“MAHIRAP man sa buhay, mayaman naman sa respeto.”
Ganito inilarawan ng convenience store employe ang pamilya mula sa Lanao de Sur na nagtanggal ng tsinelas bago pumasok sa establisimento dahil maputik ang kanilang mga suot.
Sa Facebook, ibinahagi ni Vladimir Olin ang larawan ng mga tsinelas sa labas ng pinagtatrabahuhan niyang 7-Eleven sa Maramag, Bukidnon.
“Sinabihan ko sila na okay lang ipasok ang tsinelas pero they insisted na okay lang iwan kasi madumi naman daw. So, hinayaan ko po silang iwan,” ani Vladimir.
“Bago sila umalis nag iwan sila ng salita sa akin na, ‘Sir, sorry sa dumi namin. Ikaw na po bahala, sir.’ I replied, ‘Okay, sir. No problem’,” dagdag niya.
Napag-alaman ni Vladimir na galing pa sa Lanao del Sur ang pamilya.
“Bumilib lang talaga ako sa kanilang pinakita. Madalang na lang ang mga taong may simpatya sa kapwa,” aniya.
Inilarawan din niya ang pamilya na “hindi ignorante…dahil mahirap man sa buhay, mayaman naman sa respeto at magandang asal.”