Pakimkim sa anak ni Boss Toyo umabot ng P1.2M

UMABOT sa P1.2 milyon ang natanggap na pakimkim sa binyag ni Toyo Liit, ng anak ng social media personality at businessman na si Boss Toyo.

Pinakamalaki ang bigay ng isang negosyante na nasa 10,000 Canadian dollars o P411,000.

Hindi naman nagpahuli ang mga senador na sina JV Ejercito at Bong Revilla, ang mga tatakbo sa nasabing posisyon na sina Camille Villar at Chavit Singson, at ang negosyanteng si Alvin Chu Teng na pare-parehong nag-abot ng P100,000.

Sa Facebook video, ipinakita ni Boss Toyo at long-time partner na si Jhoy Maldo ang pagbubukas sa mga sobre ng pakimkim mula sa dose-dosenang ninong at ninang ni Toyo Liit na galing sa iba’t-ibang sektor ng lipunan.

Bukod sa apat, ibinida rin nila ang bigay nina Michael Pacquiao (P10,000), Quirino Gov. Dax Chua (P50,000), Daddy Blue (P50,000), Habibi Sami (P5,000), Cavite City Mayor Denver Chua (P20,000), at Batangas Vice Gov. Mark Leviste (P10,000).

Binuksan din nina Boss Toyo at Jhoy ang ilang mga sobre na walang pangalan na naglalaman naman ng mula P20,000 hanggang P50,000.

Isa pang ninang ang nagregalo ng 100-square meter na property bukod pa sa P50,000 cash.

“Maraming-maraming salamat po. Uulitin ko po, ang pesensya n’yo pa lang nagpapasalamat na ako tapos meron pang ganito (pakimkim),” ani Boss Toyo.

Sa mga susunod na araw, dagdag niya, ay ilalabas ang video ng unboxing ng iba pang mga regalo sa anak.