OWWA bumili ng sanitary napkin sa hardware; hepe sumagot pero…

WALA pang inilalabas na paliwanag ang Overseas Workers Welfare Administration kaugnay sa ulat ng Commission on Audit na bumili ang ahensya ng mga pasador sa isang hardware store.


Matatandaang inilabas ng isang tabloid ang ulat na na-flag ng COA ang OWWA sa pagbili nito ng hygiene kits, sanitary napkins, at thermal scanners mula sa MRCJP Construction and Trading sa 80 M. Cornejo st., Brgy. 161, Malibay, Pasay.


Hindi naman natagpuan ng mga opisyal ng COA ang nasabing tindahan nang magsagawa sila ng inspeksyon.


Ayon sa ulat ng COA, binili ng OWWA ang mga pasador sa halagang P10 hanggang P30 gayong mabibili lang ito sa tindahan ng hanggang P8.


Napag-alaman na bumili rin ang ahensya ng thermal scanner na P2,950 kada piraso, mas mahal ng hanggang P800 sa mga itinitinda online.


Maliban dito, na-flag din ng COA ang P300,000 halaga ng tubig at cupcake na binili ng OWWA mula sa isang caterer.


Ang tanging sagot ni OWWA administrator Hans Cacdac sa isyu ng pasador: “Still subject to liquidation po ang item na ito, the COA has given the concerned official time to clarify this matter.”