Ang Kutsero at ang Maya

MAY isang masungit at walang-pusong amo na may alagang aso. Hinayaan nitong magutom at magdusa ang kanyang alaga at sinadyang hindi pakainin ng ilang araw. Dahil hindi na matiis ng aso ang pagmamalupit ng kanyang amo, nagpasya itong lumayas at malungkot nitong nilisan ang lugar.

Habang nasa daan, nakasalubong ng aso ang isang maya.

“Kuyang Aso, bakit ka malungkot?” tanong ng ibon.

Sumagot ang aso, “Gutom na gutom na ako. Ilang araw na akong hindi kumakain, at wala akong malapitan ng tulong.”

Nang marining ng Maya ang malungkot na kwento ng aso, naawa ito, “Kuyang, sumama ka sa akin sa bayan, at tutulungan kitang mapawi ang iyong gutom.”

Kaya’t sabay silang naglakbay patungo sa bayan, at nang makarating sila sa harap ng isang tindahan ng karne ay sinabi ng Maya sa aso, “Manatili ka muna diyan, Kuyang, at kukuha ako ng kaunting karne para sa iyo,” at bumaba siya sa puwesto, tumingin-tingin sa paligid, at nang mawaring walang nagmamasid sa kanya, tumuka ito ng malaking piraso ng karne na nasa gilid ng mesa at inihulog sa ilalim.

Pagkatapos ay mabilis na kinuha ng aso ang karne, tumakbo sa isang sulok, at inubos ito.

Wika ng Maya: “Kuyang, sumama ka sa akin sa isa pang tindahan, at pagkatapos ay kukuha ako ng isa pang piraso upang ang iyong gutom ay tuluyang mapawi.”

Nang matapos kainin ng aso ang pangalawang piraso, tinanong siya ng Maya, “Kuyang, nabusog ka ba sa kinain mong karne?”

“Oo, Kapatid na Maya—sapat na ang karneng iyong ibinigay,” sagot ng aso, “ngunit sana mayroong kasamang tinapay.”

Sagot ng Maya, “Sumama ka sa akin, Kuyang. Maghahanap tayo ng tinapay.”

Pagkatapos ay pumunta sila sa isang panaderya at tulad ng dati, tumuka’t inihulog ng Maya ang mga tinapay hanggang gumulong ang mga ito malapit sa aso. At dahil gutom pa rin ang aso, pumunta sila sa isa pang tindahan at muling kumuha ng tinapay.

Nang maubos ng aso ang tinapay, muling nagtanong ang Maya, “Kuyang, nabusog ka ba?”

“Oo, Kapatid na Maya. Maraming salamat,” sagot ng aso, “tara, tayo’y mamasyal sandali sa labas ng bayan para na rin makapagpahinga.”

Pagkatapos ay naglakbay silang dalawa palabas ng bayan. Gayunpaman, napakainit ng panahon, at agad na napagod ang aso.

“Kapatid na Maya, tila hindi ko kaya ang init ng araw, at gusto ko sanang matulog muna’t magpahinga,” aniya.

“Sige, Kuyang—matulog ka na muna diyan sa tabi ng kalsada” sagot ng Maya, “at pansamantala naman ako’y dadapo sa isang sanga.”

Kaya humiga ang aso sa kalsada at nakatulog nang mahimbing. Habang siya ay natutulog doon, isang kutsero ang dumaan na nakasakay sa isang kalesang hinihila ng tatlong kabayo.
Sakay ng kalesa ang dalawang bariles ng alak.

Habang papalapit ang kalesa, napansin ng Maya na walang balak umiwas ang kutsero sa lugar kung saan nagpapahinga ang aso, kung kaya’t sumigaw ito ng malakas: “Mamang Kutsero, pakiusap, pahintuin po ninyo ang inyong mga kabayo—masasagasaan po ninyo ang aking Kuyang na aso.”

Ngunit tila walang narinig ang kutsero, at tuloy-tuloy nitong pinatakbo ang mga kabayo.

“Kung hindi po kayo hihinto, pagsisisihan ninyo ang inyong ginawa at gagawin ko kayong dukha!” pagbabanta ng Maya sa kutsero.

“Hahaha! Eh, gawin mo akong dukha,” sagot ng Kutsero sa banta ng Maya, at inihampas nito ang kanyang latigo sa tatlong kabayo, biglang sumikad ang mga ito, at tuluyang sinagasaan ng kalesa ang natutulog na aso.

“Sinagasaan mo’t pinatay ang aking Kuyang na aso, at dahil sa ginawa mo, sisingilin kong kapalit ang iyong kalesa at mga kabayo,” bitiw na sumpa ng Maya sa Kutsero.

“Talaga?! Kalesa at mga kabayo?! Sige nga—gawin mo,” panunuya ng Kutsero. “Eh, anong pinsala ang maaaring gawin ng isang maliit na maya sa akin?” at nagpatuloy itong mangutsero.

Nang magkagayo’y palihim na gumapang ang Maya sa ilalim ng tolda ng kalesa at paunti-unting tinuka ang isang bariles ng alak hanggang sa mabutas ito. Hindi napansin ng Kutsero na lumiligwak ang bariles at natatapon sa kalsada ang alak habang tumatakbo ang kalesa.

At nang lumingon siya, nakita niya ang tulo ng alak sa kalye, ngunit huli na nang makita niyang wala ng laman ito.

“Huhuhu… Kawawa naman ako,” umiiyak na sigaw ng Kutsero.”

