Ang Blusang Pula (Part 2)

Part 1 ay matatagpuan dito: https://pinoypubliko.com/arts/ang-blusang-pula-part-1/


Si Xiomara ang kinakatakutan ng lahat dahil marahas ang ugali nito at matapang. Kilala ito sa pagiging matigas ang ulo hanggang sa punto na tumatanggi ito na sundin ang mga uto ng kanyang amo.

“O, sadyang mapagbiro nga talaga ang tadhana. Tingnan ninyo kung sino ang kasama natin dito—ang may mabahong hininga, pangit, nakakadiri, at may kilay-lalaking si Melay. Sino ang iyong padrino? At ang lakas naman ng loob mong sumali rito,” palibak na sabi ni Xiomara.

“‘Wag mo nang patulan ‘yan anak. Matagal na rin akong nagtitimpi dyan at sa kanyang nanay,” inis na wika ng inang malamute kay Melay. “Magtiwala ka sa akin. Hayaan mo akong baguhin ang iyong itsura—isang bagay na magugulat sila,” at inilabas ng malamute ang isang pulang bestida.

Aniya: “Ito ang pinakamagarang damit na nagawa sa buong Kabite! Paniguradong hahangaan ka suot ang pulang damit na ito.”

Napailing ng ilang beses si Melay. Kailanman ay hindi siya nagsuot ng damit pambabae, at ang pagsusuot ng bestida ay isang bagay wala siyang balak gawin.

“Ipagpaumanhin po ninyo, Ina, pero hindi ko po magawang isuot ang bestidang ‘yan. Ipinapangako kong mananalo ako pero ‘di ko isusuot ang pulang damit na ‘yan,” magalang na sabi nito.

Biglang naantig ang puso ng malamute.

“Pasensya ka na rin anak kung pilit kong ipinapasuot ang bestidang pula. Alam mo, noong bata pa ako, pinagtatawanan at kinukutya rin ako ng ibang mga aso sa bahay na bato dahil sa aking kakaibang itsura. Pagkatapos ay naisip ko: may kakayanan akong abutin ang aking mga pangarap at kaya kong maging kung ano ang gusto kong maging, at walang sinuman ang maaaring magdikta sa akin kung ano ang dapat kong gawin para lamang pagbigyan sila,” sambit ng kanyang ina.

Nang tinawag si Melay sa entablado, nagulat ang lahat sa kanyang gayak. Walang kolorete sa mukha, walang makulot na pilik-mata, walang suot na mga sapatos, at naka-blusang berde.

Pinili ni Melay ang kulay berde dahil ito ang siyang sumasagisag ng kapayapaan, paglago, bagong simula, pagpapanibago, pagkakasundo, at pag-asa.

Nakayukong naglalakad patungo sa gitna ng entablado, at humarap sa madla si Melay:

“Sa tanang buhay ko ay takot akong magsuot ng damit. Tatlong taon na ang nakalipas, isa sa mga kalahok dito ang nagsabing pangit akong manamit, marungis, at hindi ako mukhang babae. Tiningnan ko ang aking sarili, at iyon din ang sabi ko: Hindi ako bagay nito. Kung kaya’t nagpasya akong maging iba sa kanila—ang maging totoong ako!

“Hinikayat ako ng aking ina na kumilos babae at magsuot ng damit-pambabae, ngunit sadyang takot akong muling kutyain. Nandito ako sa harap ninyo, sa patimpalak na ito, nakasuot ng damit-pambabae. Ayaw ko pa ring mag-bestida. Kung tutuusin ay galit ako dahil sa loob ng maraming taon, lahat ng tao ay nagsasabi sa akin na maging mahinhin at maging pinong kumilos—ngunit hindi ako iyon.

“Mapalad ako dahil wala akong amo na katulad ninyo. Hindi ko kailangang pagbigyan ang mga kapritso ng tao.

“Maging totoo tayo sa ating mga pinahahalagahan sa buhay at manindigan kapag gumawa tayo ng mga desisyon na sa tingin natin ay tama, maging anuman ang iniisip ng iba. Ang mahalaga ay ang pagkakaroon ng integridad at palabra de honor. Manindigan para sa mga taong hindi kayang panindigan ang kanilang sarili. At pansinin ang magagandang katangian ng ibang tao, at hikayatin sila sa halip na gawan ng mali-maling kwento.

“Ano naman kung gusto mong magsuot na naglalakihang hikaw, Arely. O, magtirintas ng buhok, Sara? O, magsuot ng alpombrang sapatos, Zia. O, pahabain ang iyong mga pilik-mata, Xiomara? Malaya kayong gawin kung ano inyong gusto. Ang mahalaga ay nirerespeto natin ang bawat isa. Kapag nirerespeto mo ang iba, rerespetuhin mo ang iyong sarili, at mapapansin mong irerespeto ka rin ng ibang aso, maging ang ibang hayop. Ito ang ginintuang panuntunan: ang tratuhin ang iba sa paraang nais mong tratuhin ka,” malumanay na pahayag ni Melay.

At laking gulat na lamang ang lahat nang biglang pinunit ni Melay ang kanyang blusang pula sa harap ng madla.

At nagpasya ang mga hurado.

Sa wakas, matapos ang ilang taong pagbabasakali sa patimpalak, si Xiomara ang hinirang na pinakamagandang aso sa Maragondon. Sina Zia, Arely at Sara ay umuwing luhaan, ngunit bitbit ang mga binitawang salita ni Melay: “Respeto”.

Walang nakuhang tropeo o laso si Melay. Maging ang mga asong dala ng pamilyang Severino ay wala ring nadala ni isa.

“Anak, paano kung nagkaroon ka ng isa pang pagkakataong ipakita sa lahat kung sino ka talaga, at kung ano ang maaari mong maging balang araw?” tanong sa kanya ng inang malamute.

“Gusto kong maging inhenyero, ‘Nay!” mabilis na sagot ni Melay.

Muling tinitigan ng matandang alano si Melay, at ang tanging sabi lamang ay: “Gutom lang ‘yan, anak.”


PAGTATATWA:

Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.

At para sa kapayapaan ng mundo, walang hayop ang nasaktan sa pagsulat ng artikulong ito.