POSIBLENG pumasok ngayong Martes o sa Miyerkules sa Philippine Area of Responsibility ang tropical depression na namataan ng weather state bureau.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), pagpasok ng tropical depression sa PAR, tatawagin itong “Odette”.
Inaasahan na magla-landfall ito sa Eastern Visayas at Caraga region.
“Inaasahang tatawid ito ng Visayas area hanggang Palawan. Posibleng maging malawak ang maging sakop nito, parte ng southern Luzon at most part of Mindanao ay magkakaroon ng warning signal sa susunod na mga araw,” ayon sa forecaster na si Chris Perez.
Ang tropical depression ay huling namataan tinatayang nasa 1,900 kilometro silangan ng Mindanao (sa labas ng PAR), kumikilos pakanluran hilagang-kanluran sa bilis na 20 kilometro bawat oras na may lakas na hanging 55 kph at pagbugsong aabot sa 70 kph.
Samantala, asahan naman ang mahinang pag-ulan dala ng amihan o northeast monsoon sa Cagayan Valley, Apayao, Kalinga, Ifugao, Mt. Province, at Aurora. Ang Metro Manila, Ilocos Region, Central Luzon, at ang natitirang bahagi ng Cordillera Administrative Region at Calabarzon ay nakatakdang makaranas ng isolated light rains dahil sa amihan.