MAKALIPAS ang ilang araw sa loob ng kulungan, ipinatawag ng tribunal ang anak ng hardinero upang
hatulan. Nagpasya ang tribunal na hatulan siya ng kamatayan—maliban lamang kung mahuhuli niya angisang kabayong apalosa na butik-butik ang balat. At kung madala niya ito, siya’y patatawarin at ibibigay sa kanya ang gintong ibon.
Pansamantalang nabigyan ng kalayaan, ang bunsong anak ng hardinero ay muling nagpatuloy sa kanyang paglalakbay.
Dala ang pagsisisi sa nangyari, napabuntong-hininga ang binata, at napaiyak na lamang ito sa matinding
kawalan ng pag-asa.
Habang pilit na pinipigil ang kanyang paghagulgol, biglang nagpakita ang soro, at sinabi: “Tingnan mo ang nangyari dahil sa hindi mo pakikinig sa aking payo… Gayunpaman, ibabahagi ko pa rin sa iyo kung paano mahahanap ang apalosang kabayo—kung ipapangako mong gagawin mo ang ipinag-uutos ko sa iyo.”
READ PART 1: https://pinoypubliko.com/arts/ang-binata-at-ang-soro-part-1/
Sumang-ayon ang binata sa ibinigay na kondisyon ng soro.
Wika ng soro: “Ituloy mo ang iyong paglalakbay hanggang sa makarating ka sa ibayong kaharian. Doon makikita mo ang isang Kastilyong Itim kung saan naroroon ang apalosang kabayo sa loob ng kanyang
kuwadra. Sa tabi ng kabayo, makikita mo ang isang nakahigang lalaki na mahimbing na natutulog at humihilik. Ang lalaking iyong makikita ang siyang bantay doon, at ang panali ng kabayo ay nakakabit sa
sinturon ng lalaki. Marahan mong tanggalin ang panali upang mapakawalan ang kabayo—ngunit tiyakin mong ilagay ang lumang sintaderang balat sa likod nito, at hindi yaong bagong katad malapit dito.”
Matapos ang kanilang pag-uusap, iniunat muli ng soro ang kanyang buntot, naupo ang binata, at tumalon
sila sa ibabaw ng mga bulubunduking bato hanggang sa sumipol ang kanilang buhok sa hangin.
Ang lahat nama’y naging maayos. At nakita ng binata na ang isang kamay ng lalaki na nakahawak sa bagong katad.
Ngunit nang makita ng binata ang kabayong apalosa, naawa siya sa kalagayan nito—tila preso sa sariling kwadra, at mararamdaman ang ihip ng kalungkutan sa hangin.
Kaya, naisipan ng binata na palitan ang lumang sintaderang balat, at inilagay ang bagong katad sa likod
nito.
Habang iniaayos niya ang bagong katad ay nagising ang lalaki at sumigaw ng napakalakas.
Ang lahat ng mga bantay sa Kastilyong Itim ay tumakbo papunta ng kwadra, hanggang sa nahuli ang binata.
Kinaumagahan, iniharap ang bunsong anak ng hardinero sa hukuman upang hatulan. At kamatayan ang
kanyang naging sentensya.
Ikinuwento ng binata ang dahilan kung bakit siya napadpad sa Kastilyong Itim, at nagmamakaawa itong bigyan siya ng isa pang pagkakataon para ituwid ang anumang pagkakamali.
Ngunit napagkasunduan sa hukuman, na kung makakahanap siya ng isang prinsesang ipapakasal sa anak ng hari, babawiin ang kanyang sentensya, at ibibigay sa kanya ang apalosang kabayo.
Muling naglakbay ang binata na mayroong lungkot—ngunit muling nagpakita ang soro at galit na nanumbat.
“Bakit hindi mo ako pinakinggan? Kung sinunod mo lamang ang aking payo, sana’y nadala mo na ang kabayong apalosa at maging ang gintong ibon. Gayon ma’y papayuhan kitang muli: Ipagpatuloy mo ang iyong paglalakbay, at sa gabi ay mararating mo ang isang Kastilyong Rosas. Tuwing hatinggabi, ang prinsesa ay nagbababad sa paliguan… lapitan mo siya at bigyan mo ng isang matamis na halik sa labi.
Siya’y magpapaubaya at sasama sa iyo. Ngunit mag-ingat ka— huwag mong hayaan siyang magpaalam sa kanyang ama’t ina,” babala ng soro.
At pagkaraan ng ilang sandali matapos ang kanilang pag-uusap, iniunat muli ng soro ang kanyang buntot, naupo ang binata, at tumalon sila sa ibabaw ng mga bulubunduking bato hanggang sa sumipol ang kanilang buhok sa hangin.
Pagdating niya sa Kastilyong Rosas, tulad ng sinabi ng soro, nakita niya ang prinsesa patungo sa paliguan. Nilapitan niya ito at binigyan isang napakatamis na halik sa labi. Nagpaubaya ang prinsesa, at pumayag itong tumakas kasama ang binata—ngunit nakiusap ito na siya’y magpapaalam muna sa kanyang amang hari at inang reyna.
