PITO na ang naiulat na nasawi sa hagupit ng bagyong “Kristine”, ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Huwebes.
Sa ulat, anim na naitalang nasawi ay mula sa Western Visayas at isa sa Calabarzon.
Samantala, apat iba pa ang naiulat na nasugatan sa Bicol habang pito ang nawawala — lima ay mula Bicol, isa sa Calabarzon at isa sa Ilocos region.
Samantala, umabot na sa 431,738 pamilya o 2,077,643 katao mula sa 2,124 barangays sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Caraga, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), at Cordillera Administrative Region (CAR) ang apektado ng bagyo.
Marami sa mga ito ang nasa evacuation center habang nakipisan naman sa kani-kanilang pamilya ang iba pa.
Apektado rin ng bagyo ang may 86 ports sa siyam na rehiyon.
Umabot naman sa 5,980 katao, 1,351 rolling cargoes, 106 vessels, at 12 motor bancas ang stranded mula sa iba’t ibang ports sa Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Western Visayas, Central Visayas at Eastern Visayas.
Ayon pa sa tala, may 1,007 kabahayan na rin ang nasira ni “Kristine”.