PINAALALAHANAN ng Department of Health ang publiko sa panganib na dala ng mataas na temperatura ngayon na inaasahang aabot sa 46 degrees Celsius ang heat index na mararanasan sa Metro Manila at iba pang lugar ngayong Marso 3 at 4.
Dahil dito, ilang lugar sa Metro Manila ang nagkansela ng kanilang face-to-face classes para maiiwas ang mga mag-aaral sa delikadong sitwasyon na maari nilang maranasan.
Ayon sa DOH, ang exposure sa matinding init ay posibleng makaranas ng heat cramps at exhaustion na may sintomas nang sobrang kapaguran, sakit ng ulo, pagkahilo at pagsusuka.
“Ang matagal na pagkakalantad sa init ay nagpapataas ng posibilidad ng heat stroke, isang seryosong kondisyon na may pagkawala ng malay, pagkalito, o kaya ay mga seizure/kombulsyon, na maaaring nakamamatay kung hindi ginagamot,” ayon sa DOH.
“Kung ang pasyente ay may kamalayan, hikayatin ang madalas ngunit mabagal na pagsipsip ng malamig na tubig. Makipag-ugnayan sa emergency services, o dalhin kaagad ang tao sa ospital.”