Sir naman nakadalawa ka na pala: 1 pang biktima ni Jude Bacalso lumutang

ISINAPUBLIKO ng isang events host ang umano’y naranasan niyang pamamahiya sa Cebuano transgender na si Jude Bacalso.

Sa Facebook, sinabi ni Alvin Suan na naganap ang pangyayari noong “2017-2018” sa isang okasyon na siya ang inatasan na mag-emcee.

“Siguradong hindi niya (Bacalso) ako maaalala kasi wala naman akong pangalan noon at baguhan pa lang ako sa industriya,” ani Suan sa Bisaya.

Ayon sa Suan, bahagi ng programa ang maghanap sa audience ng mga talentadong bisita para sa intermission numbers.

Itinuro ng mga kasama si Bacalso kaya kinausap niya ito.

“Sir, sabi ng mga kaibigan mo ikaw daw ang mag-intermission sa inyong mesa,” wika niya umano sa transgender.

Nagulat na lang si Suan sa reaksyon ni Bacalso.

“Tinitigan ako ni Jude na may matalim na mata at tinaas pa ang isang kilay, tapos sinabi niya, ‘Sir, ingnan sagpaa’ (Sir, sabihin mo, sampalin kita)  na may matalim at seryosong mukha. Tumawa ang kanyang mga kaibigan habang ako’y napahiya sa kanyang sinabi. Kaya sinabi ko agad “Ay ma’am diay sorry” tapos sumagot siya ng ‘Later na, kakain pa ako’,” ani Suan.

Kuwento ng host, lumipat siya ng mesa pero narinig niya sa mesa ni Bacalso na pinag-uusapan siya ng mga kaibigan nito.

“Narinig ko..na sinabi ng isa sa kanyang mga kaibigan na, “Maldita kaayu ka, Jude, magdayun gani mo sa host’ tapos nagtawanan sila at sumagot si Jude, ‘No thanks, di ko ganahan probinsyano, lago.’

Nagpanggap na lang akong walang narinig,” sabi ni Suan. Dugyot o marumi ang Tagalog ng “lago.”

Huli na nang nalaman ng emcee na isa rin palang events host ang transgender.

‘Habang pauwi ako noon, awang-awa ako sa sarili ko dahil iyon ang unang beses na pinagtawanan at sinigawan ako sa publiko,” aniya.