POSIBLENG malakas na ulan ang maranasan sa Metro Manila sa Lunes, kung saan nakatakda ang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, ayon sa weather bureau.
Nananatili ang lakas ng Tropical Storm Carina, ayon sa 5 p.m. bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).
Namataan ang bagyo 365 km silangan- hilagang silangan ng Casiguran, Aurora at halos stationary lang ito sa nasabing lugar.
Taglay nito ang maximum sustained winds na 85 km per hour (kph) malapit sa gitna at may pagbugsong hanggang 115 kph.
Matinding pag-uulan ang mararanasan sa Metro Manila, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Abra, Pampanga, Bulacan, Rizal, Cavite, Batangas, at Calamian Islands, ayon pa sa Pagasa.
Maaring tumagal ito hanggang Lunes sa La Union, Pangasinan, Benguet, Zambales, Bataan, at Occidental Mindoro.