Sa iyong kalupitan, hindi pa sapat ‘yan,” galit na sabi ng Maya, at dumapo ang ibon sa ulo ng isa sa mga kabayo at tinuka ang dalawang mata nito.Nang makita ng Kutsero ang ginawa ng Maya, inilabas nito ang kanyang palakol at galit tinaga ang Maya, ngunit mabilis na lumipad ito sa himpapawid, at sa halip ay tinamaan ang ulo ng kabayo—at natumba ito na wala ng buhay.

“Huhuhu… Kawawa naman ako,” umiiyak na sigaw ng Kutsero.

“Sa iyong kalupitan, hindi pa sapat ‘yan,” angil ng Maya.

Nagpatuloy ang Kutsero kasama ang dalawang kabayo. Muling gumapang ang Maya sa ilalim ng tolda, tinuka ang pangalawang bariles ng alak hanggang sa mabutas ito, at natatapon sa kalsada ang alak habang tumatakbo ang kalesa.

Nang mapansin ito ng Kutsero, muli itong sumigaw, “Huhuhu… Kawawa naman ako,” ngunit sumagot ang Maya, “Sa iyong kalupitan, hindi pa sapat ‘yan,” at dumapo ang ibon sa ulo ng pangalawang kabayo at tinuka ang mga mata nito. Muling inilabas ng Kutsero ang kanyang palakol at galit tinaga ang Maya, ngunit mabilis na lumipad ito sahimpapawid, at sa halip ay tinamaan ang ulo ng kabayo—at natumba ito na wala ng buhay. “Huhuhu… Kawawa naman ako!”—sambit ng Kutsero.

“Sa iyong kalupitan, hindi pa sapat ‘yan,” sabi ng Maya, at dumapo ito sa ulo ng ikatlong kabayo at tinuka ang dalawang mata nito.Dahil sa kanyang galit, iwinasiwas ng Kutsero ang kanyang palakol ngunit hindi niya tinamaan ang Maya.

Sa kasamaang palad, tinamaan niya ang nag-iisang natirang kabayo. “Huhuhu… Kawawa naman ako,” pagtatangis ng Kutsero.”

Sa iyong kalupitan, hindi pa sapat ‘yan,” sagot ng Maya. “Ngayon, ang iyong tahanan naman ang aking ipagtutungayaw,” at lumipad ito palayo.

Napilitan ang kutserong iwanan ang kanyang kalesa sa tabi ng kalsada at galit na umuwi.

“Ah,” sabi niya sa kanyang asawa, “anong kasawian ang aking natamo! Naubos na ang dala kong alak, at patay na ang aking tatlong kabayo!”

“Maniwala ka man o hindi,” ani ng asawa, “may isang salbaheng ibon ang pumasok sa ating bahay! Tila tinipon nito ang lahat ibon sa mundo, at inubos nila lahat ng palay at mais sa ating kamalig!”

Agad na tumakbo patungong kamalig ang Kutsero, at doon nakita niya ang daan-daang mga ibon ang nakadapo sa bubong at ang iba’y kinakain ang palay at mais. “Huhuhu… Kawawa naman ako,” sigaw ng Kutsero.”

Sa iyong kalupitan, hindi pa sapat ‘yan!” sagot ng Maya, “dahil sa iyong ginawa sa aking Kuyang, anuman ang mga nangyari sa buhay mo’y hindi kahina-hinayang,” at lumipad ang ibon palabas ng kamalig.

Galit na naupo sa isang sulok ang Kutsero. Sa loob ng isang araw, lahat ng kanyang ari-arian at kabuhayan ay nawala.

Ang Maya ay nasa labas lamang kaharap ng bintana. Sumigaw ito: “Sa iyong kalupitan, buhay at kabuhayan ang kabayaran. Sa ginawa mo sa aking Kuyang, kinabukasan mo’y hindi kahina-hinayang.”

Agad na kinuha ng Kutsero ang palakol at inihagis sa Maya, ngunit nabasag lamang ang bintana at hindi natamaan ang ibon. Ang maya ay lumukso, tumayo sa may kalan at sumigaw, “Sa iyong kalupitan, buhayat kabuhayan ang kabayaran.”

Umaapoy sa galit, hinataw ng Kutsero ang kalan, at nagpalukso-lukso ang ibon sa loob ng bahay—sa mga muwebles, sa mga upuan, lamesa, pader, bintana, ngunit hindi matamaan ng kutsero ang ibon.

At sa wakas, nahuli ng kanyang asawa ang maya.

“Papatayin ko na ba ang ibon?” tanong nito. “Huwag,” sagot ng Kutsero, “Masyado kang maawain. Nais kong iparamdam sa ibong ito ang labis na dusa at pahirap na kanyang ginawa sa akin,” at kinuha niya ito at nilunok ang ibon nang buo.

Ang ibon ay nagsimulang pumagaspas sa loob ng tiyan ng kutsero, at umakyat palabas ng bibig ng lalaki; pagkatapos ay iniunat nito ang kanyang ulo papalabas, at sumigaw, “Sa iyong kalupitan, buhay ang kabayaran!”

Iniabot ng Kutsero ang palakol sa kanyang asawa, at sinabi, “Asawa, hatawin mo ang ibon paglabas nito sa aking bibig.” Imindayon ang babae—ngunit mabilis na umiwas ang maya. Sa madaling sabi, nagmano ang palakol sa ulo ng kawawang Kutsero. At lumipad ang iba pang mga ibon papalayo—sa pangunguna ng Maya.


PAGTATATWA: Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.Ito ay isang simbolikong salaysay ng pag-ibig at paghihiganti. Kung kaya, huwag kailanman mamaliitin ang isang maliit na maya.Siya nga pala, panalangin sa namayapang aso, sa tatlong kabayo at sa kutsero