Tumanggi ang binata sa kahilingan ng prinsesa, ngunit ito’y umiyak hanggang sa yumuko’t lumuhod sa kanyang paanan ng nagmamakaawa. Sa labis na pag-iyak ng prinsesa, nakaramdam ng awa ang binata at pinayagan na lamang niya ang dalaga na bumalik sa Kastilyong Rosas.
Ngunit nang dumating sila ng prinsesa sa palasyo, nagising ang mga guwardiya at muling nabilanggo ang binata.
Nang magkagayon nga ay ihinaharap ang binata sa hari, at sinabi ng hari, “Hinding-hindi mo makukuha ang aking anak maliban lamang kung—sa loob ng walong araw—iyong mapapatag ang burol sa harap na aking bintana na siyang humaharang sa aking tanawin.”
Ang burol na ito ay napakalaki na kahit ang ilang pulutong ng mga kawal ay hindi ito kayang patagin.
Sa loob ng pitong araw, kakapiranggot lamang ang nagawa ng binata.
Noong gabing iyon, nagpakita sa kanya ang soro at nagwika: “Magpahinga at matulog ka muna, Kaibigan. Hayaan mo akong gumawa ng paraan para patagin ang burol.”
Kinaumagahan, nagising ang binata na wala na ang burol. Kung kaya’t masaya siyang bumalik sa palasyo para sunduin ang prinsesa.
Dahil nangako ang hari, kailangan niyang tuparin ang kanyang salita—at nagsimulang maglakbay ang binata at ang prinsesa patungo sa Kastilyong Itim.
Muling nagpakita ang soro at sinabi sa binata: “Kung susundin mo ang aking mga payo, mapapasaiyo ang prinsesa, ang apalosang kabayo at ang gintong ibon.”
“Ah!” buntong-hininga ng binata, “napakagandang balita kung magkagayon man, ngunit paano ‘yan mangyayari?”
“Kaibigan, kailangan mo lamang makinig at sundin ang aking mga ibinigay na payo—at mangyayari angmga iyan!” ani ng soro.
Dagdag pa nito: “Kapag nakaharap mo na ang hari ng Kastilyong Itim, at kanyang hinanap ang prinsesa para ipakasal sa kanyang anak, sabihin mong, ‘Narito siya!’ Kung magkagayo’y ang hari’y tunay na magagalak, at kanyang ibibigay sa iyo ang ipinangakong apalosang kabayo… Pagkatapos ay iabot mo ang iyong kamay upang magpaalam sa kanila, nguni’t huli kang makipagkamay sa prinsesa. Hawakan mo ng mahigpit ang kanyang kamay at isakay mo siya sa kabayo. Huwag ka nang mag-aksaya ng panahon at agad ninyong lisanin ang Kastilyong Itim.”
Naging maayos ang lahat ayon sa plano, at muling nagwika ang soro: “Pagdating mo sa Kastilyong Asul kung saan naroroon ang gintong ibon, aking sasamahan ang prinsesa sa labas ng pultahan. Ikaw aymakikipagkita sa hari sakay ng kabayo.”
Patuloy nito: “At kapag kanyang nakita na matagumpay mong nahuli ang apalosang kabayo, ibabalik ng hari ang sampung gintong mansanas, at dadalhin niya sa iyo ang gintong ibon. Ngunit manatili kang nakasakay sa kabayo, at sabihin mo na nais mong tingnan ang ibon kung ito nga ang tunay na may ginuntuang balahibo. Kapag iyong nahawakan ang hawla ng gintong ibon, agad mong ipatong ito sa ibabaw ng sintadera; huwag ka nang mag-aksaya ng panahon at agad ninyong lisanin ng prinsesa ang Kastilyon Asul.”
Ang lahat nama’y naging maayos at nangyari ayon sa plano.
Matapos ang ilang araw ng paglalakbay, nagpakita muli ang soro sa binata.
“Kaibigan, kailangan mo akong patayin. Putulin mo ang aking mga paa, at pugutan mo ako ng ulo,” malungkot na wika ng soro.
Nguni’t tumanggi ang binata na gawin ito.
Kaya’t sinabi ng soro, “Mapaanuman ay bibigyan kita ng payo—mag-ingat ka sa dalawang bagay: huwag mong tutubusin ang sinumang nakatakdang bibitayin, at huwag kang mamahinga sa tabi ng ilog.”
At tuluyan nang lumisan ang soro.
Napaisip ang binata, “Hindi naman mahirap sundin ang payo ng soro.”
Nagpatuloy ang kanilang paglalakbay ng prinsesa hanggang sa nakarating sila sa nayon kung saan naiwan ang kanyang dalawang kapatid.
Habang papalapit na sila sa kabihasnan ay nakarinig sila ng malalakas na sigaw. Dahil sa kaguluhan, nagtanong ang binata kung ano ang nangyayari.
“Dalawang tulisan ang bibitayin!” sigaw ng mga miron.
Habang papalapit sila, napansin ng binata na ang dalawang lalaking bibitayin ay kanyang mga kapatid.
At muli siyang nagtanong sa mga miron na naroroon: “Hindi ba sila maililigtas sa anumang paraan?”
