KLINARO ng social media personality at businesswoman na si Rosmar Tan Pamulaklakin na nagkaroon siya ng spotting kaya nagpadala siya sa emergency room ng isang ospital.
Ngayong araw ay nag-viral ang larawan ni Rosmar na kumportableng nakahiga sa kama ng ER na may caption na, “sa sobra kong excited magpa-ultrasound para makita si Baby Junior nagpa-emergency room talaga ako kanina. Wala daw kasi ultrasound, meron lang kapag sa ER.”
Giit ni Rosmar, hindi niya naipaliwanag nang maayos kung bakit nasa ospital siya kaya inakala ng publiko na kapritso ang pagpunta niya sa ER.
“Mismong ospital ang nagsabi na pwede lang mag paultrasound kung mag papa ER ako. And kaya ako nag pa ultrasound nung araw na un dahil may ‘spotting’ ako at buntis ako,” sabi niya.
“Kahit sino naman sigurong nanay o buntis kung may spotting dederetso agad ng ER at gusto makita kung safe ang baby sa tyan at kakabahan lalo na kung 1st trimester,” dagdag niya.
Ayon sa beauty brand CEO, maayos na ang kundisyon niya at ng baby sa kanyang sinapupunan.
Banat niya sa bashers: “Dami talagang taong perfect wala namang alam sa buong pangyayari. Sana all perfect. Kung nanay ka lalo na kung buntis ka maiintindihan mo ang pakiramdam ng isang ina na kinakabahan kapag may spotting.”