NOONG araw, may isang maliit na lupain na pinamumunuan ng isang batang asong alsatan (german shepherd). Kanyang namana ang lupa nang pumanaw ang kanyang ina at ama.
Pagkaraan ng ilang buwan ng pamumuno sa parang, unti-unting nagsimula ang mga pagsubok—mga bagay na hindi pa niya handang harapin sa kanyang murang edad—walang ulan na dumating, ang tagtuyot ay nagdala ng taggutom, ang mga sakahan ay pinugaran ng mga peste, maraming mga hayop ang nagkasakit at nangamatay, at natuyo ang mga halaman. At sinundan pa ito ng isang nakakahawang sakit na naging sanhi ng pagkasawi ng maraming hayop.
Pagkalipas ng isang taon, nagsimulang bumuti ang mga sitwasyon sa parang. Ngunit bago pa mang tuluyang makabangon mula sa hagupit ng kalikasan, nilusob ang parang ng mga buwitre at lobo at kinamkam ang buong kaparangan.
Nakatakas ang batang alsatan. Binalak nitong puntahan ang kanyang kaibigan na isa ring alsatan na nagmamay-ari ng isang napakalawak na lupain.
Habang nasa daan, iniisip niya ang nakaraan. Siya ay ipinanganak at pinalaki upang mabuhay ng masagana at pakinabangan ang lupang ipinundar ng kanyang mga magulang, ngunit biglang nawalang parang bula ang lahat.
Naniniwala ang batang alsatan na may dala siyang malas kung kaya’t nangyari ang lahat ng ito.
Nang marating ng alsatan ang lugar ng kanyang kaibigan, hindi siya pinayagang makapasok ng mga tanod dahil sa kanyang madungis na hitsura. Nakailang beses siyang nakiusap at nagpakilala, pero walang ni isang naniwala sa kanya.
Minabuti ng batang alsatan na makipagsapalaran sa karatig bayan, at doo’y namasukan bilang asong palatahol sa peryahan. Pagkaraan ng ilang linggo, bumalik ang kanyang dating tikas at naisipang puntahang muli ang kanyang kaibigan. Sa pagkakataong ito, nakilala siya ng mga tanod at pinayagang makapasok.
Nang makaharap ang kanyang kaibigan, ikinuwento ng alsatan ang lahat ng nangyari sa kanya. Matapos marinig ang kanyang salaysay, inutusan ng kanyang kaibigang ang mga tanod na bigyan siya ng isang kawan ng isangdaang tupa.
Nagulat ang batang alsatan dahil hindi niya inaasahang tupa ang ibibigay sa kanya ng kaibigan bilang tulong. Ayaw niyang maging pastol. Subalit wala na siyang iba pang mapagpipilian, kaya tinanggap niya ang alok ng kaibigan.
Pagkaraan ng ilang buwan, habang pinapastol niya ang kanyang kawan, isang grupo ng mga lobo ang sumalakay at pinatay ang lahat ng tupa. Habang sinasalakay ng mga lobo ang mga tupa, tumakas ang batang alsatan at muling pumunta sa kanyang kaibigan at humingi ng tulong.
Nagbigay ang kaibigan ng limampung tupa. Ngunit muling nabigo siyang protektahan ang kanyang kawan mula sa mga lobo.
Sa pangatlong pagkakataon, nabigyan muli siya ng tupa, ngunit dalawampu’t lima na lamang.
Dito ay nakapag-isip at nagpasya ang batang alsatan: “Kung hindi ko poprotektahan ang aking kawan mula sa mga lobo, hindi na ako muling makakakuha ng anumang tulong mula sa aking kaibigan.”
Kaya, sinuri niya ang kanyang lugar at pinag-aralan niya kung anong oras umaatake ang mga lobo sa kanyang lugar. Nagdagdag siya ng mga matitibay na bakod at may mga kinausap siyang magbabantay sa paligid.
Patuloy niyang binabantayan ang lugar. Nakipag-usap sa iba pang mga asong pastol at patuloy na nag-aral kung paano mapaparami at mapapanatili ang mga kawan.
Pagkaraan ng isang taon, ang kanyang kawan ay lumaki at naging isang libong tupa.
Isang araw, dinalaw niya ang kanyang kaibigan at ipinaalam ang kanyang nagawa sa nakalipas na taon.
Matapos siyang marinig, inutusan ng kaibigan ang kanyang mga tanod upang kunin ang isang kasulatan na ipinagkakaloob sa batang alsatan ang isang malawak na parang sa kabilang ibayo.
Tinanong niya ang kanyang kaibigan, “Bakit hindi mo ako binigyan ng lupa noong una akong pumunta sa iyo para humingi ng tulong?”
Sumagot ang kaibigan, “Sa unang pagkakataon na lumapit ka sa akin para humingi ng tulong, ang iyong pag-iisip ay parang ipinanganak ka at pinalaki sa layaw, hindi ka sanay sa gawaing mabibigat, at ang tangi mong nais ay mabuhay ng masagana nang hindi naghihirap. Kung gusto mong umangat sa buhay, kailangan mong maranasan ang hirap ng buhay—at matututo sa mga kabiguan. Maaaring ipinanganak ka sa layaw at kasaganaan, ngunit hindi ka nagkaroon ng tamang edukasyon at pagsasanay upang pamunuan ang ipinamanang lupa sa iyo. Kaya, noong ibinigay ko sa iyo ang kawan ng isangdaang tupa, gusto kong matutunan mo kung paano pamahalaan at pamunuan sila.”
At nagsalita ang batang alsatan: “Maraming salamat sa iyo, Kaibigan… Ngayon, totoong handa na akong harapin ang mga pagsubok at hamon sa buhay.”
PAGTATATWA:
Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.
Ang pabulang ito ay muling pagsasalysay hango sa naging kwento ng isang panauhing tagapagsalita sa isang kolehiyo ilang taon na ang nakakaraan.