Ang Ateista at Ang Leon

MAY isang lalaking nuknukan ng yabang. Kanyang itinuturing ang kanyang sarili bilang isang matatag na ateista—isang taong hindi naniniwala sa Diyos.

Walang anumang dami na pagkumbinsi ang makapagpapabago ng kanyang paninindigan at pag-iisip bilang ateista. Sinasabi niya na siya ay isang tao ng agham at lohika; kanyang pinagtatawana’t kinukutya ang anumang ideya na mayroong isang mas mataas na kapangyarihan sa mundo.

Naniniwala ang ateista na ang kalawakan ay resulta ng isang aksidente sa kosmiko, ang aniya’y “Malaking Pagsabog”, at ang buhay sa daigdig ay umunlad sa mga nagdaang milyun-milyong taon sa pamamagitan ng proseso ng likas na pagpili.

Isang araw, nagpasya ang ateista na maglakbay patungong Aprika para sa isang safari —sabik na kanyang masaksihan mismo ang mga kamangha-manghang kalikasan.

Ginugol niya ang isang linggo sa paggalugad sa malalawak na tanawin, mga nakamamanghang magkakaibang hanay ng mga halaman at hayop na umunlad sa milyun-milyong taon.

Habang naglalakad siya sa tabing-ilog, may narinig siyang kaluskos mula sa likuran.

Paglingon niya, lumukso ang kanyang puso sa kanyang lalamunan nang makita niya ang isang napakalaking leon na sumusugod sa kanya.

Ang kanyang mga paa ay agad na napaigtad at kumaripas ng takbo, ang kanyang hininga ay tila naghahabol ng bagyo. Napasulyap siya sa kanyang balikat, lalong tumitindi ang kanyang takot nang makitang lumalapit sa kanya ang leon.

Biglang natapilok at natumba ang ateista, bumagsak siya sa matigas na lupa. Pinilit niyang tumayo, ngunit ang leon ay halos katapat na ng kanyang mukha, ang mga panga nito ay nakahandang siya’y sagpangin at ngatngatin.

Sa isang sandali ng desperasyon, ang ateista ay napasigaw, “O Diyos ko, tulungan mo po ako!”

Sa isang iglap, biglang tumigil ang oras. Ang leon ay huminto sa kalagitnaan, ang mga kalamnan nito ay naninigas. Natahimik ang gubat, pati ang banayad na pag-agos ng ilog ay tumigil.

Isang nakabubulag na liwanag ang bumaba mula sa langit, at isang tinig ang bumagsak mula sa itaas.

“Ginugol mo ang lahat ng mga taon na itinatanggi ang aking kapangyarihan,” sabi ng tinig na umalingawngaw.

“Iyong ipinapahayag na walang Diyos, at iyong ipinipilit na ang mundo at kalawakan ay likha ng isang aksidente lamang. Matapos ang lahat ng iyong pag-insulto sa aking kapangyarihan, inaasahan mo akong tutulungan kita? Ibig mo bang sabihin ay naniniwala ka na, at buo na ang iyong pananampalataya?” tanong ng boses mula sa langit.

Nanginginig pa rin sa takot ang ateista. Nanlalaki ang mga mata nito at hindi makapaniwala sa kanyang nasaksihan.

Pero bigla itong nagkaroon ng lakas ng loob at tumingin nang diretso sa nagniningning na liwanag at sumagot: “Ako’y mapapahiya at kukutyain ng mga tao kapag sinabi kong ako’y nakasaksi ng isang milagro. Pagtatawanan nila ako oras na malaman nilang ako’y biglang yumakap sa pananampalataya. Ipagpaumanhin po Ninyo, ngunit marahil ay mas mainam po kung ang leon na lamang ang gawin Ninyong Kristiyano,” sambit nito.

Ang boses ay tumigil saglit, pagkatapos ay tumugon: “Mabuti, kung gayon.”

At kaagad ay nawala ang liwanag, nagpatuloy ang pag-agos ng ilog, at bumalik ang mga tunog ng gubat.

Biglang bumait at umamo ang leon. Ibinaba nito ang kanang paa, ipinagdikit ang magkabilang paa, at iniyuko ang ulo.

Nakahinga nang maluwag ang ateista nang makitang ngumiti sa kanya ang leon. Halos himatayin siya sa takot nang sunggaban siya kanina nito.

Kakaibang ngiti ang ibinigay ng leon sa ateista. Kanina’y napakabangis, ngayo’y maaaninag sa mukha nito ang kagalakan.

Muling tumingin at ngumiti ang leon sa lalaki—huminga ito ng malalim, umusal ng dasal at taimtim na nanalangin.

“Panginoon, alam kong ako’y isang napakababang nilalang lamang dito sa kagubatan at hindi karapat-dapat na tumanggap ng iyong pagkaing kaloob, ngunit ako’y lubos na nagpapasalamat sa ulam at napakasarap na karneng nasa harap ko na sisimulan ko nang ituob.”

PAGTATATWA:

Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang.

Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.Ang aral ng kuwento ay na kahit ang pinaka-masigasig na ateista ay maaaring magpakumbaba ng isang pambihirang karanasan.

Ang lalaki sa kuwento ay nanunuya sa ideya ng isang mas mataas na kapangyarihan. Gayunpaman, nang mapaharap siya sa isang mabangis na leon, humingi siya ng tulong sa Diyos.

Sa sandaling iyon ng desperasyon, handa siyang isantabi ang kanyang mga paniniwala at humingi ng tulong sa isang bagay na hindi man lang niya pinaniniwalaan.

Itinuturo din sa atin na kahit ang mga taong may pag-aalinlangan ay maaaring maging bukas sa posibilidad ng isang bagay na mas malaki kaysa sa kanilang sarili.

Itinuturo din nito sa atin na hindi tayo dapat matakot na humingi ng tulong, kahit na nangangahulugan ito ng pagsalungat sa ating sariling mga paniniwala.Walang nakakaalam kung tinuluyang ulamin ng leon ang ateista.