NAPURNADA ang planong makapagtrabaho sa ibang bansa ng isang single mom makaraang mabasa sa Watah! Watah! Festival noong June 24 sa San Juan ang mga dokumentong sana ay ipapasa niya sa recruitment agency.
Sa Facebook, shinare ng isang “Rod Lina” ang mga screen shots ng post ng member ng isang community page ukol sa malungkot na karanasan nito sa basaan sa siyudad.
Kuwento ng netizen, papunta siya sa final interview sa San Juan para sa isang trabaho sa Europe nang harangin siya ng humigit-kumulang 20 katao na may hawak na water gun, timbang may tubig, at hose.
Aniya, hindi niya alam na piyesta noon sa siyudad. Nakiusap ang babae na huwag siyang basain dahil may importante siyang pupuntahan pero hindi siya pinakinggan ng mga ito.
“Pinasiritan ako ng tubig sa mukha mula sa hose. At di pa sila nakuntento. Binuhusan ako ng ilang timbang tubig. Kaya halos basang basa ako. ‘Yong hawak ko na envelop kung nasaan original requirements ko ay nabasa din. Halos mabura ang mga details ko kasi basang-basa,” sabi niya.
“Nakiusap ako. Nagmakaawa. Pero hindi kayo nakinig. Umiyak pero nagtatawanan pa kayo. Happy Fiesta,” wika ng netizen.
Dahil sa pangyayari ay hindi na siya nakatuloy sa interview. Napag-alaman niya na lahat nang kasabayan niyang mga aplikante ay tinanggap. Dagdag niya, gumuho lahat ng mga pangarap niya para sa kanyang tatlong anak.
“Yung isang araw na fiesta ninyo isang buong pangarap ko po ang naglaho,” sambit niya.
“Sana napasaya namin kayo. Napakalaking bagay po na makakaalis ako ng bansa dahil solo ko na binubuhay mga anak ko.”