SA korte-militar na pinamumunuan ng mga Kastila, ang paglilitis ay humantong sa paghatol batay sa mga paratang ng paghihimagsik, sedisyon, at pagsasabwatan upang pabagsakin ang Pamahalaang Kolonyal ng Espanya.
Habang papalapit ang mga natitirang araw ng 1896, ang kapalaran ng aking Amo ay mas lalong lumilinaw—Disyembre 30, ang nalalapit na araw ng kanyang pagbitay.
Ang kanyang mga huling araw sa Fuerte de Santiago ay inilaan niya sa pagtanggap ng mga bisita partikular ang kanyang pamilya. Nitong mga panahon din ay kanyang isinulat ang kanyang liham ng paalam.
Nang bisitahin siya ng kanyang mga babaeng kapatid sa Fuerte, nagdesisyon ang Maestro na ipamana sa kanyang kapatid na si Trinidad ang isang kalan ng alkohol, sabay bulong sa Ingles sa kanyang kapatid upang matiyak na walang naiintindihan ang mga guwardiya sibil.
Sa loob ng kalan ay isang nakatagong tula, isang obra maestra na isinulat sa eleganteng Espanyol, isang patotoo ng pagmamahal ng aking Amo sa kanyang bayang tinubuan.
Read: https://pinoypubliko.com/commentary/ang-askal-sa-bagumbayan/
Pinagmasdan ko si Trinidad na may luha sa kanyang mga mata. Kanyang tinanggap ang kalan—walang kamalay-malay na sa loob nito ay isang bagay na mas mahalaga pa sa anumang kayamanan—ang Huling Paalam ng aking Maestro—ang tula ng despedida ay nakatago sa likod ng tabing ng kalungkutan.
Totoo, maaaring ako ay isang hamak na aso lamang, ngunit kilala ko ang aking Amo mula pa noong 1892 —ang panahong nakasama ko siya mula nang napadpad siya sa Dapitan.
Besperas bago magpalit ang taon, ginugol ng Maestro ang kanyang mga huling oras sa kanyang selda kasama ako.
“Mi último adiós,” aniya, habang sinusulat ang bawat malulungkot na talata.
Pinakinggan kong mabuti ang mga bulong ng aking Amo, pilit na inire-rehistro ang bawat detalye ng eksenang iyon sa aking alaala.
“Usman, samahan mo si Trinidad. Huwag mong hahayaang mapawalay ang kalan, at tiyakin mong ligtas ang aking kapatid. At, kung maaari, subukan mong hanapin sa bawat silid sa Fuerte ang aking manifesto,” pabulong niyang sabi.
Dumikit ako palapit sa kanya na may kabigatan ng puso. Nais kong ipadama sa kanya na naririto lamang akong nakabantay sa kanyang tabi—at sa tatlong taimtim na tahol, nanumpa akong tuparin ang kanyang mga hiling, kahit na ito’y nangangahulugan ng isang mapanganib na misyon sa loob ng Fuerte de Santiago.
Kahit gaano ko man kasinsin halughugin ang buong kuta, nabigo akong hanapin ang manifesto.
Napakabigat din para sa akin na ako’y nabigong tuparin ang pangako ko sa aking Maestro.
Ang umaga ng Disyembre 30, 1896, ay pinalamig ng ihip ng hangin mula sa bahia.
Ang aking Amo, napapalibutan ng mga sundalong Pilipino at Kastila, ay tinahak ang tarundon patungo sa Bagumbayan at kasabay din ng kanyang bawat yapak ang pagsipol ng ginaw na tila ponebreng itinutugtog sa huling paglalakbay ng kanyang buhay.
Ngunit nang madaanan namin ang mga guwardiya sibil, isang Kastilang sundalo ang sa akin ay sumipa.
Napaatras ako sa takot.
Gayunpaman, kahit bahag man ang aking buntot sa pagkasindak ay bumalik ako sa tabi ng aking Amo ng walang pag-aalinglangang harapin ang anumang maaaring panganib na naghihintay.
Habang nakatayo ang Maestro, kataka-takang naging tahimik at mapayapa ang kapaligiran. Dahan-dahan niyang iginalaw ang kanyang ulo, gumagalaw ang mga labi at tahimik na nanalangin.
Muling nabasag ang katahimikan nang itinaas ng walong Pilipinong sundalo ang kanilang mga riple at isang Kastilang opisyal ang sumigaw.
“Preparen… Apunten… Fuego!”
Dumagundong ang langit sa putok ng mga baril. Umindayog ang katawan ng aking Amo, at bumagsak siya sa lupa nang nakaharap sa bahia.
Napatahol ako ng malakas—kasabay sa palahaw ang aking pag-iyak.
Aking nasaksihan ang pagbagsak ng Maestro. Sa kanyang mga huling hininga, ibinaling niya ang kanyang mukha sa langit—nakatitig sa nakakasilaw na ng araw.
Habang nakamasid sa pagitan ng mga nakahanay na guwardiya sibil, lumabas ako at tumatakbo diretso sa walang buhay na katawan ng aking Amo.
Tumatahol, umuungol, umiiyak sa lungkot—ang aking boses ay umanib sa huni ng kalungkutan na bumabalot sa Bagumbayan.
Isang oficial medico ang lumapit at lumuhod sa tabi ng aking Amo, pinakikiramdaman ang pulso. At sa aking kinatatayuan, nakita ko ang isang miyembro ng pelotón de fusilamiento na humakbang para tapusin ang paghihirap ng aking Amo sa pamamagitan ng “Tiro de Gracia”—ang huling pagbaril.
Muli akong tumahol. Nanlabo ang aking paningin dahil sa luha. Tila may nakita akong manipis na usok mula sa amerikana ng Maestro—ang huling hininga, ang kanyang pabulong na pamamaalam.
Ngunit wala akong magawa para tulungan siya—nakahiga lamang ng walang buhay sa mahamog na damo, naliligo sa araw ng umaga.
Sa mga sandaling iyon, mahirap unawain ang mga pangyayari.
Hindi sumagi sa aking isipan na ako’y naging saksi sa pambihirang buhay at kamatayan ng isang taong magiging simbolo ng pakikibaka. Isang mabuting tao na ang tanging minimithi ay kalayaan ng kanyang Inang Bayan.
Nagkaroon ako ng pribilehiyong masaksihan ang pambihirang buhay at kamatayan ng isang Bayani.
Isang tao na panulat ang gamit para baguhin ang landas ng kasaysayan.
***
PAGTATATWA:
Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.
Si Usman ay isang mahalagang saksi sa kasaysayan. Ang kuwentong ito ay nagpapaalala sa atin na ang mga makasaysayang pangyayari ay hindi lamang hinuhubog ng mga kilalang tao, kundi pati na rin ng sama-samang pagkilos ng mga indibidwal at maging ng mga hayop. Binibigyang-diin nito ang kahalagahan ng pagkilala sa lahat ng nag-aambag sa mahahalagang sandali sa kasaysayan.
Sa kabuuan, ang kuwento nina Usman at Jose Rizal ay nagtuturo sa atin tungkol sa kapangyarihan ng mga salita, ang paghahangad ng katarungan, ang mga kahihinatnan ng pagsupil sa katotohanan, ang walang pag-iimbot na sakripisyo, at ang mahalagang papel ng mga saksi sa paghubog ng kasaysayan.
Hinihikayat tayo ng kuwento na pagnilayan ang mga aral na ito at ang kaugnayan nito sa ating sariling buhay at sa mas malawak na konteksto ng panlipunan at pampulitikang pakikibaka para sa katarungan at kalayaan.