Habang may ‘Nika’, bagong bagyong ‘Ofel’ papasok na rin ng PAR

HINDI pa man din nakakalabas ng bansa ang typhoon Nika, isang low pressure area (LPA) ang nasa labas ng Philippine area of responsibility (PAR) ang nag-develop na sa isang tropical depression, ayon sa weather bureau Lunes ng umaga.

Inaasahang papasok sa PAR ang tropical depression Martes ng umaga at tatawagin itong “Ofel”.

Sa weather update ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (Pagasa), sinabi nito na namataan ang tropical depression 1,620 kilometers (km) silangan ng Eastern Visayas, na may taglay na lakas ng hangin na 45 kilometers per hour (kph) malapit sa gitna at kumikilos kanluran-hilagangkanluran sa bilis na 35 kph, na may pagbugsong hanggang 55 kph.

Si “Ofel” ang ika-15 bagyo na papasok sa bansa ngayong taon.

Inaasahan na magla-landfall ito sa Northern o Central Luzon sa Huwebes ng gabi o Biyernes ng madaling araw.