Sampaguita vendor na sinipa ng sekyu, may P10K, negosyo package mula kay Rosmar

SA awa sa sampaguita vendor na sinipa at sinira ang paninda ng mall guard, bibigyan ito ni Rosmar Tan Pamulaklakin ng P10,000 cash at beauty products.

Sa kanyang Facebook page, isinapubliko ni Rosmar na nahanap niya at nakausap niya ang vendor na si Jenny, isang first year Medical Technology student.

“Pinahanap ko sya at para mapadalhan ko ng tulong kasi naaawa ako sa kanya nung napanuod ko ang video,” sey ng businesswoman at social media personality.

“Binigyan ko rin sya ng 10k para di mo na kailangan magtinda sa labas ng sampaguita,” sambit niya sabay dagdag na bibigyan din niya ito ng kanyang mga skincare products na pwede nitong ilako sa mga kapitbahay.

Giit ni Rosmar, hindi niya kinakampihan ang dalaga dahil talagang mali ang ginawa nitong pagtitinda sa mall.

“Ginagawa lang ng guard ang trabaho nya. Un nga lang mali na sinipa at sinira ang paninda,” dugtong niya.

Nilinis naman ni Rosmar ang dalaga sa mga akusasyon na hindi ito totoong estudyante.

“Iisa lang din daw ang uniform nya kaya ginagamit nya ang senior high uniform nya pag nilalabhan nya ang uniform nya mismo. Naka video call ko sya and nakita ko mga frame na nakasabit sa bahay nila. Nag aaral talaga sya,” sabi niya.

Payo naman niya sa vendor: “Aral ka ng mabuti para sa magandang future at tapusin mo ang pag aaral mo. Mag tinda ka nalang ng inihaw o Rosmar Skincare sa labas ng bahay nyo. Godbless sayo.”