang sumigla ang pakiramdam ng dalawa at nakinikinita na nila ang katuparan ng kanilang mga pangarap.
“Kaibigan, ilang araw na lang ang ating kailangang lalakbayin patungo sa lungsod. Naamoy ko na ang tagumpay na dala ng ating lambanog. Yayaman tayo at sisikat. At ang buong mundo ay lalapit sa atin para sa ating alak,” masayang sabi ni Iko.
“Kung gayon, tayo’y magdiwang!” mabilis na sagot ni Buro. “Kahit tayo’y nagdiriwang, ang negosyo ay negosyo. ‘Eto ang piso mula sa ating benta. Hihiramin ko muna. Saka ko na lamang ibabalik kapag tayo’y mayaman na!” dagdag ng buriko.
“Siya nawa, kaibigan. Tayo’y magdiwang,” ani Iko sabay kuha ng barya mula kay Buro. “Ang negosyo ay negosyo, kung kaya’t narito ang piso. Saka ko na lamang ibabalik kapag tayo’y mayaman na!” at sabay tungga ng lambanog sa kopa.
Walang kamalay-malay ang dalawa, ang laman ng tapayan na kanilang dala ay paubos na.
At sa wakas lungsod ay narating nila.
Muling inabot ng uhaw si Buro, pero wala nang laman ang tapayan. Unti-unti nang naglaho ang mga pangarap nila–sa lugar na kanilang itinuturing hitik ng pag-asa.
Sinilip ni Iko ang buslo na lalagyan ng kanilang benta.
Napabuntong-hininga na lamang ang dalawang buriko. Sa kabila ng lahat ng pinagdaanan nilang pagod, hirap at uhaw…
May nag-iisang pisong natitira.
PAGTATATWA:
Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.
At para sa kapayapaan ng mundo, walang burikong nasaktan sa pagsulat ng artikulong ito.
(Natuloy pa rin naman ang pangarap ng magkaibigan burikong sumikat at magkapera. Ang huling balita sa kanila, doon sila malimit gumala sa Divisoria kasama ng mga turistang nakasakay sa kanilang kalesa.)
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]