WANTED kay Rosmar Tan Pamulaklakin ang mall security guard na sinibak sa trabaho matapos nitong sipain ang sampaguita vendor at sirain ang paninda ng huli.
Pero pagkakaklaro ni Rosmar, pinaghahanap niya ang sekyu hindi para iganti ang biktima kundi para alukin ito ng trabaho.
“Kay kuya security guard sana ikaw naman ang next na mahanap ko para mabigyan din kita ng tulong lalo pa at sinibak ka na sa iyong trabaho,” ani Rosmar sa Facebook post. “Kung nais mo rin magtrabaho sa akin hiring ako ng security guard.”
Naniniwala si Rosmar na nagawa lang ito ng sekyu ang pananakit sa bata dahil sa bugso ng damdamin.
“Alam kong ginawa mo lang best mo para gawin ang trabaho mo un nga lang sumobra lang in a way pero tao ka lang din nagkakamali at pwedeng magbago. Naniniwala ako na kaya mo lang nagawa un dahil ginagampanan mo lang trabaho mo,” pahayag ng businesswoman at social media influencer.
Bago ito, binigyan ni Rosmar ng P10,000 cash at beauty products ang vendor na kanya ring ipinahanap.
Base sa ulat, sinisante ng security agency ang sekyu matapos mag-viral ang video ng ginawa niyang pananakit.