Ngunit ang mga tao ay sumigaw ng dumadagundong “Hindi!”—maliban lamang kung mayroon siyang ibibigay na sampung gintong mansanas para bilhin ang kalayaan ng dalawang nahatulan ng bitay.
Hindi na nagdalawang-isip pa ang binata at kanyang isinuko ang mga gintong mansanas kapalit ng paglaya ng kanyang mga kapatid.
Matapos ang naging palitan, sumama sa kanila ang kanyang dalawang kapatid pabalik ng Kastilyong Puti.
Pagdating sa kakahuyan kung saan unang nakilala ng magkakapatid ang soro, nakaramdam ang panganay na anak ng hardinero ng pagkahapo.
“Tara, magpahinga muna tayo ng sandali at maupo sa tabing ilog. Maghanap din tayo ng prutas o kahit anong makakain upang maibsan ang ating gutom,” ani ng pangalawang kapatid.
Ang bunsong kapatid ay nakalimutan na ang payo ng soro at sumang -ayon ito sa kanyang kapatid na magpahinga sandali sa tabing-ilog—ni hindi sumagi sa kanyang isip na ang kanyang dalawang kapatid ay mayroon palang madilim na motibo.
Walang bahid ng pagdududa’t paghihinala sa maitim na balak ng kanyang mga kapatid, naupo ang binata sa pampang, at mula sa kanyang likuran, isang malaking sanga ng kahoy ang humampas sa kanyang ulo hanggang siya’y nawalan ng malay.
Dali-daling kinuha ng dalawang kapatid ang prinsesa at gintong ibon at isinakay sa kabayo pabalik ng Kastilyong Puti.
“Mahal na Hari,” wika ng dalawang magkapatid, “ang lahat ng ito’y bunga ng aming sakripisyo’t pagpupunyagi. Ibinuwis namin ang aming mga buhay para lamang mapagtagumpayan ang lahat ng mga hamon sa aming misyon.”
At ang lahat ay nagdiwang sa Kastilyong Puti—ngunit ang kabayo ay hindi kumakain; ang ibon ay hindi umaawit; at ang prinsesa ay hindi maawat sa pag-iyak.
Makalipas ang ilang araw sa tabing-ilog, unti-unting bumalik ang lakas ng bunsong anak ng hardinero. Sa kabutihang-palad, mababaw lamang ang bangin kung saan siya itinapon ng kanyang dalawang kapatid, at ang ilog ay halos tuyo na.
At nagpakita muli sa kanya ang soro, at pinagalitan ang binata dahil sa hindi pagsunod nito kanyang payo.
“Tsk, tsk, tsk… Kung nakinig ka lang sana, walang masamang mangyayari saiyo,” pailing-iling na sabi ng soro, “gayunpaman, hindi kita kayang tiisin at iwanan dito—kaya hawakan mo ang aking buntot at kumapit nang mahigpit.”
Nang magkagayo’y hinila ng soro palabas ng ilog ang binata, at sinabi sa kaniya habang papaahon ng pampang, “Papatayin ka ng iyong mga kapatid sakaling makita ka sa lugar ng Kastilyong Puti.”
Kaya’t nagbihis ang binata na parang isang dugyuting manlilimos, at pumasok ng lihim sa loob ng Kastilyong Puti.
At nang makapasok ang binata sa pintuan ng palasyo, ang kabayo na apalosa ay nagsimulang kumain, at ang gintong ibon ay masayang umaawit, at ang prinsesa ay tumigil sa pag-iyak.
Naglakas-loob ang bunsong anak ng hardinero na harapin at kausapin ang hari, at kanyang isinalaysay ang buong nangyari, at maging ang pagtatraydor ng kanyang dalawang kapatid.
Nagalit ang hari at pinarusahan ng kamatayan ang dalawang taksil.
Ang prinsesa at ang binata ay ikinasal, at nang yumao ang hari, sila ang naging tagapagmana ng hardin kung saan naroroon ang puno ng mansanas na namumunga ng ginto.
Makaraan ang ilang taon, ang bunsong anak ng hardinero ay namasyal sa kakayuhan. Muling nagpakita ang soro at sinalubong siya nito ng may luhang nangingilid sa mga mata—nakikiusap na siya’y patayin, putulan ng mga paa, at pugutan ng ulo.
At sa huling pagkakataon ay tumalima ang lalaki na patayin ang soro, at sa isang iglap, ang soro ay naging tao—siya ang kapatid na lalaki ng prinsesa na nawawala ng maraming, maraming taon.
***
PAGTATATWA:
Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis naimahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhayman o patay, ay nagkataon lamang.
Ang pakikinig sa mga payo may dalang magandang resulta. Kapag nakikinig, palaging panatilihing bukas ang isipan. Huwag kailanman pagtakpan o subukang magpataw ng sarili mong mga solusyon—at huwag na huwag makinig sa pintas.
Ang pakikinig sa mga payo isang dagdag sa aral ng buhay dahil sa mundong puno ng napakaraming ingay, ang payo sa buhay ay naghahatid ng mas malaking mensahe. At iyon ay matutuklasan lamang kapag nakikinig ka.