Maleta ng TikToker nilimas sa airport

ITINANGGI ng Manila International Airport Authority na sa Ninoy Aquino International Airport ninakaw ang mga laman ng luggage ng isang TikToker.

Dumating si Ady Cotoco, sa NAIA Terminal 3 sakay ng Etihad Airways plane mula Madrid, Spain nitong Huwebes ng gabi.

Nang makuha ang mamahaling Rimowa luggage, nagulat siya nang makita na
sira na ang lock nito.

Agad niyang binuksan ang maleta at nadiskubre na wala na ang binili niyang Dior shoes para sa kapatid, Balenciaga shoes para sa kanya, tatlong bote ng Bleu de Chanel na pabango at ilang piraso ng branded na damit.

Ani Cotoco, nagkakahalaga ng “hundreds of thousands of pesos” ang mga nanakaw sa kanya.

Sa kalatas, sinabi ng MIAA na base sa imbestigasyon at pagbusisi sa mga CCTV footage, hindi naganap ang pagnanakaw sa NAIA.

“An all-night investigation conducted by MIAA and Etihad through a review of various CCTV footage revealed that the luggage tampering could not have happened at NAIA Terminal 3 but at foreign airports where passenger made stop-overs enroute to Manila,” ayon sa MIAA.

Sinabi naman ng TikToker na hindi siya makapaniwala sa pangyayari.

“I was really traumatized because for the first time in 23 years that I have been traveling this happened to me. What if this happens to our fellow Filipinos who really worked hard for that money, they bought it for their loved ones and suddenly someone else stole it,” aniya.