‘Xander Ford dapat ipa-rehab’

NAIS ng mga magulang na ipasok sa rehabilitation center si Xander Ford upang matigil na ang mga kalokohan nito, ayon sa vlogger na si Makagwapo.

Sa YouTube video, isiniwalat ni Makagwapo (Christian Merck Grey sa totoong buhay) na tumawag sa kanya ang mga magulang ni Xander aka Marlou Arizala at nagpapatulong para maipa-rehab ang huli.

Ayon sa kwento ng mga magulang, makaraang matanggap ang P350,000 mula kay Makagwapo ay hindi umano umuwi ng bahay nang dalawang araw si Xander.

“Hindi pala umuwi si Kalapangit (Xander) nang dalawang araw. O gets n’yo na?” ani Makagwapo.

At nang umuwi si Xander, sabi niya, ay nasa P20,000 hanggang P30,000 na lang ang natitirang pera nito.

Dahil sa pangyayari, gusto raw ng mga magulang ni Xander na i-rehab ito.

Klinaro naman ni Makagwapo na wala namang sinabi ang mga magulang ni Xander na gumagamit ng droga ang kanilang anak.

“Hindi naman sinabing nag-aadik. Siguro sa inom, sa barkada,” aniya.

Umapela si Makagwapo kay Xander na itigil na ang pagbibisyo at ayusin ang relasyon sa mag-ina niya na nilayasan na siya.

“Marlou, anong pinaggagawa mo sa buhay? Pera nauubos ‘yan, lagi mong tatandaan. Pero ikaw bilang tatay, ‘yung pag-aaruga mo sa anak mo, hindi na maibabalik ‘yung oras,” sey niya.