NAGHAIN ang negosyanteng si Philip Laude ng petition for habeas data laban kay Mae Larra Sumicad alyas Precious Larra Su, na nag-post ng screenshots ng mga mensahe para palabasin na mayroon silang relasyon.
Isinampa ni Laude, asawa ng vlogger na si Small Laude, ang petisyon sa Pasig City Regional Trial Court noong isang linggo.
Ang writ of habeas data ay isang legal remedy na naglalayong protektahan ang karapatan ng isang tao sa pribadong impormasyon, lalo na kung tungkol sa kanilang personal na datos.
Karaniwan itong ginagamit upang pilitin ang isang indibidwal o ahensya ng gobyerno o pribadong organisasyon na ihayag, itama, o burahin ang datos tungkol sa isang tao na hindi tama, hindi naaangkop, o nakuha nang labag sa batas.
Kadalasang inihahain ang writ na ito kapag nararamdaman ng isang tao na ang kanilang personal na impormasyon ay inaabuso o ang kanilang pribadong buhay ay nalalabag. Layunin nito na bigyan sila ng karapatang alamin at hamunin ang maling paggamit ng kanilang personal na datos.
Inatasan na ng korte si Sumicad na sagutin ang petisyon ni Laude kalakip ang mga affidavits at “lawful defenses.”
Sakaling nasa kanya ang mga screenshots, sinabi ng korte na kailangang ipaliwanag ni Sumicad kung paano niya ito nakuha, bakit niya ito itinago at kung totoo ang mga ito.