Ang Blusang Pula (PART 1)

Lalawigan ng Kabite.

Sa isang maliit na nayon sa may dalampasigan ng Maragondon, may isang sakiting babaeng tuta na laging kinukutya ng mga asong kalye, maging ng mga ligaw na hayop sa kalsada.

Si Melay ay bunga ng palahi sa malaking bahay na bato na pag-aari ng mga Severino. Ang kanyang ama ay isang asong alano, at ang kanyang ina naman ay purong asong malamute.

Ang kanyang amang alano ang siyang bantay sa bahay na bato, at ang kanyang inang malamute naman ang paboritong alaga ng mga apo sa loob ng pamilyang Severino.

Limang magkakapatid na tuta sina Melay. Ang apat ay naipamahagi na sa mga pinsan ng pamilya, at dahil sa payat na pangangatawa’t katawa-tawang itsura nito, hindi na ito ipinamigay at hinayaan na lamang itong mamalagi sa labas ng bahay na bato at lumaki sa kalsada kasama ng mga hayop na gala.

Sa paglipas ng mga panahon, nangarap din si Melay na maging tulad ng kanyang amang alano—matapang, matalino, masipag, palakaibigan, at lubos na masunurin; pinalaki bilang mandirigmang aso at sanay na magpastol.

Pinangarap din ni Melay na makuha ang ilang katangian ng kanyang ina, sa kabila ng mabigat na itsura nito, ang kanyang inang malamute ay isang napaka-palakaibigan at mapagmahal na aso; matapat, matalino, dedikado sa trabaho, at masayahin sa buhay.

Tulad ng ibang mga asong bunga ng palahi, lumaki siyang naiilang sa karamihan, kakaiba’t walang tunay na pagkakakilanlan, at tila tinalikdan ng kinabukasan.

Ni minsan ay hindi rin naging maganda ang pakikitungo sa kanya ng mga kapwa aso. Lagi siyang pinagtatawanan, inaapi, at kadalasa’y kinakantyawan sa pagiging mestisang-hilaw nito.

Ngunit paano kung nagkaroon ka ng pagkakataong ipakita sa lahat kung sino ka talaga, at kung ano ang maaari mong maging balang araw? Ito ang palaging nasa isip ni Melay.

Kung kaya, pinuntahan niya ang kanyang amang alano at kinausap ito nang masinsinan.

Ikinuwento niya muna ang kanyang mga karanasan sa kalsada, paano siya pinakikutunguhan ng ibang mga aso, at kung ano ang buhay sa labas ng bahay na bato, at kung paano makipagsapalaran. Kaya, nang sa wakas ay nagkaroon siya ng lakas ng loob na sabihin sa kanyang ama ang tungkol sa kanyang planong maging mandirigmang aso, tinitigan lamang siya ng matandang alano at ang tanging sabi ay: “Gutom lang ‘yan, anak.”

“Ama, gusto ko po talagang maging mandirigma katulad ng mga ninuno ninyo—ang maging sundalong aso,” masayang banggit ni Melay.

“Anak, hindi bagay sa isang babaeng tulad mo ang maging sundalo. Hindi biro ang pagsasanay sa pakikipaglaban na tanging mga lalakeng aso lamang ang may kakayahan bilang mga tagapag-amoy ng mina, tagapagmanman, tagapag-bantay, tagapag-sagip, tagapagbigay-lunas, at tagapag-subaybay. Buhay man silang bumalik mula sa pakikidigma, durog naman ang puso’t isip nila. Ikinalulungkot ko, ngunit hindi ko hahayaan ang buhay ng aking anak na gamitin at pakinabangan ng tao kapalit ng gintong medalya,” paliwanag ng amang alano.

Nalaman ng kanyang inang malamute ang plano ni Melay kung kaya’t kinausap niya ang kanyang anak: “Nabalitaan ko sa iyong ama na nais mong maging sundalo. Papayagan ka namin, ngunit sa isang kondisyon,” madiin na salita ng matandang malamute.

“Ano po ‘yun, Ina?” tanong ni Melay na may halong kaba at saya, ngunit mas nananaig ang kanyang pangamba kaysa sa dungaw ng pag-asa.

