Ang Apat na Buyon

SA kabila ng kung paano sila karaniwang inilalarawan, ang mga baboy ay talagang likas na malilinis na hayop. Mahirap man paniwalaan, pero mas gusto nilang manahan sa malinis at di makalat na lugar.

Sa isa sa mga pinaka-modernong hacienda sa lalawigan ng Bulakan, may apat na magkakaibigang biik na buyon (potbelly pig).

Ipinag-aaral sila ng kanilang mga inahing baboy upang balang araw ay hindi nila maranasan ang kapalaran na sinapit ng ibang mga baboy na ibinebenta sa palengke.

Ang apat na buyon ay naging matalik na magkakaibigan at nangakong susuportahan ang isa’t isa, at ang bawat isa ay nangakong susuportahan kung anuman ang napagpasyahan ng karamihan.

Sa paglipas ng mga buwan, nakabuo sila ng mantra: “Isa para sa lahat, lahat para sa isa”.

Si Otis, siya ang pinakamatalinong biik sa apat na magkakaibigan—magaling sa isports at akademika, kaya naman ipinagmamalaki siya ng kanyang mga magulang at mga guro.

Dahil pinalaki sa pagkaing pellets, si Otis ay sinasabing mas matalino kaysa sa mga alagang aso sa bahay. Sa kabila ng kanyang talino, siya ay madaling mauto.

Si Hugo naman ay kilala sa kanyang magiliw na disposisyon. Bilang isang baboy na lumaki sa bahay, siya ay napakapalakaibigan at matamis magsalita. Si Hugo ang pilyong baboy.

May dalawa pang biik na buyon, sina Waldo at Kiera.

Si Waldo ang tamad na baboy—sadyang may kabigatan dala ng kanyang katabaan. Ang kanyang hilig ay ang humilata at magpakamot sa kanyang likod o magpamasahe sa kanyang tiyan.

Si Kiera ang nag-iisang babae sa kanilang apat. Masayahin, magaling kumanta at sumayaw, at may mabangong amoy na tila sinangag na pinipig.

Isang araw, ipinaalam ng kanilang guro sa buong klase na mayroong pagsusulit sa susunod na araw.

“Bibigyan ko kayo ng pagsusulit sa paksang pangkasaysayan. Kaya inaasahan kong maghahanda ang lahat para sa mahalagang pagsusulit na ito. Tandaan, ang sinumang makakuha ng mababang marka ay ikakarga sa trak at ililibot sa palengkeng bayan,” paliwanang ng guro sa buong klase.

Pagkarinig nito, natakot ang apat na magkakaibigan.

“Ibang klase manakot ang aming guro. Bukas, darating akong handa para sa pagsusulit,” sabi ni Otis sa kanyang sarili.

Pagkalabas ng eskwela, dumiretso si Otis sa bahay at sinimulang mag-aral.

Habang nag-aaral ito ay dumating sina Hugo at Waldo at dumiretso sa silid ni Otis.

“Hugo, Waldo—anong ginagawa ninyo rito?” tanong ni Otis na may halong pagtataka. “‘Di ba kayo mag-aaral para sa pagsusulit bukas?”

“Nandito kami para yayain kang sumama sa amin. Mayroong kasayahan sa bahay nina Kiera ngayong gabi, at isa ka sa mga espesyal na panauhin ng ating kaibigan,” pakindat na wika ni Waldo.

“Ngunit alam naman ninyong hindi ako makakapunta dahil kailangan ko pang mag-aral at tapusin ang pagbabasa ng dalawa pang kabanata. Mungkahi ko na mag-aral na lamang tayo para sa pagsusulit bukas kaysa dumalo sa kasayahan kina Kiera,” ani Otis.

“Alam na alam mo naman na kahit ilang beses kaming mag-aral eh bumabagsak pa rin kami sa mga pagsusulit. Kahit ilang oras kaming magbasa, wala ni isang talata kaming maalala. Ang pag-aaral ay isang walang saysay na ehersisyo. Mas gugustuhin pa naming kumain sa handaan kaysa mag-aksaya ng oras sa pag-aaral na walang patutunguhan,” ani Hugo.

“Matalino ka Otis,” dagdag na sabi ni Waldo. “Hindi mo na kailangan mag-aral. Bakit hindi ka sumama sa amin kina Kiera, at kalimutan muna natin ang pagsusulit.”

Kung kaya, noong gabing din ‘yun, ang apat na magkakaibigan ay nagpakasaya at tuluyan nang kinalimutan na mag-aral. Kinaumagahan ng pagsusulit, nakaisip si Otis ng plano.

Ginawa nilang marumi ang kanilang sarili sa putik, grasa, aspalto at iba’t ibang duming makikita sa kalsada.

Pagkatapos ay pumunta sila sa eskwelahan para kausapin ang kanilang guro. Kanilang ikinuwento na habang papasok na sila sa eskwelahan kaninang umaga, dinukot sila ng apat na mala-higanteng matador at isinakay sa isang malaking trak.

Habang umaandar ang kanilang sasakyan, biglang sumambulat ang isang gulong nito at nabalahaw sa tabi ng kalsada. Nagkataon na bumukas ang pinto sa likod ng trak kung kaya’t bigla silang tumalon at kasunod na nagsilundagan ang ibang mga baboy na sakay nito. Kung kaya pinilit pa rin nilang pumunta sa eskwelahan para ibalita sa guro. Dahil sindak pa rin sila sa nangyaring pagdukot at nanginginig sa takot, wala sila sa maayos na kalagayan para kumuha ng pagsusulit.

Nag-isip sandali ang kanilang guro at sinabing nauunawaan nito ang naging kalagayan nila. At bilang pagsasaalang-alang, ay bibigyan sila ng espesyal na pagsusulit pagkatapos ng tatlong araw.

Nagpasalamat ang apat at sinabing handa na silang kumuha ng pagsusulit sa araw na iyon.

Sa ikatlong araw, nagpakita ang apat na magkakaibigan sa kanilang guro.

Ani ng guro, dahil sa naging kakila-kilabot na karanasan nila, hindi na kailangan pang kumuha ng pagsusulit sa paksang pangkasaysayan. Sa halip, bibigyan na lamang sila ng dalawang simpleng katanungan sa kondisyon na kinakailangan nilang maupo ng magkakahiwalay na silid-aralan para tapusin ang pagsusulit.

Pumayag silang lahat dahil hindi na nila kailangan pang magpakatalino.

Ang ibinigay ng kanilang guro na pagsusulit ay binubuo lamang ng dalawang katanungan na may kabuuang 100 puntos:

1. Sino ang unang tumalon: (1 puntos)
2. Aling gulong ang sumambulat. Pumili ng isa: (99 puntos)

• Harap-Kanan
• Harap-Kaliwa
• Likod-Kanan
• Likod-Kaliwa




PAGTATATWA:

Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.

At para sa kapayapaan ng mundo, walang baboy ang nasaktan sa pagsulat ng artikulong ito.