Pamilya ng viral sampaguita vendor nakatanggap ng P20K ayuda

NAKATANGGAP ng P20,000 tulong-pinansyal mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamilya ng college student na sinaktan ng mall ng security guard habang nagtitinda ng sampaguita sa labas ng mall sa Mandaluyong.

Mismong si Assistant Secretary Irene Dumlao ang nag-abot ng ayuda sa ina ng vendor dahil nasa paaralan si Jeny, 22, nang bumisita ang mga taga-DSWD sa tahanan nito sa Quezon City noong Biyernes.

“Nanay, ito pong ipinaabot namin sa iyo ay initial pa lamang. Sabi po ng case manager natin, babalik sya at mag-iinterview sya para humingi ng additional information kasi gusto rin po namin kayong matulungan,” ani Dumlao.

Dagdag ng opisyal, pag-aaralan ng mga social worker ang situwasyon ng pamilya para matukoy kung ano pa ang maitutulong dito ng pamahalaan.

Kaugnay nito, nilinaw ni Jeny na hindi siya miyembro ng sindikato at hindi rin niya minura at dinuraan ang security guard ng SM Megamall na nagtaboy at nanakit sa kanya kamakailan.

Ipinaliwanag din ng first year Medical Technology student na kaya raw niya isinusuot ang kanyang lumang high school uniform habang nagtitinda ay dahil kokonti lang ang kanyang damit at ayaw niyang marumihan ang kasalukuyang uniporme.

“Nagsusuot po ako ng uniform kasi para maging disente po sa harap ng tao at hindi po pagpapanggap ‘yun at totoo naman po akong nag-aaral,” ani Jeny.

Dahil hindi full scholar sa paaralan, sinabi ng vendor na kailangan niyang kumayod para tustusan ang kulang sa matrikula at iba pang mga gastusin.

“Kailangan ko po talaga magtinda para naman po maka-survive ako sa pag-aaral ko May kaedaran na po kasi ang parents ko at kadalasan nagkakasakit na po ang mama ko kaya bilang isang anak, hindi ko naman po gugustuhin na mas lumala pa ang sakit ng parents ko kaya mas gusto ko na i-provide na lang ‘yung pangangailangan namin,” wika niya.