NAKAPASOK na sa Philippine Area of Responsibility ang typhoon Malakas alas-10 ng umaga nitong Martes, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).
Nauna nang naibalita na patitindihin ni Malakas si Agaton na ngayon ay isa na lamang low pressure area, ngunit lumikha ng matinding epekto nitong mga nakaraang araw sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao.
Ayon sa ulat, umabot na sa 30 ang nasawi dulot ng bagyong Agaton.
Samantala, Martes ng gabi hanggang Miyerkules ng madaling araw, matitinding pag-uulan ang mararanasan sa Eastern Visayas, Sorsogon, Masbate, northern at central portion ng Cebu kabilang na ang Bantayan at Camotes Islands, Aklan, Capiz, Antique, Iloilo, Guimaras, at northern at central portion ng Negros Provinces.