INULAN ng puna mula sa netizens ang ginawang tila pangmamaliit ng broadcaster na si Ramon “Mon” Tulfo sa isang delivery boy na iginiit na dapat magbitiw sa puwesto si Justice Sec. Crispin “Boying” Remulla makaraang maaresto sa drug raid ang anak nito.
Sa kanyang Facebook post, ipinagtanggol ni Tulfo si Remulla at sinabing hindi ito dapat sisihin sa pagkakamali ng anak na si Juanito Jose Diaz Remulla III na nadakip sa umano’y pag-aangkat ng P1.3 milyong halaga ng imported marijuana o kush.
“Si Juanito ay 36 at di na bata. Kung nagkamali man siya ay hindi kasalanan ng kanyang ama. Sino ba ang ama na matino ang pag-iisip na magudyok sa anak na lumabag sa batas? Lalo pa’t ang ama ay justice secretary,” ani Tulfo.
“Kahit na anong disiplina o pangaral ang gawin ng isang magulang sa kanyang anak ay may hangganan kapag ang anak ay malaki at matanda na,” paliwanag pa niya.
Marami naman ang kumontra sa kanyang opinyon.
Isa rito si Laklak Portes na sinabi na, “Di po siya ordinaryong tao, siya po ay Sec ng Justice, kaya dapat siya mag resign. Nakakahiya po iyan, sarili nyang anak di nya kayang malinis.”
Hirit naman ni Tulfo: “Hu, nagsalita ang delivery boy! Usapan ng mga intelihenteng tao ito.”
“Salamat po sir, salamat po sa ganun lang kaliit sa tingin ninyo [sa aming] mga anak ng mahihirap [na] patuloy na kumakayod makaraos sa kahirapang aming tinatamasa. Lumalaban ng patas, hindi gaya ng anak ng Justice Secretary,” sagot ni Portes.
Hindi naman nagustuhan ng maraming netizens ang ginawang pangmamaliit ni Tulfo sa delivery boy.
“So pag delivery boy wala xang karapatan maki alam sa mga isyung may kinalaman sa mga nangyayari po sa bansa?”
“Kung ganyan pala sumagot ang isang ‘intelihenteng tao,’ mas okay na siguro kung maging bobo na lang.”
“Ilang delivery boy kaya ang bumoto sa utol mo para maging senador?”
“And that makes you intelligent, na nangmamaliit ka ng kapwa mo?”
“Ad hominem from someone who claims to be an intellectual? Wow.”
“Hindi po ba pwedeng magbigay ng opinyon kapag hindi intelihenteng tao? Public post po itong ginawa nyo sir. Edi sana nagmention ka nalang po ng mga intelihenteng tao para sila lang po magcomment. Disappointing.”
“Job shaming a delivery boy‼ The superiority complex and attitude. Always true to their brand. Too full of themselves. Kala mo kung sino!”