TINANGGAL na ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa)) ang mga pangalang Jolina, Maring at Odette sa listahan ng mga bagyo matapos namang magdulot ang mga ito ng matinding pinsala sa bansa noong 2021.
Simula 2025, papalitan ang mga ito ng mga pangalang Jacinto, Mirasol at Opong.
Inaalis ng Pagasa ang mga pangalan ng bagyo sa listahan kung nagdulot ito ng ₱1 bilyong pinsala o mga namatay na aabot sa 300.
Matinding pinsala ang dala ni ‘Jolina’ o (International name: Conson) sa Visayas at Southern Luzon noong Setyembre 2021, habang si “Maring” (International name: Kompasu) ay nanalasa naman noong Oktubre.
Umabot ang pinsala ng bagyong Odette ng ₱47.149 bilyon at 405 katao naman ang namatay.