VERIFIED account ka ba sa Twitter o ikaw ba yung may blue check sa hulihan ng iyong pangalan? Aba’y ihanda mo na ang iyong $8 o P466.16 kada buwan dahil maniningil na ang Twitter soon.
Ito ay ayon sa bagong boss nito na si Elon Musk kasabay ang pagsasabi na kailangan ng kompanya na i-boost ang subscription upang hindi masyadong umasa sa ads.
“Twitter’s current lords & peasants system for who has or doesn’t have a blue checkmark is bullshit. Power to the people! Blue for $8/month,” ayon sa tweet ni Musk nitong Martes.
Gayunman, sinabi nito naia-adjust ang bayarin depende sa purchasing power ng isang bansa.
“Price adjusted by country proportionate to purchasing power parity,” anya.
Ang blue check mark na nasa huling bahagi ng username ay kumpirmasyon na ang nasabing account ay pag-aari ng isang indibidwal o kompanya. Sa kasalukuyan ay libre ang Twitter.
Binili ni Musk ang nasabing social media network noong isang linggo sa halagang $44 bilyon.