ASAHAN na ang pagbaha sa ilang lugar sa Quezon City, Valenzuela at Malabon matapos magpakawala ng tubig ang La Mesa Dam Miyerkules ng umaga.
Ito ay matapos na umabot sa 80.16 meter ang lebel ng tubig sa dam, alas-5 ng madaling araw. Lagpas na ito sa spilling level.
Dahil dito, apektado ang mga low-lying areas sa may Tullahan River sa Quezon City, kabilang na ang Fairview, Forest Hills Subdivision, Quirino Highway, Santa Quiteria at San Bartolome. At sa Barangay Ligon, North Expressway at La Huerta Subdivision saValenzuela, at Malabon.
“All the residents living in the aforementioned areas especially those near the river banks are advised to be alert for further increase of water level along Tullahan River,” ayon sa PAGASA.
Matinding pag-ulan ang dinanas ng Metro Manila simula Martes ng gabi hanggang Miyerkules ng madaling araw bunsod ng habagat, dahilan para bahain ang ilang lugar.
Sinabi rin ng PAGASA na bukod sa Metro Manila, apektado rin ng habagat ang Zambales, Bataan, Tarlac, Pampanga, Cavite, Batangas, Occidental Mindoro, Palawan, at Antique.