“Napagkasunduan namin ng iyong ama na lalahok ka sa isang patimpalak sa pagandahan. Tradisyon na sa mga Severino na ilaban sa kompetisyon ang mga alagang aso nito. Lahat ng magagandang lahi dito sa bahay na bato ay lumalahok taon-taon at wala pa ni isang aso nila ang umuwing walang tropeo’t parangal. Kami man ng iyong ama ay maraming natanggap na parangal at medalya noong kapanahunan namin,” pangiti-ngiting kwento ng ina, “…at kung papalarin kang manalo, ipagkakaloob namin sa iyo ang aming basbas na ipagpatuloy mo ang iyong pangarap na maging sundalo.”

“Ang problema po’y salat ako sa mga pisikal na katangian na sadyang likas sa mga asong-bahay. Sila’y magaganda’t nakakatuwa, samantalang ako po’y madungis, mabaho, at laking-kalye—paano ako maisasaalang-alang sa patimpalak kung ako’y tinakasan ng kagandahan? Alam ko sa aking sarili na hindi ako mananalo, at dahil diyan, para na rin po ninyong binasag ang aking mga pangarap,” maluha-luhang paglahad ni Melay.

“Buo na ang aming pasya. Lalahok ka sa isang buwan sa patimpalak sa bayan. At kung mapapatunayan mo na kaya mong maging isang kaaya-aya’t mabikas na babae sa pamamagitan ng pagkapanalo, kung magkagayon, ay papayagan ka naming magsanay bilang sundalo,” ani ng ina.

At lumapit ang amang alano at nagsalita: “Napag-usapan na namin ng iyong ina ang tungkol sa iyong plano. Ngunit tulad ng sinabi ko nang makailang beses, kailangan mong maging matapang, buo ang loob, may tiwala sa sarili, at may paninindigan. napakabata mo pa at marami kang dapat matutunan.”

“Pumapayag ka ba sa aming kondisyon?” tanong ng inang malamute.

“Opo, pumapayag ako,” buong loob na sabi ni Melay.

Agad-agad, sinimulan ng mag-ina ang pagsasanay bilang paghahanda para sa patimpalak sa pagandahan. Nagpunta sila sa salon para ipaayos ang balahibo at mga kuko ni Melay, binawasan ang mga kilay, kinapalan ang pilikmata, pinaliguan, nilagyan ng pabango, nagsukat ng ilang damit, at lahat ng bagay na di pa niya naranasan tulad ng mga ginagawa sa mga alagang aso.

Nang dumating na ang araw na pinakahinintay, sinadyang inilista ng inang malamute si Melay bilang kalahok ng pamilyang Alcocer. Alam ng malamute na kalahok din ang ilang mga alagang aso ng mga Severino, ngunit kailangan nilang itago si Melay sa likod ng hindi kilalang padrino.

Sa loob ng silid kung saan tinipon ang mga kalahok, nakilala ni Melay ang apat na aso na malimit siyang kutyain sa labas ng simbahan tuwing araw ng Linggo matapos ang misa. Si Arely, si Zia, si Xiomara, at si Sara.

Si Sara, may lahing teryer mula Australya. Si Zia, ay isang lahing setter. Si Arely ay isang dogo argentino, at si Xiomara naman ay isang wetterhun—lahat sila ay pinalaki bilang tagapagbantay ngunit sa kalauna’y binihisan para ipakilala bilang modelo ng isang sikat na kompanya ng pakain sa aso. Sumali na ang mga ito mula noong dalawa o limang taong gulang pa lang pero magpahanggang ngayon ay hirap ang apat makauwi ng kahit laso man lang.

Biglang nanumbalik kay Melay ang mga panahon kung kailan siya sinisinghalan ni Xiomara tuwing dadaan ito sa kalye ng Ortega pagkagaling ng simbahan.

Si Xiomara ang kinakatakutan ng lahat dahil marahas ang ugali nito at matapang. Kilala ito sa pagiging matigas ang ulo hanggang sa punto na tumatanggi ito na sundin ang mga utos ng kanyang amo.

“O, sadyang mapagbiro nga talaga ang tadhana. Tingnan ninyo kung sino ang kasama natin dito—ang may mabahong hininga, pangit, nakakadiri, at may kilay-lalaking si Melay. Sino ang iyong padrino? At ang lakas naman ng loob mong sumali rito,” palibak na sabi ni Xiomara.

(Abangan bukas ang susunod na kabanata)


PAGTATATWA:

Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.

At para sa kapayapaan ng mundo, walang hayop ang nasaktan sa pagsulat ng artikulong ito.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]